Revised Common Lectionary (Complementary)
23 Sa aba ng mga pastor na nangagpapahamak at nangagpapangalat sa mga tupa sa aking pastulan! sabi ng Panginoon.
2 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, laban sa mga pastor na nangagpastol ng aking bayan, Inyong pinangalat ang aking kawan, at inyong iniligaw sila, at hindi ninyo sila dinalaw; narito, dadalawin ko sa inyo ang kasamaan ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon.
3 At aking pipisanin ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat na lupain na aking pinagtabuyan sa kanila, at aking dadalhin sila uli sa kanilang mga kulungan; at sila'y magiging palaanak at magsisidami.
4 At ako'y maglalagay ng mga pastor sa kanila na kakandili sa kanila; at hindi na sila matatakot, o manglulupaypay pa, o kukulangin ang sinoman sa kanila, sabi ng Panginoon.
5 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon kay David ng matuwid na Sanga, at siya'y maghahari na gaya ng hari, at gagawang may kapantasan, at magsasagawa ng kahatulan at kaganapan sa lupain.
6 Sa kaniyang mga kaarawan ay maliligtas ang Juda, at ang Israel ay tatahang tiwasay; at ito ang kaniyang pangalan na itatawag sa kaniya, Ang Panginoon ay ating katuwiran.
23 Ang Panginoon ay aking pastor; hindi ako mangangailangan.
2 Kaniyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan: pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan,
3 Kaniyang pinapananauli ang aking kaluluwa: pinapatnubayan niya ako sa mga landas ng katuwiran alangalang sa kaniyang pangalan.
4 Oo, bagaman ako'y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagka't ikaw ay sumasa akin: ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, ay nagsisialiw sa akin.
5 Iyong pinaghahandaan ako ng dulang sa harap ko sa harapan ng aking mga kaaway: iyong pinahiran ang aking ulo ng langis; ang aking saro ay inaapawan.
6 Tunay na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay: at ako'y tatahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man.
11 Kaya nga alalahanin ninyo, na kayo noong una, mga Gentil sa laman, tinatawag na Di-pagtutuli niyaong tinatawag na Pagtutuli sa laman, na ginawa ng mga kamay:
12 Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.
13 Datapuwa't ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo.
14 Sapagka't siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay,
15 Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan;
16 At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, na sa kaniya'y pinatay ang pagkakaalit.
17 At siya'y naparito at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong nalalayo, at ang kapayapaan sa nangalalapit:
18 Sapagka't sa pamamagitan niya tayo'y may pagpasok sa isang Espiritu rin sa Ama.
19 Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo'y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios,
20 Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok;
21 Na sa kaniya'y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon;
22 Na sa kaniya'y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.
30 At ang mga apostol ay nangagpisan kay Jesus; at isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa, at ang lahat ng kanilang itinuro.
31 At sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo ng bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo ng kaunti. Sapagka't marami ang nangagpaparoo't parito, at sila'y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain.
32 At nagsiyaon silang nangasa daong at nangapasa isang dakong ilang at bukod.
33 At nangakita sila ng mga tao sa pagalis, at sila'y nangakilala ng marami at paraparang nagsisitakbo na nagsiparoon doon mula sa lahat ng mga bayan, at nangaunang nagsirating pa kay sa kanila.
34 At lumabas siya at nakita ang lubhang maraming tao, at nahabag siya sa kanila, sapagka't sila'y gaya ng mga tupa na walang pastor: at siya'y nagpasimulang tinuruan sila ng maraming bagay.
53 At nang mangakatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret, at nagsisadsad sa daungan.
54 At paglunsad nila sa daong, pagdaka'y nakilala siya ng mga tao,
55 At nang malibot nilang nagtutumulin ang buong lupaing yaon, at nagpasimulang dalhin sa kaniya ang mga may-sakit na nasa kanilang higaan, saan man nila marinig na naroon siya.
56 At saan man siya pumasok, sa mga nayon, o sa mga bayan o sa mga bukid, ay inilalagay nila sa mga liwasan ang mga may-sakit, at ipinamamanhik sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nagsihipo sa kaniya ay pawang nagsigaling.
Public Domain