Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios
16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
dahil sa inyo ako nanganganlong.
2 Kayo ang aking Panginoon.
Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
3 Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
lubos ko silang kinalulugdan.
4 Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.
5 Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
6 Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
7 Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
8 Panginoon palagi ko kayong iniisip,
at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
9 Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.
28 Ang lahat ng itoʼy nangyari sa buhay ni Haring Nebucadnezar. 29 Pagkalipas ng isang taon mula nang ipaliwanag ni Daniel ang kahulugan ng kanyang panaginip, ganito ang nangyari:
Habang namamasyal si Haring Nebucadnezar sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia 30 sinabi niya, “Talagang makapangyarihan ang Babilonia, ang itinayo kong maharlikang bayan sa pamamagitan ng aking kapangyarihan at para sa aking karangalan.”
31 Hindi pa siya halos natatapos sa pagsasalita, may tinig mula sa langit na nagsabi, “Haring Nebucadnezar, makinig ka: Binabawi ko na sa iyo ang iyong kapangyarihan bilang hari. 32 Itataboy ka mula sa mga tao at maninirahan kang kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain ka ng damo na parang baka. Pagkatapos ng pitong taon ay kikilalanin mo ang Kataas-taasang Dios na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.”
33 Nangyari nga agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya mula sa mga tao at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan, at humaba ang kanyang buhok na parang balahibo ng agila at ang kanyang kuko ay parang kuko ng ibon.
34 “Pagkatapos ng pitong taon, ako, si Nebucadnezar ay lumapit sa Dios[a] at nanumbalik ang matino kong pag-iisip. Kaya pinuri ko at pinarangalan ang Kataas-taasang Dios na buhay magpakailanman. Sinabi ko,
‘Ang paghahari niya ay walang katapusan.
35 Balewala ang mga tao sa mundo kung ikukumpara sa kanya.
Ginagawa niya ang nais niya sa mga anghel sa langit at sa mga tao sa lupa.
Walang makakatutol o makakahadlang sa kanya.’
36 “Nang manumbalik na ang aking katinuan, ibinalik din sa akin ang karangalan at kapangyarihan bilang hari. Muli akong tinanggap ng aking mga opisyal at mga tagapayo, at akoʼy naging mas makapangyarihan kaysa dati. 37 Kaya ngayon, pinupuri koʼt pinararangalan ang Hari ng langit, dahil matuwid at tama ang lahat niyang ginagawa at ibinabagsak niya ang mga mapagmataas.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(A)
12 Nangaral si Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya iyon at nagpagawa siya ng pisaan ng ubas. Nagtayo rin siya ng isang bantayang tore. At pagkatapos ay pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar. 2 Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan para kunin ang parte niya. 3 Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang alipin at binugbog, at pinaalis nang walang dala. 4 Nagsugo ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero ipinahiya nila ito at hinampas sa ulo. 5 Muli pang nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, pero pinatay nila ito. Marami pang isinugo ang may-ari, pero ang ibaʼy binugbog din at ang ibaʼy pinatay. 6 Sa bandang huli, wala na siyang maisugo. Kaya isinugo niya ang pinakamamahal niyang anak. Sapagkat iniisip niyang igagalang nila ang kanyang anak. 7 Pero nang makita ng mga magsasaka ang kanyang anak, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya para mapasaatin na ang lupang mamanahin niya.’ 8 Kaya sinunggaban nila ang anak, pinatay at itinapon sa labas ng ubasan.”
9 Pagkatapos, nagtanong si Jesus, “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan. 10 Hindi nʼyo ba nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong pundasyon.[a]
11 Gawa ito ng Panginoon
at kahanga-hanga ito sa atin!’ ”[b]
12 Alam ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin si Jesus, pero natatakot sila sa mga tao. Kaya pinabayaan na lang nila si Jesus, at umalis sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®