Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:81-88

81 Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin,
    ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.
82 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay ng pangako nʼyo sa akin.
    Ang tanong koʼy, “Kailan nʼyo pa ako palalakasin at aaliwin?”
83 Kahit na ako ay para nang sisidlang-balat na nilalagyan ng inumin na parang hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.
84 Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay?
    Kailan nʼyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?
85 Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.
86-87 Kaya tulungan nʼyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan,
    hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan.
    Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.
88 Ingatan nʼyo ang aking buhay ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin,
    upang masunod ko ang mga turong ibinigay ninyo.

Jeremias 16:14-21

14 “Darating ang araw na hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa Egipto!’ 15 Sa halip, sasabihin nila, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa bansang nasa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan niya sila pinangalat.’ Sapagkat ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila.

16 “Pero sa ngayon, padadalhan ko muna sila ng maraming kaaway na parang mga mangingisdang huhuli sa kanila. At magsusugo rin ako ng mga mangangaso na maghahanap sa kanila sa mga bundok, burol at mga kweba. 17 Nakita ko ang lahat ng pag-uugali nila. Wala kahit anuman na naitatago sa akin. Nakita ko rin ang mga kasalanan nila. 18 Kaya pagbabayarin ko sila nang doble sa kasamaan at kasalanan nila dahil dinungisan nila ang lupain ko sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam at patay nilang mga dios-diosan.”

19 Sinabi ko, “O Panginoon, kayo po ang kalakasan at tagapagkalinga ko sa panahon ng pagdadalamhati. Lalapit po sa inyo ang mga bansa mula sa buong mundo[a] at sasabihin nila, ‘Walang kwenta ang mga dios-diosan ng aming mga ninuno. Wala silang nagawa na anumang kabutihan. 20 Ang tao baʼy makakagawa ng kanyang dios? Kung makakagawa siya, hindi iyon totoong Dios!’ ”

21 Sinabi ng Panginoon, “Kaya ngayon, ipapakita ko sa kanila ang kapangyarihan at kakayahan ko para malaman nila na ako nga ang Panginoon.”

Juan 7:1-9

Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid

Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niyang pumunta sa Judea dahil gusto siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol,[a] sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng mga tagasunod mo ang mga ginagawa mo? Dahil walang taong gumagawa nang patago kung gusto niyang sumikat. Gumagawa ka na rin lang ng himala, ipakita mo na sa lahat!” (Sinabi ito ng mga kapatid ni Jesus dahil kahit sila ay hindi sumasampalataya sa kanya.) Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ngayon ang panahon para sa akin, pero kayo, pwede nʼyong gawin kahit anong oras ang gusto ninyo. Hindi sa inyo napopoot ang mga taong makamundo, ngunit sa akin sila napopoot, dahil inilalantad ko ang kasamaan nila. Kayo na lang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” Pagkasabi niya nito, nagpaiwan siya sa Galilea.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®