Revised Common Lectionary (Complementary)
74 Oh Dios, bakit mo itinakuwil kami magpakailan man? Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2 Alalahanin mo ang iyong kapisanan na iyong binili ng una, na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana; at ang bundok ng Sion na iyong tinahanan.
3 Itaas mo ang iyong mga paa sa mga walang hanggang guho, ang lahat na kasamaang ginawa ng kaaway sa santuario.
4 Ang mga kaaway mo'y nagsisiangal sa gitna ng iyong kapulungan; kanilang itinaas ang kanilang mga watawat na pinakatanda.
5 Sila'y tila mga tao na nangagtaas ng mga palakol sa mga kakahuyan.
6 At ngayo'y lahat ng gawang inanyuan doon. Kanilang pinagputolputol ng palakol at ng mga pamukpok.
7 Kanilang sinilaban ng apoy ang iyong santuario; kanilang dinumhan ang tahanang dako ng iyong pangalan hanggang sa lupa.
8 Kanilang sinabi sa kanilang puso, ating gibaing paminsan: kanilang sinunog ang lahat na sinagoga ng Dios sa lupain.
9 Hindi namin nakikita ang aming mga tanda: Wala nang propeta pa; at wala mang sinoman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 Hanggang kailan, Oh Dios, mangduduwahagi ang kaaway? Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailan man?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay, ang iyong kanan? Ilabas mo sa iyong sinapupunan, at iyong lipulin sila.
12 Gayon ma'y ang Dios ay aking Hari ng una, na nagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Iyong hinawi ang dagat sa iyong kalakasan: iyong pinagbasag ang mga ulo ng mga buwaya sa mga tubig.
14 Iyong pinagputolputol ang mga ulo ng leviatan, ibinigay mo siya na pagkain sa bayan na tumatahan sa ilang.
15 Ikaw ay nagbukas ng bukal at ilog: iyong tinutuyo ang mga malaking ilog.
16 Ang araw ay iyo, ang gabi ay iyo rin: iyong inihanda ang liwanag at ang araw.
17 Iyong inilagay ang lahat ng mga hangganan ng lupa: iyong ginawa ang taginit at taginaw.
18 Iyong alalahanin ito, na nangduwahagi ang kaaway, Oh Panginoon, at nilapastangan ng mangmang na bayan ang iyong pangalan.
19 Oh huwag mong ibigay ang kaluluwa ng inakay ng iyong kalapati sa mabangis na hayop: huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailan man.
20 Magkaroong pitagan ka sa tipan: sapagka't ang mga madilim na dako ng lupa ay puno ng mga tahanan ng karahasan.
21 Oh huwag bumalik na may kahihiyan ang naaapi: pupurihin ng dukha at mapagkailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, Oh Dios, ipaglaban mo ang iyong sariling usap: alalahanin mo kung paanong dinuduwahagi ka ng mangmang buong araw.
23 Huwag mong kalimutan ang tinig ng iyong mga kaaway: ang ingay niyaong nagsisibangon laban sa iyo ay patuloy na lumalala.
16 Panginoon, sa kabagabagan ay dinalaw ka nila, sila'y nangagbugso ng dalangin, nang pinarurusahan mo sila.
17 Gaya ng babae na nagdadalang-tao na lumalapit ang panahon ng kaniyang panganganak, ay nasa hirap at humihiyaw sa kaniyang pagdaramdam; naging gayon kami sa harap mo, Oh Panginoon.
18 Kami ay nangagdalang-tao, kami ay nalagay sa pagdaramdam, kami ay tila nanganak ng hangin; kami ay hindi nagsigawa ng anomang kagalingan sa lupa; o nabuwal man ang mga nananahan sa sanglibutan.
19 Ang iyong mga patay ay mangabubuhay; ang aking patay na katawan ay babangon. Magsigising at magsiawit, kayong nagsisitahan sa alabok: sapagka't ang iyong hamog ay gaya ng hamog ng mga damo, at iluluwa ng lupa ang mga patay.
20 Ikaw ay parito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo: magkubli kang sangdali, hanggang sa ang galit ay makalampas;
21 Sapagka't, narito, ang Panginoon ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na tatakpan ang kaniyang nangapatay.
27 Sa araw na yaon ay parurusahan ng Panginoon, ng kaniyang matigas at malaki at matibay na tabak ang leviatan na maliksing ahas, at ang leviatan na lumilikaw na ahas, at kaniyang papatayin ang buwaya na nasa dagat.
14 At nagpalabas siya ng isang demoniong pipi. At nangyari, nang makalabas na ang demonio, ang pipi ay nangusap; at nangagtaka ang mga karamihan.
15 Datapuwa't sinabi ng ilan sa kanila, Sa pamamagitan ni Beelzebub, na pangulo ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.
16 At ang mga iba sa pagtukso sa kaniya'y hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit.
17 Datapuwa't siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila'y sinabi, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba.
18 At kung si Satanas naman ay nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili, paanong mananatili ang kaniyang kaharian? sapagka't sinasabi ninyong sa pamamagitan ni Beelzebub nagpapalabas ako ng mga demonio.
19 At kung nagpapalabas ako ng mga demonio sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino sila pinalalabas ng inyong mga anak? kaya nga, sila ang inyong magiging mga hukom.
20 Nguni't kung sa pamamagitan ng daliri ng Dios ay nagpapalabas ako ng mga demonio, dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios.
21 Pagka ang lalaking malakas na nasasandatahang lubos ay nagbabantay sa kaniyang sariling looban, ang kaniyang mga pag-aari ay wala sa panganib.
22 Datapuwa't kung siya'y datnan ng ibang lalong malakas kay sa kaniya, at siya'y matalo, ay kukunin nito sa kaniya ang lahat ng kaniyang sandata na kaniyang inaasahan, at ipamamahagi ang mga nasamsam sa kaniya.
23 Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat.
24 Pagka ang karumaldumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig, na humahanap ng kapahingahan, at pagka hindi makasumpong, ay sinasabing, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko.
25 At pagdating niya ay nasusumpungang walis na at nagagayakan.
26 Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama pa kay sa kaniya; at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una.
27 At nangyari, na nang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ang isang babaing mula sa karamihan ay naglakas ng kaniyang tinig at sinabi sa kaniya, Mapalad ang tiyang sa iyo'y nagdala, at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.
28 Datapuwa't sinabi niya, Oo, bagkus na lalong mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito'y ginaganap.
Public Domain