Revised Common Lectionary (Complementary)
23 Ang lakad ng tao ay itinatag ng Panginoon; at siya'y nasasayahan sa kaniyang lakad.
24 Bagaman siya'y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga: Sapagka't inaalalayan siya ng Panginoon ng kaniyang kamay.
25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda; gayon ma'y hindi ko nakita ang matuwid na pinabayaan, ni ang kaniyang lahi man ay nagpapalimos ng tinapay.
26 Lahat ng araw ay nahahabag, at nagpapahiram; at ang kaniyang lahi ay pinagpapala.
27 Ikaw ay humiwalay sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; at manahan ka magpakailan man.
28 Sapagka't iniibig ng Panginoon ang kahatulan, at hindi pinababayaan ang kaniyang mga banal; sila'y iniingatan magpakailan man: nguni't ang lahi ng masama ay mahihiwalay.
29 Mamanahin ng matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailan man.
30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan, at ang kaniyang dila ay nagsasalita ng kahatulan.
31 Ang kautusan ng kaniyang Dios ay nasa kaniyang puso, walang madudulas sa kaniyang mga hakbang.
32 Inaabatan ng masama ang matuwid, at pinagsisikapang patayin niya siya.
33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kaniyang kamay, ni parurusahan man siya pagka siya'y nahatulan.
34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan mo ang kaniyang daan, at ibubunyi ka upang manahin mo ang lupain: pagka nahiwalay ang masama, iyong makikita.
35 Aking nakita ang masama sa malaking kapangyarihan, at lumalaganap na gaya ng sariwang punong kahoy sa kaniyang lupang tinubuan.
36 Nguni't may dumaan at, narito, wala na siya: Oo, hinanap ko siya, nguni't hindi siya masumpungan.
37 Tandaan mo ang sakdal na tao, at masdan mo ang matuwid: sapagka't may isang maligayang wakas sa taong may kapayapaan.
38 Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay.
39 Nguni't ang kaligtasan ng matuwid ay sa Panginoon: siya'y ang kanilang kuta sa panahon ng kabagabagan.
40 At sila'y tinutulungan ng Panginoon, at sinasagip sila: sinasagip niya sila sa masama, at inililigtas sila. Sapagka't sila'y nagsipagkanlong sa kaniya.
8 At nangyari, nang si Samuel ay matanda na, na kaniyang ginawang mga hukom sa Israel ang kaniyang mga anak.
2 Ang pangalan nga ng kaniyang panganay ay Joel; at ang pangalan ng kaniyang ikalawa ay Abia: sila'y mga hukom sa Beer-seba.
3 At ang kaniyang mga anak ay hindi lumakad sa kaniyang mga daan, kundi lumingap sa mahalay na kapakinabangan, at tumanggap ng mga suhol, at sinira ang paghatol.
4 Nang magkagayo'y nagpipisan ang mga matanda ng Israel, at naparoon kay Samuel sa Ramatha;
5 At kanilang sinabi sa kaniya, Narito, ikaw ay matanda na, at ang iyong mga anak ay hindi lumalakad sa iyong mga daan: ngayon nga'y lagyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.
6 Nguni't hindi minabuti ni Samuel, nang kanilang sabihin, Bigyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin. At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.
7 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagka't hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako, upang huwag akong maghari sa kanila.
8 Ayon sa lahat na gawa na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Egipto hanggang sa araw na ito, sa kanilang pagiiwan sa akin, at paglilingkod sa ibang mga dios ay gayon ang ginagawa nila sa iyo.
9 Ngayon nga'y dinggin mo ang kanilang tinig: gayon ma'y tatanggi kang mainam sa kanila, at ipakikilala mo sa kanila ang paraan ng hari na maghahari sa kanila.
10 At isinaysay ni Samuel ang buong salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kaniya ng isang hari.
11 At kaniyang sinabi, Ito ang magiging paraan ng hari na maghahari sa inyo: kaniyang kukunin ang inyong mga anak at kaniyang ilalagay sa kaniyang mga karo, at upang maging mga mangangabayo niya; at sila'y tatakbo sa unahan ng kaniyang mga karo;
12 At kaniyang mga ihahalal sa kaniya na mga kapitan ng lilibuhin at mga kapitan ng lilimangpuin; at ang iba ay upang umararo ng kaniyang lupa, at umani ng kaniyang aanihin, at upang gumawa ng kaniyang mga sangkap na pangdigma, at sangkap sa kaniyang mga karo.
13 At kaniyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging mga manggagawa ng pabango, at maging mga tagapagluto, at maging mga magtitinapay.
14 At kaniyang kukunin ang inyong mga bukid, at ang inyong mga ubasan, at ang inyong mga olibohan, sa makatuwid baga'y ang pinakamabuti sa mga yaon, upang mga ibigay sa kaniyang mga lingkod.
15 At kaniyang kukunin ang ika-sangpung bahagi ng inyong binhi, at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kaniyang mga punong kawal, at sa kaniyang mga lingkod.
16 At kaniyang kukunin ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang inyong pinakamabuting bataan, at ang inyong mga asno, at mga ilalagay sa kaniyang mga gawain.
17 Kaniyang kukunin ang ikasangpung bahagi ng inyong mga kawan: at kayo'y magiging kaniyang mga lingkod.
18 At kayo'y dadaing sa araw na yaon, dahil sa inyong hari na inyong pipiliin; at hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na yaon.
6 Kaya't tayo'y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga patay na gawa, at ng pananampalataya sa Dios,
2 Ng aral na tungkol sa mga paglilinis, at ng pagpapatong ng mga kamay, at ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, at ng paghuhukom na walang hanggan.
3 At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Dios.
4 Sapagka't tungkol sa mga minsang naliwanagan at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga nakabahagi ng Espiritu Santo,
5 At nakalasap ng mabuting salita ng Dios, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating,
6 At saka nahiwalay sa Dios ay di maaaring baguhin silang muli sa pagsisisi; yamang kanilang ipinapapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios, at inilalagay na muli siya sa hayag na kahihiyan.
7 Sapagka't ang lupang humitit ng ulang madalas na lumalagpak sa kaniya, at tinutubuan ng mga damong pakikinabangan ng mga yaon na dahil sa kanila'y binukid, ay tumanggap ng pagpapalang mula sa Dios:
8 Datapuwa't kung namumunga ng mga tinik at dawag, ay itinatakuwil at malapit sa sumpa; at ang kaniyang kahihinatnan ay ang sunugin.
9 Nguni't, mga minamahal, naniniwala kaming lubos sa magagaling na bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na kalakip ng pagkaligtas, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito:
10 Sapagka't ang Dios ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pagibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, at hanggang ngayo'y nagsisipaglingkod kayo.
11 At ninanasa namin na ang bawa't isa sa inyo ay magpakita ng gayon ding sikap sa ikalulubos ng pagasa hanggang sa katapusan:
12 Na huwag kayong mga tamad, kundi mga taga tulad kayo sa mga na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagsisipagmana ng mga pangako.
Public Domain