Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Josue 24:1-2

24 At pinisan ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Sichem, at tinawag ang mga matanda ng Israel at ang kanilang mga pangulo, at ang kanilang mga hukom, at ang kanilang mga pinuno; at sila'y nagsiharap sa Dios.

At sinabi ni Josue sa buong bayan, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang inyong mga magulang ay tumahan nang unang panahon sa dako roon ng Ilog, na dili iba't si Thare, na ama ni Abraham at ama ni Nachor: at sila'y naglingkod sa ibang mga dios.

Josue 24:14-18

14 Ngayon nga ay matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa pagtatapat at sa katotohanan: at inyong alisin ang mga dios na mga pinaglingkuran ng inyong mga magulang sa dako roon ng Ilog at sa Egipto; at inyong paglingkuran ang Panginoon.

15 At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga dios ng inyong mga magulang na pinaglingkuran sa dako roon ng Ilog, o ang dios ng mga Amorrheo na ang lupain nila ay inyong tinatahanan: nguni't sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.

16 At ang bayan ay sumagot at nagsabi, Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon sa paglilingkod sa ibang mga dios:

17 Sapagka't ang Panginoon nating Dios ay siyang nagsampa sa atin at sa ating mga magulang mula sa lupain ng Egipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang yaon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinaroonan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan:

18 At itinaboy ng Panginoon sa harap natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amorrheo na tumahan sa lupain: kaya't kami ay maglilingkod din sa Panginoon; sapagka't siya'y ating Dios.

Awit 34:15-22

15 Ang mga mata ng Panginoon ay nakatitig sa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing.

16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa kanila na nagsisigawa ng kasamaan, upang ihiwalay ang alaala sa kanila sa lupa.

17 Ang matuwid ay nagsidaing, at dininig ng Panginoon, at iniligtas sila sa lahat nilang mga kabagabagan.

18 Ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at inililigtas ang mga may pagsisising diwa.

19 Marami ang kadalamhatian ng matuwid; nguni't inililigtas ng Panginoon sa lahat.

20 Kaniyang iniingatan ang lahat niyang mga buto: wala isa man sa mga yaon na nababali.

21 Papatayin ng kasamaan ang masama: at silang nangagagalit sa matuwid na tao ay kikilanling may sala.

22 Tinutubos ng Panginoon ang kaluluwa ng kaniyang mga lingkod: at wala sa nagsisipagkanlong sa kaniya ay kikilanling may sala.

Efeso 6:10-20

10 Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.

11 Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.

12 Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.

13 Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay.

14 Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katuwiran,

15 At ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan;

16 Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama.

17 At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios:

18 Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal,

19 At sa akin, upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan ang hiwaga ng evangelio,

20 Na dahil dito ako'y isang sugong natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain.

Juan 6:56-69

56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako'y sa kaniya.

57 Kung paanong sinugo ako ng Amang buhay, at ako'y nabubuhay dahil sa Ama; gayon din naman ang kumakain sa akin, siya nama'y mabubuhay dahil sa akin.

58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit: hindi gaya ng mga magulang na nagsikain, at nangamatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailan man.

59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa Capernaum.

60 Marami nga sa kaniyang mga alagad, nang kanilang marinig ito, ay nangagsabi, Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?

61 Datapuwa't pagkaalam ni Jesus sa kaniyang sarili na nagbubulongbulungan ang kaniyang mga alagad tungkol dito, sa kanila'y sinabi, Ito baga'y nakapagpapatisod sa inyo?

62 Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng tao sa kinaroroonan niya nang una?

63 Ang espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay.

64 Datapuwa't may ilan sa inyong hindi nagsisisampalataya. Sapagka't talastas na ni Jesus buhat pa nang una kung sino-sino ang hindi nagsisisampalataya, at kung sino ang sa kaniya'y magkakanulo.

65 At sinabi niya, Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, na walang taong makalalapit sa akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama.

66 Dahil dito'y marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya.

67 Sinabi nga ni Jesus sa labingdalawa, Ibig baga ninyong magsialis din naman?

68 Sinagot siya ni Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.

69 At kami'y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal ng Dios.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain