Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 19:4-8

Pagkatapos, naglakad siya ng isang araw papuntang ilang. Nagpahinga siya at umupo sa ilalim ng punongkahoy at nanalangin na mamatay na lang sana siya. Sinabi niya, “Sobra na po ito Panginoon! Kunin na lang ninyo ang buhay ko, wala naman akong ipinagkaiba sa aking mga ninuno.” Pagkatapos, humiga siya sa ilalim ng punongkahoy, at nakatulog.

Biglang may anghel na kumalabit sa kanya at sinabi, “Bumangon ka at kumain.” Pagdilat niya, may nakita siyang tinapay sa ulunan niya, na niluto sa mainit na bato, at tubig na nakalagay sa sisidlan. Kumain siya at uminom, at nahigang muli. Muling bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit si Elias at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil malayo pa ang iyong lalakbayin.” Kaya bumangon si Elias, kumain, at uminom. Pinalakas siya ng kanyang kinain, at naglakbay siya sa loob ng 40 araw at 40 gabi, hanggang makarating siya sa Horeb,[a] ang bundok ng Dios.

Salmo 34:1-8

Ang Kabutihan ng Dios

34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
    Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
    maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
    at itaas natin ang kanyang pangalan.
Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
    Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
    at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
    Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
    at ipinagtatanggol niya sila.

Subukan ninyo at inyong makikita,
    kung gaano kabuti ang Panginoon.
    Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!

Efeso 4:25-5:2

25 Kaya huwag na kayong magsisinungaling. Ang bawat isaʼy magsabi ng katotohanan sa kanyang mga kapatid[a] kay Cristo, dahil kabilang tayong lahat sa iisang katawan. 26 Kung magalit man kayo, huwag kayong magkasala.[b] At huwag nʼyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon si Satanas. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. 30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Dios. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang siyang tanda na kayoʼy sa Dios, at siya ang katiyakan ng kaligtasan nʼyo pagdating ng araw. 31 Alisin nʼyo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. At magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo.

Mamuhay Bilang mga Taong Naliwanagan

Tularan nʼyo ang Dios dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak. Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Cristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Dios.

Juan 6:35

35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang sinumang lumalapit at sumasampalataya sa akin ay hindi na magugutom o mauuhaw kailanman.

Juan 6:41-51

41 Samantala, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sinabi ni Jesus na siya ang tinapay na mula sa langit. 42 Kaya sinabi nila, “Hindi baʼt si Jesus lang naman iyan na anak ni Jose? Bakit sinasabi niyang bumaba siya mula sa langit, samantalang kilala natin ang mga magulang niya?” 43 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin maliban kung papalapitin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang mga lalapit sa akin ay bubuhayin kong muli sa huling araw. 45 Ayon sa isinulat ng mga propeta, ‘Tuturuan silang lahat ng Dios.’[a] Kaya ang lahat ng nakikinig at natututo sa Ama ay lalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama. Ako lang na nagmula sa Dios Ama ang nakakita sa kanya.

47 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan, 48 dahil ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. 49 Kumain ng ‘manna’ ang mga ninuno ninyo noong nasa ilang sila, ngunit namatay din silang lahat. 50 Pero narito ang tinapay na mula sa langit, at hindi na mamamatay ang sinumang kumain nito. 51 Ako ang tinapay na mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. Sapagkat ang ibibigay kong tinapay para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao sa mundo ay walang iba kundi ang aking katawan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®