Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 5

Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon, pakundanganan mo ang aking pagbubulaybulay.

Dinggin mo ang tinig ng aking daing, Hari ko, at Dios ko; sapagka't sa iyo'y dumadalangin ako.

Oh Panginoon, sa kinaumagaha'y didinggin mo ang aking tinig; sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at magbabantay ako.

Sapagka't ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan: ang masama ay hindi tatahang kasama mo.

Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin: iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan.

Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga kabulaanan: kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya,

Nguni't sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay; sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo.

Patnubayan mo ako, Oh Panginoon, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; patagin mo ang iyong daan sa harapan ko.

Sapagka't walang pagtatapat sa kanilang bibig; ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan; ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan; sila'y nanganunuya ng kanilang dila.

10 Bigyan mong sala sila, Oh Dios; ibuwal mo sila sa kanilang sariling mga payo: palayasin mo sila sa karamihan ng kanilang mga pagsalangsang; Sapagka't sila'y nanganghimagsik laban sa iyo,

11 Nguni't iyong pagalakin ang lahat na nagsisipagkanlong sa iyo, pahiyawin mo nawa sila sa kagalakan magpakailan man, sapagka't iyong ipinagsasanggalang sila: mangagalak nawa rin sa iyo ang nagsisiibig ng iyong pangalan.

12 Sapagka't iyong pagpapalain ang matuwid; Oh Panginoon, lilibirin mo siya ng paglingap na gaya ng isang kalasag.

Zacarias 6:9-15

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

10 Kumuha ka sa nangabihag, kay Heldai, kay Tobias, at kay Jedaia; at yumaon ka sa araw ding yaon, at pumasok ka sa bahay ni Josias na anak ni Sefanias, na nagsibalik mula sa Babilonia;

11 Oo, kumuha ka sa kanila ng pilak at ginto, at gawin mong mga putong, at mga iputong mo sa ulo ni Josue na anak ni Josadac, na pangulong saserdote.

12 At salitain mo sa kaniya, na sabihin, Ganito ang salita ng Panginoon ng mga hukbo, na nagsasabi, Narito, ang lalake na ang pangala'y Sanga: at siya'y sisibol sa kaniyang dako; at itatayo niya ang templo ng Panginoon;

13 Sa makatuwid baga'y kaniyang itatayo ang templo ng Panginoon; at siya'y magtataglay ng kaluwalhatian, at mauupo at magpupuno sa kaniyang luklukan; at siya'y magiging saserdote sa kaniyang luklukan: at ang payo ng kapayapaan ay mapapasa pagitan nila kapuwa.

14 At ang mga putong ay magiging pinakaalaala sa templo ng Panginoon kay Helem, at kay Tobias, at kay Jedaia, at kay Hen na anak ni Sefanias.

15 At silang nangasa malayo ay magsisiparito at mangagtatayo sa loob ng templo ng Panginoon, at inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang nagsugo sa akin sa inyo. At ito'y mangyayari kung inyong tatalimahing masikap ang tinig ng Panginoon ninyong Dios.

1 Pedro 1:3-9

Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na ayon sa kaniyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay,

Sa isang manang di nasisira, at walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo,

Na sa kapangyarihan ng Dios ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikaliligtas na nahanda upang ihayag sa huling panahon.

Na ito ang inyong totoong ikinagagalak, bagama't ngayo'y sa sangdaling panahon, kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli't muling pagsubok,

Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kay sa ginto na nasisira bagama't ito'y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo:

Na hindi ninyo nakita ay inyong iniibig; na bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayon ma'y inyong sinasampalatayanan, na kayo'y nangagagalak na totoo na may galak na di masayod at puspos ng kaluwalhatian:

Na inyong tinatanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang pagkaligtas ng inyong mga kaluluwa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain