Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa: ang patotoo ng Panginoon ay tunay, na nagpapapantas sa hangal.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso: ang utos ng Panginoon ay dalisay, na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man: ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid.
10 Mga pinipitang higit kay sa ginto, oo, higit kay sa maraming dalisay na ginto: lalong mainam kay sa pulot, at sa pulot-pukyutan.
11 Higit dito'y sa pamamagitan ng mga iyo'y mapagpapaunahan ang iyong lingkod: sa pagiingat ng mga yaon ay may dakilang ganting-pala.
12 Sinong makasisiyasat ng kaniyang mga kamalian? Paliwanagan mo ako sa mga kubling kamalian.
13 Italikod mo rin ang iyong lingkod sa mga kapalaluang sala: huwag mong papagtaglayin ang mga yaon ng kapangyarihan sa akin: kung magkagayo'y magiging matuwid ako, at magiging malinis ako sa malaking pagsalangsang.
14 Maging kalugodlugod nawa ang mga salita ng aking bibig, at ang pagbubulay ng aking puso sa iyong paningin, Oh Panginoon, na aking malaking bato, at aking manunubos.
27 At si Moises at ang mga matanda sa Israel ay nagutos sa bayan, na sinasabi, Ganapin mo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.
2 At mangyayaring sa araw na iyong tatawirin ang Jordan na patungo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay maglalagay ka ng malalaking bato, at iyong tatapalan ng argamasa;
3 At iyong isusulat sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito, pagka iyong naraanan; upang iyong mapasok ang lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, na isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang.
4 At mangyayari na pagtawid mo ng Jordan, na iyong ilalagay ang mga batong ito, na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal, at iyong tatapalan ng argamasa.
5 At doo'y magtatayo ka ng isang dambana sa Panginoon mong Dios, ng isang dambana na mga bato; huwag mong pagbubuhatan ang mga ito ng kasangkapang bakal.
6 Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Dios, at maghahandog ka roon ng mga handog na susunugin, sa Panginoon mong Dios.
7 At ikaw ay maghahain ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at iyong kakanin doon; at ikaw ay magagalak sa harap ng Panginoon mong Dios;
8 At iyong isusulat na malinaw sa mga batong yaon, ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.
9 At si Moises at ang mga saserdote na ang mga Levita ay nagsalita sa buong Israel, na sinasabi, Tumahimik ka at dinggin mo, Oh Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Dios.
10 Iyo ngang susundin ang tinig ng Panginoon mong Dios, at tutuparin mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
13 Kayo ang asin ng lupa: nguni't kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat? wala nang ano pa mang kabuluhan, kundi upang itapon sa labas at yurakan ng mga tao.
14 Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.
15 Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.
16 Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.
17 Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin.
18 Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.
19 Kaya't ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa't ang sinomang gumanap at ituro, ito'y tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
20 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.
Public Domain