Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 146

146 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.

Samantalang ako'y nabubuhay ay pupurihin ko ang Panginoon: ako'y aawit ng mga pagpuri sa aking Dios, samantalang ako'y may buhay.

Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo.

Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.

Maginhawa ang may pinaka saklolo sa Dios ni Jacob, na ang pagasa ay nasa Panginoon niyang Dios:

Na gumawa ng langit at lupa, ng dagat, at ng lahat na nandoon; na nagiingat ng katotohanan magpakailan man:

Na nagsasagawa ng kahatulan sa napipighati; na nagbibigay ng pagkain sa gutom: pinawawalan ng Panginoon ang mga bilanggo;

Idinidilat ng Panginoon ang mga mata ng bulag; ibinabangon ng Panginoon ang mga nasusubasob; iniibig ng Panginoon ang matuwid;

Iniingatan ng Panginoon ang mga taga ibang lupa; kaniyang inaalalayan ang ulila at babaing bao; nguni't ang lakad ng masama ay kaniyang ibinabaligtad.

10 Maghahari ang Panginoon magpakailan man. Ang iyong Dios, Oh Sion, sa lahat ng sali't saling lahi. Purihin ninyo ang Panginoon.

Isaias 30:27-33

27 Narito, ang pangalan ng Panginoon ay magmumula sa malayo, na nagniningas ng kaniyang galit, at nasa umiilanglang na salimuot na usok: ang kaniyang mga labi ay puno ng pagkagalit, at ang kaniyang dila ay gaya ng mamumugnaw na apoy:

28 At ang kaniyang hinga ay gaya ng umaapaw na ilog, na umaabot hanggang sa leeg, upang igigin ang mga bansa ng pangigig na pangsira; at isang paningkaw na nakapagpapaligaw ay malalagay sa mga panga ng mga bayan.

29 Kayo'y mangagkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi pagka ang banal na kapistahan ay ipinagdidiwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng yumayaon na may plauta upang masok sa bundok ng Panginoon, sa malaking Bato ng Israel.

30 At iparirinig ng Panginoon ang kaniyang maluwalhating tinig, at ipakikilala ang pagbabaka ng kaniyang bisig, na may pagkagalit ng kaniyang galit, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo,

31 Sapagka't sa pamamagitan ng tinig ng Panginoon ay mangagkakawatakwatak ang taga Asiria, na nananakit ng pamalo.

32 At bawa't hampas ng takdang tungkod, na ibabagsak ng Panginoon sa kaniya, mangyayaring may mga pandereta at may mga alpa; at sa mga pakikipagbakang may pagkayanig ay makikipaglaban siya sa kanila,

33 Sapagka't ang Topheth ay handa nang malaon; oo, sa ganang hari ay inihanda; kaniyang pinalalim at pinalaki: ang bunton niyaon ay apoy at maraming kahoy: ang hinga ng Panginoon na gaya ng bugso ng azufre, ay nagpapaningas ng apoy.

Roma 2:1-11

Dahil dito'y wala kang madadahilan, Oh tao, sino ka man na humahatol: sapagka't sa iyong paghatol sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagka't ikaw na humahatol ay gumagawa ka ng gayon ding mga bagay.

At nalalaman natin na ang hatol ng Dios ay ayon sa katotohanan laban sa kanila na mga nagsisigawa ng gayong mga bagay.

At iniisip mo baga ito, Oh tao, na humahatol sa mga nagsisigawa ng gayong mga bagay, at ginagawa mo ang gayon din, na ikaw ay makatatanan sa hatol ng Dios?

O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi?

Datapuwa't ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios;

Na siya ang magbibigay sa bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa:

Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan:

Datapuwa't ang sa mga palaaway, at mga hindi nagsisitalima sa katotohanan, kundi bagkus nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kagalitan at kapootan,

Kapighatian at kahapisan, ang sa bawa't kaluluwa ng tao na gumagawa ng masama, ng Judio una-una, at gayon din ng Griego;

10 Datapuwa't kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawa't taong gumagawa ng mabuti, sa Judio ang una-una, at gayon din sa Griego:

11 Sapagka't ang Dios ay hindi nagtatangi ng mga tao.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain