Revised Common Lectionary (Complementary)
169 Dumating nawa sa harap mo ang aking daing, Oh Panginoon: bigyan mo ako ng unawa ayon sa iyong salita.
170 Dumating nawa sa harap mo ang aking pamanhik: iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Tulutang magbadya ng pagpuri ang aking mga labi; sapagka't itinuturo mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
172 Awitin ng aking dila ang iyong salita; sapagka't lahat ng mga utos mo ay katuwiran.
173 Magsihanda nawa ang iyong kamay na tulungan ako; sapagka't aking pinili ang iyong mga tuntunin.
174 Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon: at ang iyong kautusan ay aking kaaliwan.
175 Mabuhay nawa ang aking kaluluwa, at pupuri sa iyo; at tulungan nawa ako ng iyong mga kahatulan.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.
12 Kaya't mangyayari, na pagka naisagawa ng Panginoon ang buo niyang gawain sa bundok ng Sion at sa Jerusalem, aking parurusahan ang kagagawan ng mapagmalaking loob na hari sa Asiria, at ang kaluwalhatian ng kaniyang mga mapagmataas na tingin.
13 Sapagka't kaniyang sinabi, Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay at sa aking karunungan; sapagka't ako'y mabait: at aking binago ang mga hangganan ng mga tao, at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan, at parang matapang na lalake na ibinaba ko silang nangakaupo sa mga luklukan:
14 At nasumpungan ng aking kamay na parang pugad ang mga kayamanan ng mga tao; at ako'y namulot sa buong lupa na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan: at walang magkilos ng pakpak, o magbuka ng bibig o sumiyap.
15 Magmamapuri ba ang palakol laban sa nagpuputol niyaon? Nakapagmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyaon? gaya ng kung ang pamalo ay makapagpapanginig sa kanila na nagtataas niyaon, o gaya ng kung ang tungkod ay magtataas sa tao na hindi kahoy.
16 Kaya't pangangayayatin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, ang kaniyang mga mataba; at sa ilalim ng kaniyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas na gaya ng ningas na apoy.
17 At ang liwanag ng Israel ay magiging pinakaapoy, at ang kaniyang Banal ay pinakaliyab: at magniningas at susupukin ang kaniyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw.
18 At kaniyang pupugnawin ang kaluwalhatian ng kaniyang gubat, at ng kaniyang pinakikinabangang bukid, ang kaluluwa at gayon din ang katawan: at magiging gaya ng kung nanglulupaypay ang may dala ng watawat.
19 At ang nalabi sa mga punong kahoy ng kaniyang gubat ay mangangaunti, na anopat mabibilang ng bata.
20 At mangyayari sa araw na yaon, na ang nalabi sa Israel, at ang nangakatanan sa sangbahayan ni Jacob, hindi na titiwala pa uli sa kaniya na sumakit sa kanila; kundi titiwala sa Panginoon, sa Banal ng Israel, sa katotohanan.
25 Sinabi nga ng ilang taga Jerusalem, Hindi baga ito ang kanilang pinagsisikapang patayin?
26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at walang anomang sinasabi sila sa kaniya. Napagkikilala kayang tunay ng mga pinuno na ito ang Cristo?
27 Gayon man ay nakikilala namin ang taong ito kung taga saan siya: datapuwa't pagparito ng Cristo, sinoma'y walang makakaalam kung taga saan siya.
28 Sumigaw nga si Jesus sa templo, na nagtuturo at sinasabi, Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din naman ninyo kung taga saan ako; at hindi ako naparito sa aking sarili, datapuwa't ang nagsugo sa akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala.
29 Siya'y nakikilala ko; sapagka't ako'y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin.
30 Pinagsisikapan nga nilang siya'y hulihin: at walang taong sumunggab sa kaniya, sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.
31 Datapuwa't sa karamihan ay marami ang nagsisampalataya sa kaniya; at kanilang sinasabi, Pagparito ng Cristo, ay gagawa pa baga siya ng lalong maraming tanda kay sa mga ginawa ng taong ito?
32 Nangarinig ng mga Fariseo ang bulongbulungan ng karamihan tungkol sa kaniya; at nangagsugo ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo ng mga punong kawal upang siya'y hulihin.
33 Sinabi nga ni Jesus, Makikisama pa ako sa inyong sangdaling panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.
34 Hahanapin ninyo ako, at hindi ako masusumpungan: at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon.
35 Ang mga Judio nga'y nangagsangusapan, Saan paroroon ang taong ito na hindi natin siya masusumpungan? siya kaya'y paroroon sa nagsisipangalat sa gitna ng mga Griego, at magtuturo sa mga Griego?
36 Ano ang salitang ito na kaniyang sinabi, Hahanapin ninyo ako, at hindi ninyo ako masusumpungan; at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon?
Public Domain