Revised Common Lectionary (Complementary)
12 Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan, upang kami ay mangagtamo sa amin ng pusong may karunungan.
13 Manumbalik ka, Oh Panginoon; hanggang kailan pa? At iyong papagsisihin ang tungkol sa mga lingkod mo.
14 Oh busugin mo kami sa kinaumagahan ng iyong kagandahang-loob; upang kami ay mangagalak at mangatuwa sa lahat ng kaarawan namin.
15 Pasayahin mo kami ayon sa mga kaarawan na iyong idinalamhati sa amin, at sa mga taon na aming ikinakita ng kasamaan.
16 Mahayag nawa ang iyong gawa sa iyong mga lingkod, at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 At sumaamin nawa ang kagandahan ng Panginoong aming Dios: at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay; Oo, ang gawa ng aming mga kamay ay itatag mo.
22 Ang mga salitang ito ay sinalita ng Panginoon sa buong kapisanan ninyo sa bundok mula sa gitna ng apoy, sa ulap, at sa salisalimuot na kadiliman, ng malakas na tinig: at hindi na niya dinagdagan pa. At kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato, at ibinigay sa akin.
23 At nangyari, nang inyong marinig ang tinig mula sa gitna ng kadiliman, samantalang ang bundok ay nagliliyab sa apoy, ay lumapit kayo sa akin, sa makatuwid baga'y ang lahat ng mga pangulo sa inyong mga lipi, at ang inyong mga matanda;
24 At inyong sinabi, Narito, ipinakita sa amin ng Panginoon nating Dios ang kaniyang kaluwalhatian at ang kaniyang kadakilaan, at aming narinig ang kaniyang tinig mula sa gitna ng apoy: aming nakita sa araw na ito, na ang Dios ay nakikipag-usap sa tao, at siya'y buhay.
25 Ngayon nga, bakit kami mamamatay? sapagka't pupugnawin kami ng dakilang apoy na ito: kung marinig pa namin ang tinig ng Panginoon nating Dios, ay mamamatay nga kami.
26 Sapagka't sino sa lahat ng laman na nakarinig ng tinig ng buhay na Dios na nagsasalita mula sa gitna ng apoy, na gaya namin, at nabuhay?
27 Lumapit ka, at iyong pakinggan ang lahat ng sasabihin ng Panginoon nating Dios: at iyong salitain sa amin, yaong lahat na sasalitain sa iyo ng Panginoon nating Dios; at aming didinggin, at gagawin.
28 At narinig ng Panginoon ang tinig ng inyong mga salita, nang kayo'y magsalita sa akin; at sinabi ng Panginoon sa akin, Aking narinig ang tinig ng mga salita ng bayang ito, na kanilang sinalita sa iyo; mabuti ang kanilang pagkasabi ng lahat na kanilang sinalita.
29 Oh mamalagi nawa sa kanila ang kaloobang ito, na sila'y matakot sa akin, at kanilang ingatan kailan man ang lahat ng aking mga utos upang ikabuti nila at pati ng kanilang mga anak magpakailan man!
30 Yumaon ka, sabihin mo sa kanila, Magsibalik kayo sa inyong mga tolda.
31 Nguni't tungkol sa iyo, matira ka rito sa akin, at aking sasalitain sa iyo ang lahat ng utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na iyong ituturo sa kanila, upang kanilang gawin sa lupain na aking ibinibigay sa kanila upang ariin.
32 Inyo ngang isagawa na gaya ng iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.
33 Kayo'y lalakad ng buong lakad na iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, upang kayo'y mabuhay, at upang ikabuti ninyo, at upang inyong mapalawig ang inyong mga araw sa lupain na inyong aariin.
4 Mangatakot nga tayo, yamang may iniwang pangako ng pagpasok sa kaniyang kapahingahan, baka sakaling sinoman sa inyo ay maging tulad sa di nakaabot niyaon.
2 Sapagka't tunay na tayo'y pinangaralan ng mabubuting balita, gaya rin naman nila: nguni't hindi nila pinakinabangan ang salitang napakinggan, dahil sa walang kalakip na pananampalataya ang nangakarinig.
3 Sapagka't tayong nagsisipanampalataya ay nagsisipasok sa kapahingahang yaon; gaya ng sinabi niya, Gaya ng aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan: bagama't ang mga gawa ay nangatapos mula nang itatag ang sanglibutan.
4 Sapagka't sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, At nagpahinga nang ikapitong araw ang Dios sa lahat ng kaniyang mga gawa;
5 At sa dakong ito ay muling sinabi, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.
6 Kaya't yamang may natitira pang ibang dapat magsipasok doon, at ang mga pinangaralan nang una ng mabubuting balita ay hindi nangapasok dahil sa pagsuway,
7 Ay muling nagtangi siya ng isang araw, Ngayon pagkatapos ng ilang panahon na sinabi sa mga awit ni David (ayon sa sinabi na ng una), Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.
8 Sapagka't kung ibinigay sa kanila ni Josue ang kapahingahan, ay hindi na sana niya sasalitain pagkatapos ang ibang araw.
9 May natitira pa ngang isang pamamahingang sabbath, ukol sa bayan ng Dios.
10 Sapagka't ang pumasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga naman sa kaniyang mga gawa, gaya ng Dios sa kaniyang mga gawa.
11 Magsipagsikap nga tayo ng pagpasok sa kapahingahang yaon, upang huwag marapa ang sinoman ayon sa gayong halimbawa ng pagsuway.
Public Domain