Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 107:1-3

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.

Salmo 107:33-43

33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
    at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
    dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
    at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
    at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
    kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38 Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.
    Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.

39 Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.
40 Isinusumpa ng Dios ang mga umaapi sa kanila,
    at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41 Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
    at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.

42 Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak,
    ngunit tumahimik ang masasama.

43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
    at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.

Bilang 11:16-23

16 Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin mo ang 70 sa mga tagapamahala ng Israel na kilalang-kilala mo na mga pinuno ng mga mamamayan, at papuntahin sila sa Toldang Tipanan at patayuin sila roon kasama mo. 17 Bababa ako at makikipag-usap sa iyo roon, at ibibigay ko sa kanila ang ibang kapangyarihan[a] na ibinigay ko sa iyo upang makatulong sila sa pamamahala ng mga tao para hindi lang ikaw mag-isa ang namamahala.

18 “Pagkatapos, sabihin mo sa mga tao na linisin nila ang kanilang sarili[b] dahil bukas, may makakain na silang karne. Sabihin mo ito sa kanila: ‘Narinig ko ang inyong reklamo na gusto ninyong kumain ng karne. At sinasabi ninyo na mas mabuti pa ang inyong kalagayan sa Egipto. Kaya bukas, bibigyan ko kayo ng karne para makakain kayo. 19 Hindi lang isang araw, o dalawa, o lima, o 10, o 20 araw ang pagkain ninyo nito, 20 kundi isang buwan, hanggang sa magsawa kayo[c] at hindi na kayo makakain nito. Dahil itinakwil ninyo ako na sumasama sa inyo, at nagreklamo kayo sa akin na sanaʼy hindi na lang kayo umalis sa Egipto.’ ”

21 Pero sinabi ni Moises, “600,000 lahat ang tao na kasama ko, at ngayoʼy sinasabi po ninyo na bibigyan ninyo sila ng karne na kanilang kakainin sa loob ng isang buwan? 22 Kahit po katayin pa namin ang lahat ng tupa at baka o kahit hulihin pa namin ang mga isda sa dagat, hindi po ito magkakasya sa kanila.” 23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May limitasyon ba ang aking kapangyarihan? Makikita mo ngayon kung mangyayari ang sinabi ko o hindi.”

Bilang 11:31-32

31 Ngayon, nagpadala ang Panginoon ng hangin na nagdala ng mga pugo mula sa dagat. Lumipad-lipad sila sa palibot ng kampo at ibinagsak sa lupa; mga tatlong talampakan ang taas ng bunton nito at mga ilang kilometro ang lawak ng ibinunton na mga pugo. 32 Kaya nang araw na iyon at nang sumunod pang araw, nanghuli ang mga tao ng mga pugo araw at gabi. Walang nakakuha nang bababa pa sa 30 sako at ibinilad nila ito sa palibot ng kampo.

Efeso 4:17-24

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Sa pangalan ng Panginoon, iginigiit kong huwag na kayong mamuhay gaya ng mga taong hindi nakakakilala sa Dios. Walang kabuluhan ang iniisip nila, 18 dahil nadiliman ang isipan nila sa pag-unawa ng mga espiritwal na bagay. At nawalay sila sa buhay na ipinagkaloob ng Dios dahil sa kamangmangan nila at katigasan ng kanilang puso. 19 Nawalan na sila ng kahihiyan, kaya nawili sila sa kahalayan at laging sabik na sabik gumawa ng karumihan.

20 Ngunit hindi ganyan ang natutunan nʼyo tungkol kay Cristo. 21 Hindi baʼt alam na ninyo ang tungkol kay Jesus? At bilang mga mananampalataya niya, hindi baʼt naturuan na kayo ng katotohanang nasa kanya? 22 Kaya talikuran nʼyo na ang dati ninyong pamumuhay dahil gawain ito ng dati ninyong pagkatao. Ang pagkataong ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. 23 Baguhin nʼyo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali. 24 Ipakita nʼyong binago na kayo ng Dios at binigyan ng buhay na matuwid at banal katulad ng sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®