Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 94

94 Oh Panginoon, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, sumilang ka.

Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa: ibigay mo sa palalo ang panghihiganti sa kanila.

Panginoon, hanggang kailan ang masama, hanggang kailan magtatagumpay ang masama?

Sila'y dumadaldal, sila'y nagsasalita na may kapalaluan: lahat na manggagawa ng kasamaan ay nangagmamalaki.

Kanilang pinagwawaraywaray ang iyong bayan, Oh Panginoon, at dinadalamhati ang iyong mana.

Kanilang pinapatay ang bao at ang taga ibang lupa, at pinapatay ang ulila.

At kanilang sinasabi, ang Panginoo'y hindi makakakita, ni pakukundanganan man ng Dios ni Jacob ito.

Gunitain ninyo, ninyong mga hangal sa gitna ng bayan: at ninyong mga mangmang, kailan tayo magiging pantas?

Siyang lumikha ng pakinig, hindi ba siya makakarinig? Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?

10 Siyang nagpaparusa sa mga bansa, hindi ba siya sasaway, sa makatuwid baga'y siyang nagtuturo sa tao ng kaalaman?

11 Nalalaman ng Panginoon ang mga pagiisip ng tao, na sila'y pawang walang kabuluhan.

12 Mapalad ang tao na iyong pinarurusahan, Oh Panginoon, at tinuturuan mo sa iyong kautusan.

13 Upang iyong mabigyan ng kapahingahan sa mga kaarawan ng kasakunaan, hanggang sa mahukay ang hukay na ukol sa masama.

14 Sapagka't hindi itatakuwil ng Panginoon ang kaniyang bayan, ni pababayaan man niya ang kaniyang mana.

15 Sapagka't kahatulan ay babalik sa katuwiran: at susundan ng lahat na matuwid sa puso.

16 Sino ang babangon dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan? Sinong tatayo dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan?

17 Kundi ang Panginoon ay naging aking katulong, ang kaluluwa ko'y tumahang madali sana sa katahimikan.

18 Nang aking sabihin, Ang aking paa ay natitisod; inalalayan ako ng iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon.

19 Sa karamihan ng aking mga pagiisip sa loob ko ang iyong mga pagaliw ay nagbibigay lugod sa aking kaluluwa.

20 Makikisama ba sa iyo ang luklukan ng kasamaan, na nagaanyo ng pagapi sa pamamagitan ng palatuntunan?

21 Sila'y nagpipisan laban sa kaluluwa ng matuwid, at pinarusahan nila ang walang salang dugo.

22 Nguni't ang Panginoon ay naging aking matayog na moog; at ang Dios ko'y malaking bato na aking kanlungan.

23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan, at ihihiwalay niya sila sa kanilang sariling kasamaan; ihihiwalay sila ng Panginoon naming Dios.

Ruth 3:14-4:6

14 At siya'y nahiga sa kaniyang paanan hanggang kinaumagahan: at siya'y bumangong maaga bago magkakilala ang isa't isa. Sapagka't kaniyang sinabi, Huwag maalaman na ang babae ay naparoon sa giikan.

15 At kaniyang sinabi, Dalhin mo rito ang balabal na nasa ibabaw mo at hawakan; at hinawakan niya; at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada, at isinunong sa kaniya; at siya'y pumasok sa bayan.

16 At nang siya'y pumaroon sa kaniyang biyanan, ay sinabi niya, Ano nga, anak ko? At isinaysay niya sa kaniya ang lahat na ginawa sa kaniya ng lalake.

17 At sinabi niya, Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin; sapagka't kaniyang sinabi, Huwag kang pumaroong walang dala sa iyong biyanan.

18 Nang magkagayo'y sinabi niya, Maupo kang tahimik, anak ko, hanggang sa iyong maalaman kung paanong kararatnan ng bagay: sapagka't ang lalaking yaon ay hindi magpapahinga, hanggang sa kaniyang matapos ang bagay sa araw na ito.

Si Booz nga'y sumampa sa pintuang-bayan, at naupo siya roon: at, narito, ang malapit na kamaganak na sinalita ni Booz ay nagdaan; sa lalaking yao'y sinabi niya, Oy, kuwan! lumiko ka, maupo ka rito. At siya'y lumiko, at naupo.

At siya'y kumuha ng sangpung lalake sa mga matanda sa bayan, at sinabi, Maupo kayo rito. At sila'y naupo.

At sinabi niya sa malapit na kamaganak, Ipinagbibili ni Noemi, na bumalik na galing sa lupain ng Moab, ang bahagi ng lupa, na naging sa ating kapatid na kay Elimelech:

At aking inisip na ipahayag sa iyo, na sabihin, Bilhin mo sa harap nilang nakaupo rito, at sa harap ng mga matanda ng aking bayan. Kung iyong tutubusin ay tubusin mo; nguni't kung hindi mo tutubusin ay saysayin mo nga, upang matalastas ko: sapagka't wala nang tutubos na iba pa liban sa iyo: at ako ang sumusunod sa iyo. At sinabi niya, Aking tutubusin.

Nang magkagayo'y sinabi ni Booz, Anomang araw na iyong bilhin ang parang sa kamay ni Noemi, ay marapat na iyong bilhin din ang kay Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kaniyang mana.

At sinabi ng malapit na kamaganak, Hindi ko matutubos sa ganang akin, baka masira ang aking sariling mana: iyo na ang aking matuwid ng pagtubos; sapagka't hindi ko matutubos.

1 Timoteo 5:9-16

Huwag itala na gaya ng babaing bao samantalang walang anim na pung taon, na naging asawa ng isang lalake,

10 Na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; kung siya'y nagalaga sa mga anak, kung siya'y nagpatuloy sa mga taga ibang bayan, kung siya'y naghugas ng mga paa ng mga banal, kung siya'y umabuloy sa mga napipighati, kung ginanap niya na may kasipagan ang bawa't mabuting gawa.

11 Nguni't tanggihan mo ang mga batang babaing bao: sapagka't pagkakaroon nila ng masamang pita na hiwalay kay Cristo, ay nagsisipagnasang magasawa;

12 Na nagkakaroon ng kahatulan, sapagka't itinakuwil nila ang unang pananampalataya.

13 At bukod dito ay nangagaaral din naman na maging mga tamad, na nagpapalipatlipat sa bahay-bahay; at hindi lamang mga tamad, kundi matatabil din naman at mga mapakialam, na nagsisipagsalita ng mga bagay na di nararapat.

14 Ibig ko ngang magsipagasawa ang mga batang babaing bao, magsipanganak, magsipamahala ng sangbahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anomang pagkadahilanan ng ikalilibak:

15 Sapagka't ang mga iba'y nagsibaling na sa hulihan ni Satanas.

16 Kung ang sinomang babaing nanampalataya ay may inaampong mga babaing bao, ay umabuloy sa kanila, at huwag pabigatan ang iglesia, upang maabuluyan nito ang mga tunay na bao.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain