Revised Common Lectionary (Complementary)
16 Ingatan mo ako, Oh Dios; sapagka't sa iyo nanganganlong ako.
2 Oh kaluluwa ko, iyong sinabi sa Panginoon, ikaw ay aking Panginoon: ako'y walang kabutihan liban sa iyo.
3 Tungkol sa mga banal na nangasa lupa, sila ang maririlag na mga kinalulugdan kong lubos.
4 Ang mga kalumbayan nila ay dadami, na nangaghahandog sa ibang dios: ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ihahandog, ni sasambitin man ang kanilang mga pangalan sa aking mga labi.
5 Ang Panginoon ay siyang bahagi ng aking mana at ng aking saro: iyong inaalalayan ang aking kapalaran.
6 Ang pising panukat ay nangahulog sa akin sa mga maligayang dako; Oo, ako'y may mainam na mana.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo: Oo, tinuturuan ako sa gabi ng aking puso.
8 Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko: sapagka't kung siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at ang aking kaluwalhatian ay nagagalak: ang akin namang katawan ay tatahang tiwasay.
10 Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol; ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan.
11 Iyong ituturo sa akin ang landas ng buhay: nasa iyong harapan ang kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanan ay may mga kasayahan magpakailan man.
4 Akong si Nabucodonosor ay nagpapahinga sa aking bahay, at gumiginhawa sa aking palasio.
5 Ako'y nakakita ng isang pangitain na tumakot sa akin; at ang pagiisip ko sa aking higaan at ang mga pangitain na suma aking ulo ay bumagabag sa akin.
6 Kaya't nagpasiya ako na iharap sa akin ang lahat na pantas sa Babilonia, upang kanilang maipaaninaw sa akin ang kahulugan ng panaginip.
7 Nang magkagayo'y nagsidating ang mga mahiko, ang mga enkantador, ang mga Caldeo, at ang mga manghuhula; at isinaysay ko ang panaginip sa harap nila; nguni't hindi nila maipaaninaw sa akin ang kahulugan niyaon.
8 Nguni't sa kahulihuliha'y dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Beltsasar, ayon sa pangalan ng aking dios, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na dios: at aking isinaysay ang panaginip sa harap niya, na aking sinasabi,
9 Oh Beltsasar, na pangulo ng mga mahiko, sapagka't talastas ko na ang espiritu ng mga banal na dios ay sumasaiyo, at walang lihim na bumabagabag sa iyo, isaysay mo sa akin ang mga pangitain ng aking panaginip na aking nakita, at ang kahulugan niyaon.
10 Ganito ang mga pangitain ng aking ulo sa aking higaan, Ako'y tumitingin, at narito, ang isang punong kahoy sa gitna ng lupa, at ang taas niyao'y di kawasa.
11 Ang punong kahoy ay lumaki, at tumibay, at ang taas niyao'y umaabot hanggang sa langit, at ang tanaw niyaon hanggang sa wakas ng buong lupa.
12 Ang mga dahon niyao'y magaganda, at ang bunga niyao'y marami, at pagkain sa lahat; ang mga hayop sa parang ay may lihim sa ilalim niyaon, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagsisitahan sa mga sanga niyaon, at ang lahat na laman ay nangabubusog doon.
13 May nakita ako sa mga pangitain ng aking ulo sa aking higaan, at, narito, isang bantay at isang banal ay bumaba mula sa langit.
14 Siya'y sumigaw ng malakas, at nagsabi ng ganito, Ibuwal ang kahoy, at putulin ang mga sanga niyan, lagasin ang mga dahon niyan, at isambulat ang mga bunga niyan: paalisin ang mga hayop sa ilalim niyan, at ang mga ibon sa mga sanga niyan.
15 Gayon ma'y inyong iwan ang tuod ng kaniyang mga ugat sa lupa, na magkatali ng bakal at tanso, sa murang damo sa parang; at bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasalo siya ng mga hayop sa damo sa lupa:
16 Bayaang ang kaniyang puso na pusong tao ay mapalitan at ang puso ng hayop ay mabigay sa kaniya; at mangyaring makapito sa kaniya.
17 Ang hatol ay sa pamamagitan ng pasiya ng mga bantay, at ang utos ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang makilala ng mga may buhay na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kanino mang kaniyang ibigin, at itinataas niya sa kaniya ang pinakamababa sa mga tao.
18 Akong si Nabucodonosor na hari ay nakakita ng panaginip na ito: at ikaw, Oh Beltsasar, ipahayag ang kahulugan, sapagka't lahat na pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpaaninaw sa akin ng kahulugan; nguni't maipaaaninaw mo; sapagka't ang espiritu ng mga banal na dios ay sumasa iyo.
11 Datapuwa't ikaw, Oh tao, ng Dios, tumakas ka sa mga bagay na ito, at sumunod ka sa katuwiran, sa kabanalan, sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis, sa kaamuan.
12 Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya, manangan ka sa buhay na walang hanggan, na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.
13 Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios na bumubuhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus, na sa harapan ni Poncio Pilato ay sumaksi ng mabuting pagpapahayag;
14 Na tuparin mo ang utos, na walang dungis, walang kapintasan hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesucristo:
15 Na sa kaniyang kapanahunan ay ipahahayag siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon;
16 Na siya lamang ang walang kamatayan, na nananahan sa liwanag na di malapitan; na di nakita ng sinomang tao, o makikita man: sumakaniya nawa ang kapurihan at paghaharing walang hanggan. Siya nawa.
17 Ang mayayaman sa sanglibutang ito, ay pagbilinan mo na huwag magsipagmataas ng pagiisip, at huwag umasa sa mga kayamanang di nananatili, kundi sa Dios na siyang nagbibigay sa ating sagana ng lahat ng mga bagay upang ating ikagalak;
18 Na sila'y magsigawa ng mabuti, na sila'y magsiyaman sa mabuting gawa, na sila'y maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi;
19 Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila'y makapanangan sa buhay na tunay na buhay.
20 Oh Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na ilagan mo ang mga usapan na walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng maling tawag na kaalaman;
21 Na palibhasa'y pinaniwalaan ng ilan ay nangasinsay tungkol sa pananampalataya. Ang biyaya ay sumainyo nawa.
Public Domain