Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 146

Papuri sa Dios na Tagapagligtas

146 Purihin ang Panginoon!
    Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
    Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
    dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
    at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
    na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
    Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
    at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
    Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
    pinalalakas ang mga nanghihina,
    at ang mga matuwid ay minamahal niya.
Iniingatan niya ang mga dayuhan,
    tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
    ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.

10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Deuteronomio 15:1-11

Ang Taon ng Pagkansela ng Utang

15 “Sa katapusan ng bawat ikapitong taon, dapat ninyong kanselahin na ang lahat ng utang. Ito ang gawin ninyo: Hindi na dapat singilin ng nagpautang ang utang ng kapwa niya Israelita. Hindi na niya ito sisingilin dahil umabot na ang panahon na itinakda ng Panginoon na kanselahin ang mga utang. Pwede ninyong singilin ang mga dayuhan pero kanselahin dapat ninyo ang utang ng kapwa ninyo Israelita.

“Kailangang walang maging mahirap sa inyo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, dahil tiyak na pagpapalain niya kayo, basta sundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios ayon sa ipinangako niya sa inyo. Maraming bansa ang mangungutang sa inyo, pero kayo ay hindi mangungutang. Pamamahalaan ninyo ang maraming bansa pero hindi kayo mapamamahalaan.

“Kung may mahirap sa bayan ninyo, sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, huwag kayong maging maramot sa kanya. Kundi maging mapagbigay kayo at pautangin ninyo siya ng kanyang mga pangangailangan. Huwag kayong mag-iisip ng masama, na dahil sa malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagkakansela ng mga utang, hindi na lang kayo magpapautang sa mga kababayan ninyong mahihirap. Kapag dumaing sa akin ang mga mahihirap na ito dahil sa inyong ginawa, may pananagutan kayo. 10 Magbigay kayo sa kanila nang bukal sa loob. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa. 11 Hindi maiiwasan na may mahihirap sa inyong bayan, kaya inuutusan ko kayong maging lubos na mapagbigay sa kanila.

Hebreo 9:15-24

15 Kaya si Cristo ang ginawang tagapamagitan sa atin at sa Dios sa bagong kasunduan. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, tinubos niya ang mga taong lumabag sa unang kasunduan. Dahil dito, matatanggap ng mga tinawag ng Dios ang walang hanggang pagpapala na ipinangako niya. 16 Maihahalintulad ito sa isang huling testamento na kailangang mapatunayan na namatay na ang gumawa nito, 17 dahil wala itong bisa habang nabubuhay pa siya. Nagkakabisa lang ang isang testamento kapag namatay na ang gumawa nito. 18 Kaya maging ang unang kasunduan ay kinailangang pagtibayin sa pamamagitan ng dugo. 19 Sapagkat nang ipahayag ni Moises ang Kautusan sa mga tao, kumuha siya ng dugo ng mga guyaʼt kambing, at hinaluan ng tubig. Isinawsaw niya rito ang balahibo ng tupa na kinulayan ng pula na nakatali sa sanga ng isopo. Pagkatapos, winisikan niya ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 At sinabi niya: “Ito ang dugong nagpapatibay sa kasunduang ibinigay at ipinatutupad sa inyo ng Dios.”[a] 21 Winisikan din niya ng dugo ang Toldang Sambahan at ang lahat ng bagay doon na ginagamit sa pagsamba. 22 Ayon sa Kautusan, nililinis sa pamamagitan ng dugo ang halos lahat ng bagay na ginagamit sa pagsamba. At kung walang pagbubuhos ng dugo bilang handog sa Dios, wala ring kapatawaran ng mga kasalanan.

23 Kaya kailangang linisin sa pamamagitan ng ganitong paraan ng paghahandog ang mga bagay sa sambahang ito na larawan lang ng mga bagay na nasa langit. Pero nangangailangan ng mas mabuting handog ang mga bagay na nasa langit. 24 Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®