Revised Common Lectionary (Complementary)
17 Ngunit nang malapit na ang panahon upang matupad ang pangako ng Diyos kay Abraham, dumami nang dumami ang mga tao sa Egipto. 18 Dumami sila hanggang sa naghari ang isang hari na hindi nakakilala kay Jose. 19 Siya ang nagsamantala at nagmalupit sa ating mga ninuno upang kanilang pabayaan sa labas ang kanilang mga sanggol nang sa gayon ang mga ito ay mamatay.
20 Nang panahong iyon ipinanganak si Moises. Siya ay totoong may magandang anyo sa harap ng Diyos. Siya ay tatlong buwang inalagaan sa bahay ng kaniyang ama. 21 Nang siya ay pinabayaan sa labas, kinuha siya ng anak na babae ni Faraon. Siya ay pinalaking parang kaniyang sariling anak. 22 Si Moises ay tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga taga-Egipto. Siya ay makapangyarihan sa salita at sa gawa.
23 Nang apatnapung taong gulang na si Moises, pinasiyahan niyang dalawin ang kaniyang mga kapatiran, ang mga anak ni Israel. 24 Nang makita niya ang isa na ginagawan ng hindi tama, ipinagtanggol niya ito. Pinatay niya ang taga-Egipto at ipinaghiganti niya ang inaapi. 25 Ginawa niya ito dahil inaakala niyang mauunawaan ng kaniyang mga kapatid ay ililigtas ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang kamay. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, nakita siya ng mga nag-aaway at sinikap niyang pagkasunduin sila at sinabi: Mga ginoo, kayo ay magkapatid, bakit kayo gumagawa ng hindi tama sa isa’t isa?
27 Ngunit itinulak si Moises ng taong gumagawa ng hindi tama sa kaniyang kapatid. Sinabi sa kaniya: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom sa amin? 28 Ibig mo ba akong patayin tulad ng pagpatay mo kahapon sa taga-Egipto? 29 Tumakas si Moises nang marinig ang pananalitang ito. Siya ay nanirahan bilang isang dayuhan sa lupain ng Midian at doon nagkaanak siya ng dalawang anak na lalaki.
Copyright © 1998 by Bibles International