Revised Common Lectionary (Complementary)
Papuri sa Kabutihan ng Dios
81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
2 Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
3 Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
4 Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
5 Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
6 “Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
7 Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
Mula sa mga alapaap,
sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
8 Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
Makinig sana kayo sa akin!
9 Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[b] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”
Ang Pagbabalik ng mga Israelita
31 Sinabi pa ng Panginoon, “Sa araw na iyon, akoʼy magiging Dios ng buong Israel at magiging hinirang ko sila. 2 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing aalagaan ko ang mga natitirang buhay sa kanila habang naglalakbay sila sa ilang. Magbabalik ako para bigyan ng kapahingahan ang Israel.”
3 Noong una,[a] ang Panginoon ay nagpakita sa mga Israelita at nagsabi, “Inibig ko kayo ng walang hanggang pag-ibig. Sa kagandahang-loob ko, pinalapit ko kayo sa akin. 4 Muli ko kayong itatayo, kayong mga taga-Israel, na katulad ng isang birhen. Muli kayong sasayaw sa tuwa na tumutugtog ng inyong tamburin. 5 Muli kayong magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria at pakikinabangan nʼyo ang mga bunga nito. 6 Darating ang araw na ang mga nagbabantay ng lungsod ay sisigaw doon sa kabundukan ng Efraim, ‘Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem[b] para sumamba sa Panginoon na ating Dios.’ ”
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang sinumang lumalapit at sumasampalataya sa akin ay hindi na magugutom o mauuhaw kailanman.
36 “Ngunit gaya ng sinabi ko sa inyo, ayaw ninyong manampalataya sa akin kahit nakita na ninyo ang mga himalang ginawa ko. 37 Ang lahat ng taong ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin, at hinding-hindi ko itataboy ang mga lumalapit sa akin. 38 Sapagkat naparito ako mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban ng aking Amang nagsugo sa akin. 39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin; sa halip ay bubuhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat kalooban ng aking Ama na ang lahat ng kumikilala at sumasampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko silang muli sa huling araw.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®