Revised Common Lectionary (Complementary)
169 Dumating nawa sa harap mo ang aking daing, Oh Panginoon: bigyan mo ako ng unawa ayon sa iyong salita.
170 Dumating nawa sa harap mo ang aking pamanhik: iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Tulutang magbadya ng pagpuri ang aking mga labi; sapagka't itinuturo mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
172 Awitin ng aking dila ang iyong salita; sapagka't lahat ng mga utos mo ay katuwiran.
173 Magsihanda nawa ang iyong kamay na tulungan ako; sapagka't aking pinili ang iyong mga tuntunin.
174 Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon: at ang iyong kautusan ay aking kaaliwan.
175 Mabuhay nawa ang aking kaluluwa, at pupuri sa iyo; at tulungan nawa ako ng iyong mga kahatulan.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.
11 Tumatahan nga ang isang matandang propeta sa Beth-el; at isa sa kaniyang mga anak ay naparoon, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng mga gawa na ginawa ng lalake ng Dios sa araw na yaon sa Beth-el: ang mga salita na kaniyang sinalita sa hari, ay siya ring isinaysay nila sa kanilang ama.
12 At sinabi ng kanilang ama sa kanila, Saan siya napatungo? At itinuro sa kaniya ng kaniyang mga anak ang daang pinatunguhan ng lalake ng Dios na nanggaling sa Juda.
13 At sinabi niya sa kaniyang mga anak, Siyahan ninyo sa akin ang asno. Sa gayo'y kanilang siniyahan ang asno sa kaniya: at kaniyang sinakyan.
14 At kaniyang sinundan ang lalake ng Dios, at nasumpungan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng encina: at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ba ang lalake ng Dios na nanggaling sa Juda? At sinabi niya, Ako nga.
15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniya, Umuwi kang kasama ko, at kumain ng tinapay.
16 At sinabi niya, Hindi ako makababalik na kasama mo, o makapapasok na kasama mo: ni makakakain man ng tinapay o makaiinom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito:
17 Sapagka't isinaysay sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon. Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man na yumaon sa daan na iyong pinanggalingan.
18 At sinabi niya sa kaniya, Ako man ay propeta na gaya mo; at isang anghel ay nagsalita sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na nagsasabi, Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig. Nguni't siya'y nagbulaan sa kaniya.
19 Sa gayo'y bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kaniyang bahay at uminom ng tubig.
20 At nangyari, samantalang sila'y nauupo sa dulang, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kaniya:
21 At siya'y sumigaw sa lalake ng Dios na nanggaling sa Juda, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa paraang ikaw ay naging manunuway sa bibig ng Panginoon, at hindi mo iningatan ang utos na iniutos ng Panginoon sa iyo,
22 Kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kaniyang pinagsabihan sa iyo: Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig; ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga magulang.
23 At nangyari, pagkatapos na makakain ng tinapay, at pagkatapos na makainom, na siniyahan niya ang asno para sa kaniya, sa makatuwid baga'y, para sa propeta na kaniyang pinabalik.
24 At nang siya'y makayaon, isang leon ay nasalubong niya sa daan, at pinatay siya: at ang kaniyang bangkay ay napahagis sa daan, at ang asno ay nakatayo sa siping; ang leon naman ay nakatayo sa siping ng bangkay.
25 At, narito, may mga taong nagsipagdaan, at nakita ang bangkay na nakahagis sa daan, at ang leon ay nakatayo sa siping ng bangkay: at sila'y yumaon at isinaysay nila sa bayan na kinatatahanan ng matandang propeta.
3 Kung kayo nga'y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios.
2 Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa.
3 Sapagka't kayo'y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios.
4 Pagka si Cristo na ating buhay ay mahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.
5 Patayin nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa, pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang nasa, at kasakiman, na iya'y pagsamba sa mga diosdiosan;
6 Na dahil sa mga bagay na iyan ay dumarating ang kagalitan ng Dios sa mga anak ng pagsuway:
7 Na inyo ring nilakaran nang una, nang kayo'y nangabubuhay pa sa mga bagay na ito;
8 Datapuwa't ngayon ay inyo namang layuan ang lahat ng mga ito: galit, kapootan, paghihinala, panunungayaw, mga salitang kahalay-halay na mula sa inyong bibig:
9 Huwag kayong mangagbubulaan sa isa't isa; yamang hinubad na ninyo ang datihang pagkatao pati ng kaniyang mga gawa,
10 At kayo'y nangagbihis ng bagong pagkatao, na nagbabago sa kaalaman ayon sa larawan niyaong lumalang sa kaniya:
11 Doo'y hindi maaaring magkaroon ng Griego at ng Judio, ng pagtutuli at ng di pagtutuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng laya; kundi si Cristo ang lahat, at sa lahat.
Public Domain