Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Dios ang ating Hari
93 Kayo ay hari, Panginoon;
nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
2 Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
naroon na kayo noon pa man.
3 Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
4 Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
5 Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.
Ang Mensahe Laban sa Hari ng Tyre
28 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tyre na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sa pagmamataas moʼy sinasabi mo na isa kang dios na nakaupo sa trono sa gitna ng karagatan. Pero ang totoo, kahit na ang tingin mo sa iyong sarili ay marunong katulad ng isang dios, tao ka lang at hindi dios. 3 Iniisip mong mas marunong ka pa kaysa kay Daniel at walang lihim na hindi mo nalalaman. 4 Sa pamamagitan ng iyong karunungan at pang-unawa ay yumaman ka, at nakapag-imbak ng mga ginto at pilak sa iyong taguan. 5 Dahil magaling ka sa pangangalakal, lalo pang nadagdagan ang kayamanan mo at dahil ditoʼy naging mapagmataas ka. 6 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, dahil ang tingin mo sa sarili ay isa kang dios, 7 ipapalusob kita sa mga dayuhan, sa pinakamalulupit na bansa. Wawasakin nila ang naggagandahang ari-ariang nakuha mo sa pamamagitan ng iyong karunungan. At mawawala ang karangalan mo. 8 Masaklap ang magiging kamatayan mo, at ihahagis ka nila sa kailaliman ng karagatan. 9 Masasabi mo pa kayang isa kang dios, sa harap ng mga papatay sa iyo? Para sa kanila, tao ka lang at hindi dios. 10 Kaya mamamatay ka ng tulad ng kamatayan ng mga taong hindi naniniwala sa akin,[a] sa kamay ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Pagbato kay Esteban
54 Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila kay Esteban. Nagngalit ang kanilang mga ngipin sa matinding galit. 55 Pero si Esteban na puspos ng Banal na Espiritu ay tumingala sa langit, at nakita niya ang nagniningning na kapangyarihan ng Dios at si Jesus na nakatayo sa kanan nito. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo si Jesus na Anak ng Tao sa kanan ng Dios!” 57 Sumigaw ang mga miyembro ng Korte at tinakpan nila ang kanilang mga tainga para hindi nila marinig ang sinasabi ni Esteban. At sabay-sabay silang sumugod sa kanya. 58 Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato. Hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa isang binatang ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya. Sinabi niya, “Panginoong Jesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” 60 Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo silang papanagutin sa kasalanang ito na ginawa nila.” At pagkasabi niya nito, namatay siya.
8 1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.
Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya
Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®