Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:169-176

169 Panginoon, pakinggan nʼyo sana ang aking hinaing.
    Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.
170 Sanaʼy dinggin nʼyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.
171 Lagi akong magpupuri sa inyo,
    dahil tinuturuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
172 Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,
    dahil matuwid ang lahat nʼyong mga utos.
173 Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan,
    dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.
174 Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas.
    Ang kautusan nʼyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.
175 Panatilihin nʼyo ang aking buhay upang kayoʼy aking mapapurihan,
    at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.
176 Para akong tupang naligaw at nawala,
    kaya hanapin nʼyo ako na inyong lingkod,
    dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.

1 Hari 13:1-10

Isinumpa ng Propeta ang Altar sa Betel

13 Ngayon, inutusan ng Panginoon ang isang lingkod niyang taga-Juda na pumunta sa Betel. Pagdating niya roon, nakatayo si Jeroboam sa tabi ng altar para maghandog. Inutusan ng Panginoon ang lingkod niya na isumpa ang altar na iyon. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa altar na ito: May isisilang na isang sanggol sa pamilya ni David na ang pangalan ay Josia. Papatayin niya at ihahandog sa altar na ito ang mga pari na naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar[a] at naghahandog sa altar na ito. Masusunog ang kanilang mga buto sa altar na ito.” Sa mismong araw na ito, nagbigay ang lingkod ng Dios ng palatandaan na mangyayari ang kanyang sinabi. Sinabi niya, “Ito ang palatandaan na sinabi ng Panginoon: Matitibag ang altar na ito at ang alikabok nito ay kakalat.”

Nang marinig ito ni Haring Jeroboam, itinuro niya ang lingkod ng Dios at sinabi, “Hulihin ninyo siya!” Pero bigla na lang nanigas ang kamay ng hari, kaya hindi na niya maibaba ang kanyang kamay. Pagkatapos, natibag ang altar at ang alikabok nito ay kumalat, ayon sa palatandaang sinabi ng lingkod ng Dios na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.

Pagkatapos, sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Ipanalangin mo ako sa Panginoon na iyong Dios na pagalingin niya ang kamay ko.” Kaya nanalangin ang lingkod ng Dios sa Panginoon at gumaling ang kamay ng hari. Muling sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Halika sa bahay at kumain, at bibigyan kita ng regalo.” Pero sumagot ang lingkod ng Dios, “Kahit ibigay pa po ninyo sa akin ang kalahati ng ari-arian ninyo, hindi ako sasama sa inyo o kakain ni iinom man sa lugar na ito. Sapagkat inutusan po ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako, at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 10 Kaya ibang daan ang dinaanan niya nang umuwi siya.

Roma 3:9-20

Ang Lahat ng Tao ay Makasalanan

Ano ngayon ang masasabi natin? Na tayo bang mga Judio ay talagang nakakalamang sa mga hindi Judio? Hindi! Sapagkat ipinaliwanag ko na, na ang lahat ng tao ay makasalanan, Judio man o hindi. 10 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,

    “Walang matuwid sa paningin ng Dios, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa tungkol sa Dios, walang nagsisikap na makilala siya.
12 Ang lahat ay tumalikod sa Dios at naging walang kabuluhan.
    Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”[a]
13 “Ang kanilang pananalitaʼy[b] hindi masikmura tulad ng bukas na libingan.
    Ang kanilang sinasabiʼy[c] puro pandaraya.[d]
    Ang mga salita[e] nilaʼy parang kamandag ng ahas.[f]
14 Ang lumalabas sa kanilang bibig ay panay pagmumura at masasakit na salita.[g]
15 Sa kaunting dahilan lang pumapatay agad sila ng tao.
16 Kapahamakan at hinagpis ang dala nila kahit saan.
17 Hindi nila alam ang mamuhay nang mapayapa,[h]
18 at wala silang takot sa Dios.”[i]

19 Ngayon, alam natin na ang lahat ng sinasabi ng Kautusan ay para sa ating mga Judio na namumuhay sa ilalim ng Kautusan, para walang maidahilan ang sinuman na hindi siya dapat parusahan. Ang lahat ng tao sa mundo ay mananagot sa Dios. 20 Sapagkat walang sinuman ang ituturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sa halip, ipinapakita ng Kautusan sa tao na makasalanan siya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®