Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 126

126 Nang dalhin muli ng Panginoon yaong nangagbalik sa Sion, tayo ay gaya niyaong nangananaginip.

Nang magkagayo'y napuno ang bibig natin ng pagtawa, at ang dila natin ng awit: nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa, Ginawan sila ng Panginoon ng mga dakilang bagay.

Ginawan tayo ng Panginoon ng mga dakilang bagay; na siyang ating ikinatutuwa.

Papanumbalikin mo uli ang aming nangabihag, Oh Panginoon, na gaya ng mga batis sa Timugan.

Sila na nagsisipaghasik na may luha ay magsisiani na may kagalakan.

Siyang lumalabas at umiiyak, na nagdadala ng binhing itatanim; siya'y di sasalang babalik na may kagalakan, na dala ang kaniyang mga tangkas.

Jeremias 26:12-24

12 Nang magkagayo'y nagsalita si Jeremias sa lahat ng prinsipe at sa buong bayan, na sinasabi, Sinugo ako ng Panginoon upang manghula laban sa bahay na ito at laban sa bayang ito ng lahat na salita na inyong narinig.

13 Kaya't ngayo'y pabutihin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at inyong talimahin ang tinig ng Panginoon ninyong Dios; at pagsisisihan ng Panginoon ang kasamaan na kaniyang sinalita laban sa inyo.

14 Nguni't tungkol sa akin, narito, ako'y nasa inyong kamay: inyong gawin sa akin ang minamabuti at minamatuwid sa harap ng inyong mga mata.

15 Talastasin lamang ninyong mabuti na kung ako'y inyong ipapatay, kayo'y magdadala ng walang salang dugo sa inyo at sa bayang ito, at sa mga nananahan dito: sapagka't katotohanang sinugo ako ng Panginoon sa inyo upang magsalita ng lahat ng mga salitang ito sa inyong mga pakinig.

16 Nang magkagayo'y sinabi ng mga pangulo at ng buong bayan sa mga saserdote at sa mga propeta: Ang lalaking ito ay hindi marapat patayin; sapagka't siya'y nagsalita sa atin sa pangalan ng Panginoon nating Dios.

17 Nang magkagayo'y nagsitindig ang ilan sa mga matanda sa lupain, at nangagsalita sa buong kapulungan ng bayan, na nangagsasabi,

18 Si Miqueas na Morastita ay nanghula sa mga kaarawan ni Ezechias na hari sa Juda: at siya'y nagsalita sa buong bayan ng Juda, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang Sion ay aararuhing parang bukid, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton, at ang bundok ng bahay ay parang mga mataas na dako sa gugubat.

19 Si Ezechias bagang hari sa Juda at ang buong Juda ay nagpapatay sa kaniya? hindi baga siya natakot sa Panginoon, at dumalangin ng lingap ng Panginoon, at ang Panginoon ay nagsisi sa kasamaan na kaniyang sinalita laban sa kanila? Ganito gagawa tayo ng malaking kasamaan laban sa ating sariling mga kaluluwa.

20 At may lalake naman na nanghula sa pangalan ng Panginoon, si Urias na anak ni Semaias na taga Chiriath-jearim: at siya'y nanghula laban sa lupaing ito ayon sa lahat ng mga salita ni Jeremias:

21 At nang marinig ni Joacim na hari sangpu ng lahat niyang mga makapangyarihang lalake, at ng lahat na prinsipe, ang kaniyang mga salita, pinagsikapan ng hari na ipapatay siya; nguni't nang marinig ni Urias, siya'y natakot, at tumakas, at pumasok sa Egipto:

22 At si Joacim na hari ay nagsugo ng mga lalake sa Egipto, ang mga ito nga, si Elnathan na anak ni Acbor, at ilang mga lalake na kasama niya, sa Egipto:

23 At kaniyang inilabas si Urias sa Egipto, at dinala niya siya kay Joacim na hari; na pumatay sa kaniya ng tabak, at naghagis ng kaniyang bangkay sa mga libingan ng karaniwang tao.

24 Nguni't ang kamay ni Ahicam na anak ni Zaphan ay sumasa kay Jeremias upang huwag siyang ibigay nila sa kamay ng bayan at ipapatay siya.

Mga Hebreo 7:11-22

11 Ngayon kung may kasakdalan nga sa pamamagitan ng pagkasaserdote ng mga Levita (sapagka't sa ilalim nito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), anong kailangan pa na magbangon ang ibang saserdote, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec at hindi ibilang ayon sa pagkasaserdote ni Aaron?

12 Sapagka't nang palitan ang pagkasaserdote ay kinailangang palitan naman ang kautusan.

13 Sapagka't yaong tungkol sa kaniya ay sinasabi ang mga bagay na ito ay naukol sa ibang angkan, na doon ang sinoma'y hindi naglilingkod sa dambana.

14 Sapagka't maliwanag na ang ating Panginoon ay lumitaw mula kay Juda; na tungkol sa angkang yao'y walang sinalitang anoman si Moises hinggil sa mga saserdote.

15 At lalo pang napakaliwanag ito, kung ayon sa anyo ni Melquisedec ay lumitaw ang ibang saserdote,

16 Na ginawa, hindi ayon sa kautusan ng utos na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na walang katapusan:

17 Sapagka't pinatotohanan tungkol sa kaniya, Ikaw ay saserdote magpakailan man Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.

18 Sapagka't napapawi ang unang utos dahil sa kaniyang kahinaan at kawalan ng kapakinabangan.

19 (Sapagka't ang kautusan ay walang anomang pinasasakdal), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito ay nagsisilapit tayo sa Dios.

20 At yamang yao'y hindi naging sa walang sumpa:

21 (Sapagka't sila'y sa katotohanan ay ginawang mga saserdote na walang sumpa; datapuwa't siya'y may sumpa sa pamamagitan niyaong nagsasabi tungkol sa kaniya, Sumumpa ang Panginoon at hindi siya nagsisisi, Ikaw ay saserdote magpakailan man);

22 Ay gayon din naman si Jesus ay naging tagapanagot sa lalong mabuting tipan.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain