Revised Common Lectionary (Complementary)
65 Ang kapurihan ay naghihintay sa iyo, Oh Dios, sa Sion: at sa iyo'y maisasagawa ang panata.
2 Oh ikaw na dumidinig ng dalangin, sa iyo'y paroroon ang lahat ng laman.
3 Mga kasamaan ay nangananaig laban sa akin: tungkol sa aming pagsalangsang, ay lilinisin mo.
4 Mapalad ang tao na iyong pinipili, at pinalalapit mo sa iyo, upang siya'y makatahan sa iyong mga looban: kami ay mangasisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay, ng iyong banal na templo.
5 Sasagutin mo kami sa katuwiran sa pamamagitan ng mga kakilakilabot na bagay, Oh Dios ng aming kaligtasan; ikaw na katiwalaan ng lahat na wakas ng lupa, at nila na malayo sa dagat:
6 Na naglalagay na matibay ng mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kalakasan; palibhasa't nabibigkisan sa palibot ng kapangyarihan:
7 Na nagpapatigil ng hugong ng mga dagat, ng hugong ng kanilang mga alon, at ng kaingay ng mga bayan.
8 Sila naman na nagsisitahan sa mga pinakadulong bahagi ay nangatatakot sa iyong mga tanda: ikaw ang nagbibigay galak sa pagbubukang liwayway at pagtatakip-silim.
9 Iyong dinadalaw ang lupa, at dinidilig mo, iyong pinayayamang mainam; ang ilog ng Dios ay puno ng tubig: iyong pinagtataanan sila ng trigo, pagka't inihanda mo ang lupa.
10 Iyong dinidilig ang kaniyang bungkal ng sagana; iyong pinapantay ang kaniyang mga bungkal; iyong mga pinalalambot ng ambon; iyong pinagpapala ang pagsibol niyaon.
11 Iyong dinudulutan ang taon ng iyong kabutihan; at ang iyong mga landas ay pumapatak ng katabaan.
12 Nagsisipatak sa mga pastulan sa ilang; at ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan.
13 Ang mga pastulan ay nangabihisan ng mga kawan; ang mga libis naman ay nangatatakpan ng trigo; sila'y magsisihiyaw sa kagalakan, sila naman ay nagsisiawit.
14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang puso ni Farao'y nagmatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan.
15 Pumaroon ka kay Faraon kinaumagahan; narito, siya'y pasasa tubig; at ikaw ay tatayo sa tabi ng ilog upang matagpuan mo siya; at ang tungkod na naging ahas ay iyong tatangnan sa iyong kamay.
16 At iyong sasabihin sa kaniya, Sinugo ako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, na sinasabi, Pahintulutan mong ang aking bayan ay yumaon, upang sila'y makapaglingkod sa akin sa ilang at, narito, hanggang ngayo'y hindi mo dininig.
17 Ganito ang sabi ng Panginoon, Dito mo makikilala, na ako ang Panginoon: narito, aking papaluin ng tungkod, na nasa aking kamay, ang tubig, na nasa ilog at magiging dugo.
18 At ang mga isda, na nasa ilog ay mamamatay, at ang ilog ay babaho; at ang mga Egipcio ay masusuklam na uminom ng tubig sa ilog.
19 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron, Kunin mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Egipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bangbang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang mga maging dugo; at magkakadugo sa buong lupain ng Egipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato.
20 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron, gaya ng iniutos ng Panginoon; at kaniyang itinaas ang tungkod, at pinalo ang tubig, na nasa ilog, sa paningin ni Faraon, at sa paningin ng kaniyang mga lingkod; at ang lahat ng tubig, na nasa ilog ay naging dugo.
21 At ang isda, na nasa tubig ay namatay; at ang ilog ay bumaho at ang mga Egipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkadugo sa buong lupain ng Egipto.
22 At ang mga mahiko sa Egipto ay gumawa ng gayon din, sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto; at ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.
23 At si Faraon ay pumihit at umuwi sa kaniyang bahay, na hindi man lamang nabagbag ang kaniyang puso.
24 At lahat ng mga Egipcio ay humukay sa palibot ng ilog, upang makasumpong ng tubig na mainom; sapagka't sila'y hindi makainom ng tubig sa ilog.
13 At nang marahang humihihip ang hanging timugan na inaakalang maisasagawa nila ang kanilang nasa, itinaas nila ang sinepete at namaybay sa baybayin ng Creta.
14 Datapuwa't hindi nalaon at humampas na galing doon ang maunos na hangin, na tinatawag na Euraclidon:
15 At nang ipadpad ang daong, at hindi makasalungat sa hangin, ay nangagpabaya na kami, at kami'y ipinadpad.
16 At sa pagtakbo ng daong na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Clauda, ay may kahirapan naming maitaas ang bangka:
17 At nang maitaas na ito, ay nagsigamit sila ng mga lubid, na tinalian ang ibaba ng daong; at, sa takot na baka mapapadpad sa Sirte, ay ibinaba nila ang mga layag, at sa gayo'y napaanod sila.
18 At sapagka't lubhang nakikipaglaban kami sa bagyo, nang sumunod na araw ay nangagsimula silang magtapon ng lulan sa dagat;
19 At nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ng kanilang sariling mga kamay ang mga kasangkapan ng daong.
20 At nang hindi sumisikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming mga araw, at sumasa ibabaw namin ang isang hindi munting bagyo, ay nawala ang buong pagasa na kami'y makaliligtas.
21 At nang maluwat nang hindi sila nagsisikain, ay tumayo nga si Pablo sa gitna nila, at sinabi, Mga ginoo, nangakinig sana kayo sa akin, at hindi umalis sa Creta, at nailagan ang kapinsalaang ito at kapahamakan.
22 At ngayon ay ipinamamanhik ko sa inyo na inyong laksan ang inyong loob; sapagka't walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang daong lamang.
23 Sapagka't nang gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang anghel ng Dios na may-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran,
24 Na nagsabi, Huwag kang matakot, Pablo; kailangang ikaw ay humarap kay Cesar: at narito, ipinagkaloob sa iyo ng Dios ang lahat ng kasama mo sa paglalayag.
25 Kaya nga, mga ginoo, laksan ninyo ang inyong loob: sapagka't ako'y sumasampalataya sa Dios, na mangyayari ayon sa sinalita sa akin.
26 Datapuwa't tayo'y kailangang mapapadpad sa isang pulo.
27 Datapuwa't nang dumating ang ikalabingapat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa magkabikabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating gabi na ay sinasapantaha ng mga mangdaragat na sila'y nangalalapit na sa isang lupain.
28 At kanilang tinarok, at nasumpungang may dalawangpung dipa; at pagkasulongsulong ng kaunti, ay tinarok nilang muli at nasumpungang may labinglimang dipa.
29 At sa takot naming mapapadpad sa batuhan, ay nangaghulog sila ng apat na sinepete sa hulihan, at iniibig magumaga na.
30 At sa pagpipilit ng mga mangdaragat na mangagtanan sa daong, at nang maibaba na ang bangka sa dagat, na ang dinadahilan ay mangaghuhulog sila ng mga sinepete sa unahan,
31 Ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, Maliban na magsipanatili ang mga ito sa daong, kayo'y hindi mangakaliligtas.
32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.
33 At samantalang naguumaga, ay ipinamanhik ni Pablo sa lahat na magsikain, na sinasabi, Ang araw na ito ang ikalabingapat na araw na kayo'y nangaghihintay at nangagpapatuloy sa hindi pagkain, na walang kinakaing anoman.
34 Kaya nga ipinamamanhik ko sa inyo na kayo'y magsikain: sapagka't ito'y sa ikaliligtas ninyo: sapagka't hindi mawawala kahit isang buhok sa ulo ng sinoman sa inyo.
35 At nang masabi na niya ito, at makadampot ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Dios sa harapan ng lahat; at kaniyang pinagputolputol, at pinasimulang kumain.
36 Nang magkagayo'y nagsilakas ang loob ng lahat, at sila nama'y pawang nagsikain din.
37 At kaming lahat na nangasa daong ay dalawang daan at pitongpu't anim na kaluluwa.
38 At nang mangabusog na sila, ay pinagaan nila ang daong, na ipinagtatapon sa dagat ang trigo.
Public Domain