Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 8

Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]

O Yahweh, na aming Panginoon,
    sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
    Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
    kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
    pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?

Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
    sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
    mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
    lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
    at lahat ng nilikhang nasa karagatan.

O Yahweh, na aming Panginoon,
    sa buong mundo'y tunay kang dakila!

Genesis 23

Namatay si Sara at Bumili si Abraham ng Libingan

23 Nabuhay si Sara nang 127 taon. Namatay siya sa Lunsod ng Arba, na tinatawag ding Hebron sa lupain ng Canaan. Ito'y labis na ikinalungkot ni Abraham.

Sandaling iniwan ni Abraham ang bangkay at nakipag-usap sa mga Heteo. Pakiusap niya, “Ako'y(A) isang dayuhan at nakikitira lamang sa inyong lupain. Kung maaari, pagbilhan ninyo ako ng lupang mapaglilibingan sa aking asawa.”

Sumagot ang mga Heteo, “Kinikilala ka naming isang dakilang pinuno; pumili ka na ng lugar na gusto mo para paglibingan sa iyong asawa. Ikalulugod namin na ibigay sa inyo ang bahagi ng inyong mapipili.”

Bilang pasasalamat, yumuko si Abraham sa harapan ng mga tao at sinabi niya, “Kung talagang hindi kayo tutol na dito ko ilibing ang aking asawa, tulungan ninyo akong makiusap kay Efron na anak ni Zohar. Nais kong saksihan ninyo ang pagbili ko sa yungib na nasa tabi ng kanyang lupain sa Macpela, upang ito'y gawing libingan. Babayaran ko siya sa hustong halaga.”

10 Nagkataong si Efron ay kasama ng nagkakatipong mga Heteo sa may pintuan ng lunsod. Kaya, sinabi niya kay Abraham na naririnig ng lahat, 11 “Hindi lamang ang yungib, kundi pati ang lupang kinalalagyan nito ay ibinibigay ko na rin sa inyo upang paglibingan sa inyong asawa. Saksi ko ang lahat ng naririto.”

12 Muling yumuko si Abraham sa harapan ng mga naroroon, 13 at sinabi niya kay Efron na naririnig ng lahat, “Kung maaari'y pakinggan mo ako. Bibilhin ko ang buong lupain. Tanggapin mo ang tamang kabayaran upang mailibing ko roon ang aking asawa.”

14 Sumagot si Efron kay Abraham, 15 “Apatnaraang pirasong pilak po ang halaga ng lupa. Huwag na nating pag-usapan; basta't paglibingan na ninyo.” 16 Nagkasundo sila. Sa harapan ng mga tao'y tumimbang si Abraham ng halagang apatnaraang pirasong pilak, ayon sa halaga ng salaping umiiral noon sa pamilihan.

17 Kaya't ang lupang iyon ni Efron sa Macpela sa silangan ng Mamre, pati na ang yungib at mga punongkahoy sa paligid nito 18 ay naging pag-aari ni Abraham. Sinaksihan ito ng mga Heteong dumalo sa pagpupulong na iyon sa may pintuan ng lunsod. 19 At inilibing nga ni Abraham si Sara sa yungib na iyon sa Macpela, silangan ng Mamre, sa lupain ng Canaan. Ito'y tinatawag ngayong Hebron. 20 Ang lupa ngang iyon at ang yungib na dating pag-aari ng mga Heteo ay binili ni Abraham upang gawin niyang libingan.

Lucas 16:14-18

Hindi Mawawalan ng Bisa ang Kautusan(A)

14 Nang marinig ito ng mga Pariseo, na mga sakim sa salapi, ay kinutya nila si Jesus. 15 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagpapanggap na matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.

16 “Ang(B) Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, at ang lahat ay nagpupumilit na makapasok dito. 17 Mas(C) madali pang maglaho ang langit at ang lupa kaysa mawalan ng bisa ang kahit isang tuldok ng Kautusan.

18 “Kapag(D) hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at mag-asawa sa iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-aasawa naman sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.