Revised Common Lectionary (Complementary)
97 Iniibig ko ang inyong kautusan.
Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99 Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100 Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101 Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
upang masunod ko ang inyong mga salita.
102 Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103 Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104 Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
lumalawak ang aking pang-unawa,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.
10 Sinabi ng Panginoon, “Kikilos na ako ngayon, at dadakilain ako ng mga tao. 11 Kayong mga taga-Asiria, walang kabuluhan ang inyong mga plano at mga ginagawa. Ang nag-aapoy ninyong galit[a] ang tutupok sa inyo. 12 Masusunog kayo hanggang sa maging tulad kayo ng apog. Matutulad kayo sa matitinik na mga halaman na pinutol at sinunog. 13 Kayong mga bansa, malapit man o malayo, pakinggan ninyo ang mga ginawa ko at kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.”
14 Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion. Sabi nila, “Ang Dios ay parang nagliliyab na apoy na hindi namamatay. Sino sa atin ang makakatagal sa presensya ng Dios?” 15 Ang makakatagal ay ang mga taong namumuhay nang matuwid at hindi nagsisinungaling, hindi gahaman sa salapi o tumatanggap man ng suhol. Hindi sila nakikiisa sa mga mamamatay-tao at hindi gumagawa ng iba pang masamang gawain. 16 Ganyang klaseng mga tao ang maliligtas sa kapahamakan, parang nakatira sa mataas na lugar, na ang kanilang kanlungan ay ang malalaking bato. Hindi sila mawawalan ng pagkain at inumin.
16 Hindi kayo ang pumili sa akin kundi ako ang pumili sa inyo, para humayo kayo at mamunga ng mga bungang mananatili. Sa ganoon, anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”
Ang Galit ng mga Taong Makamundo sa mga Sumasampalataya kay Jesus
18 Sinabi pa ni Jesus, “Kung napopoot sa inyo ang mga taong makamundo, alalahanin ninyo na ako ang una nilang kinapootan. 19 Kung kabilang kayo sa kanila, mamahalin nila kayo. Pero hindi kayo kabilang sa kanila, kundi pinili ko kayo mula sa kanila. Kaya napopoot sila sa inyo. 20 Tandaan nʼyo ang sinabi ko sa inyo na walang aliping mas higit sa kanyang amo. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo. At kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang inyong salita. 21 Uusigin nila kayo dahil sumasampalataya kayo sa akin at dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako naparito sa mundo at nangaral sa kanila, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Pero ngayon, wala na silang maidadahilan sa mga kasalanan nila. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. 24 Kung hindi ako gumawa sa harap nila ng mga himalang kailanmaʼy hindi nagawa ninuman, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Ngunit kahit nakita na nila ang mga himalang ginawa ko, napopoot pa rin sila sa akin at sa aking Ama. 25 Sa ginawa nilang ito, natupad ang nakasulat sa kanilang Kautusan: ‘Napopoot sila sa akin nang walang dahilan.’ ”[a]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®