Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Genesis 2:18-24

18 At sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya'y ilalalang ko ng isang katulong niya.

19 At nilalang ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at pinagdadala sa lalake upang maalaman kung anong itatawag niya sa mga iyon: at ang bawa't itinawag ng lalake sa bawa't kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon.

20 At pinanganlan ng lalake ang lahat ng mga hayop, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawa't ganid sa parang; datapuwa't sa lalake ay walang nasumpungang maging katulong niya.

21 At hinulugan ng Panginoong Dios ng di kawasang himbing ang lalake, at siya'y natulog: at kinuha ang isa sa kaniyang mga tadyang at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon:

22 At ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalake ay ginawang isang babae, at ito'y dinala niya sa lalake.

23 At sinabi ng lalake, Ito nga'y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya'y tatawaging Babae, sapagka't sa Lalake siya kinuha.

24 Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila'y magiging isang laman.

Awit 8

Oh Panginoon, aming Panginoon, pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa! na siyang naglagay ng inyong kaluwalhatian sa mga langit.

Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong itinatag ang kalakasan, dahil sa iyong mga kaaway, upang iyong patahimikin ang kaaway at ang manghihiganti.

Pagka binubulay ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inayos;

Ano ang tao upang iyong alalahanin siya? At ang anak ng tao, upang iyong dalawin siya?

Sapagka't iyong ginawa siyang kaunting mababa lamang kay sa Dios, at pinaputungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.

Iyong pinapagtataglay siya ng kapangyarihan sa mga gawa ng iyong mga kamay; iyong inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa:

Lahat na tupa at baka, Oo, at ang mga hayop sa parang;

Ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat, anomang nagdaraan sa mga kalaliman ng mga dagat.

Oh Panginoon, aming Panginoon, pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa!

Mga Hebreo 1:1-4

Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta,

Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan;

Palibhasa'y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan, nang kaniyang magawa na ang paglilinis ng mga kasalanan, ay lumuklok sa kanan ng Karangalan sa kaitaasan;

Na naging lalong mabuti kay sa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng lalong marilag na pangalan kay sa kanila.

Mga Hebreo 2:5-12

Sapagka't hindi niya ipinasakop sa mga anghel ang sanglibutang darating, na siya naming isinasaysay.

Nguni't pinatunayan ng isa sa isang dako, na sinasabi, Ano ang tao, upang siya'y iyong alalahanin? O ang anak ng tao, upang siya'y iyong dalawin?

Siya'y ginawa mong mababa ng kaunti kay sa mga anghel; Siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan, At siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay:

Inilagay mo ang lahat ng mga bagay sa pagsuko sa ilalim ng kaniyang mga paa. Sapagka't nang pasukuin niya ang lahat ng mga bagay sa kaniya, ay wala siyang iniwan na di sumuko sa kaniya. Nguni't ngayon ay hindi pa natin nakikitang sumuko sa kaniya ang lahat ng mga bagay.

Kundi nakikita natin ang ginawang mababa ng kaunti kay sa mga anghel, sa makatuwid ay si Jesus, na dahil sa pagbata ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Dios ay lasapin niya ang kamatayan dahil sa bawa't tao.

10 Sapagka't marapat sa kaniya na pinagukulan ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian na gawing sakdal siyang may gawa ng kaligtasan nila sa pamamagitan ng mga sakit.

11 Sapagka't ang nagpapagingbanal at ang mga pinapagingbanal ay pawang sa isa: na dahil dito'y hindi siya nahihiyang tawagin silang mga kapatid,

12 Na sinasabi, Ibabalita ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid, Sa gitna ng kapisanan ay aawitin ko ang kapurihan mo.

Marcos 10:2-16

At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, at siya'y tinanong, Matuwid baga sa lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa? na siya'y tinutukso.

At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?

At sinabi nila, Ipinahintulot ni Moises na ilagda ang kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay siya.

Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay inilagda niya ang utos na ito.

Nguni't buhat nang pasimula ng paglalang, Lalake at babaing ginawa niya sila.

Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa;

At ang dalawa ay magiging isang laman; kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman.

Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.

10 At sa bahay ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.

11 At sinabi niya sa kanila, Ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa unang asawa:

12 At kung ihiwalay ng babae ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala siya ng pangangalunya.

13 At dinadala nila sa kaniya ang maliliit na bata, upang sila'y kaniyang hipuin: at sinaway sila ng mga alagad.

14 Datapuwa't nang ito'y makita ni Jesus, ay nagdalang galit siya, at sinabi sa kanila, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.

15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.

16 At kinalong niya sila, at sila'y pinagpala, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain