Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Patnubay ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan
78 Mga kababayan,[a] ang mga turo koʼy inyong pakinggan.
2 Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng kasaysayan.[b]
Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.
3 Napakinggan na natin ito at nalaman.
Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
4 Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak;
sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi.
Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
52 Ngunit inilabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na katulad ng mga tupa at pinatnubayan sila na parang kanyang kawan sa ilang.
53 Pinatnubayan niya sila, kaya hindi sila natakot.
Ngunit ang mga kaaway nila ay nalunod sa dagat.
54 Dinala sila ng Dios sa lupain na kanyang pinili,
doon sa kabundukan na kinuha niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
55 Itinaboy niya ang lahat ng naninirahan doon,
at hinati-hati ang lupain sa mga lahi ng Israel para maging pag-aari nila at maging tirahan.
56 Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Dios,
naghimagsik sila at hindi sumunod sa kanyang mga utos.
57 Tumalikod sila sa Dios kagaya ng kanilang mga ninuno.
Tulad sila ng isang sirang pana na hindi mapagkakatiwalaan.
58 Pinanibugho nila ang Dios at ginalit dahil sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa matataas na lugar.[a]
59 Alam[b] ng Dios ang ginawa ng mga Israelita,
kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan.
60 Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Shilo, kung saan siya nananahan dito sa mundo.
61 Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway ang Kahon ng Kasunduan na simbolo ng kanyang kapangyarihan at kadakilaan.
62 Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan kaya ipinapatay niya sila sa kanilang mga kaaway.
63 Sinunog ang kanilang mga binata,
kaya walang mapangasawa ang kanilang mga dalaga.
64 Namatay sa labanan ang kanilang mga pari,
at ang mga naiwan nilang asawa ay hindi makapagluksa.[c]
65 Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon mula sa kanyang pagkakahimlay;
at para siyang isang malakas na tao na pinatapang ng alak.
66 Itinaboy niya at pinaatras ang kanyang mga kaaway;
inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67 Itinakwil niya ang lahi ni Jose, hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim.[d]
68 Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Doon niya ipinatayo ang kanyang templo, katulad ng langit at lupa na matatag magpakailanman.
70-71 Pinili ng Dios si David upang maging lingkod niya.
Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa at ginawang hari ng Israel, ang mga mamamayang kanyang hinirang.
72 Katulad ng isang mabuting pastol, inalagaan niya ang mga Israelita nang may katapatan at mahusay silang pinamunuan.
Pumunta si David sa Nob
21 Pumunta si David sa Nob at tumuloy kay Ahimelec na siyang pari sa Nob. Nanginig sa takot si Ahimelec nang makita si David. Nagtanong siya, “Bakit nag-iisa ka lang?” 2 Sumagot si David, “May iniutos sa akin ang hari, at pinagbilinan niya ako na huwag ipagsasabi kahit kanino ang pakay ko rito. Ang mga tauhan ko namaʼy sinabihan ko na magkita-kita na lang kami sa isang lugar. 3 May pagkain ka ba rito? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong mayroon ka.” 4 Sumagot ang pari, “Wala na akong ordinaryong tinapay. Pero mayroon ako ritong tinapay na inihandog. Maaari ko itong ibigay sa iyo at sa mga tauhan mo kung hindi sila sumiping sa kahit sinong babae nitong mga huling araw.” 5 Sumagot si David, “Hindi kami sumisiping sa mga babae kapag may misyon kami. Kahit na ordinaryong misyon lang ang gagawin namin, kailangang malinis[a] kami. Ano pa kaya ngayon na mahalaga ang misyong ito.” 6 At dahil nga walang ordinaryong tinapay, ibinigay sa kanya ng pari ang tinapay na inihandog sa presensya ng Dios. Itoʼy kinuha mula sa banal na mesa at pinalitan ng bagong tinapay nang araw ding iyon.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaki sa Betesda
5 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Jerusalem upang dumalo sa isang pista ng mga Judio. 2 Sa isang pintuan ng lungsod ng Jerusalem, kung saan idinadaan ang mga tupa ay may paliguan na ang tawag sa wikang Hebreo ay Betesda.[a] Sa paligid nito ay may limang silungan, 3 kung saan nakahiga ang maraming may sakit – mga bulag, pilay at mga paralitiko. [4 Hinihintay nilang gumalaw ang tubig, dahil paminsan-minsan, may isang anghel ng Dios na bumababa at kinakalawkaw ang tubig. Ang unang makalusong sa tubig pagkatapos makalawkaw ng anghel ay gumagaling, kahit ano pa ang kanyang sakit.][b] 5 May isang lalaki roon na 38 taon nang may sakit. 6 Nakita ni Jesus ang lalaki na nakahiga roon at nalaman niyang matagal na itong may sakit. Kaya tinanong siya ni Jesus, “Gusto mo bang gumaling?” 7 Sumagot ang may sakit, “Gusto ko po sana, pero walang tumutulong sa aking lumusong sa tubig kapag kinakalawkaw na ito. Sa tuwing papunta pa lang ako, nauunahan na ako ng iba.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at lumakad!” 9 Agad na gumaling ang lalaki. Binuhat niya ang higaan niya at lumakad.
Nangyari ito sa Araw ng Pamamahinga. 10 Kaya sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa taong pinagaling, “Hindi baʼt Araw ng Pamamahinga ngayon? Labag sa Kautusan ang pagbubuhat mo ng higaan!” 11 Pero sumagot siya, “Ang taong nagpagaling sa akin ang nag-utos na buhatin ko ito at lumakad.” 12 Tinanong nila siya, “Sino ang nag-utos sa iyong buhatin ang higaan mo at lumakad?” 13 Pero hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, dahil nawala na si Jesus sa dami ng tao.
14 Hindi nagtagal, nakita ni Jesus sa templo ang taong pinagaling niya, at sinabihan, “O, magaling ka na ngayon. Huwag ka nang magkasala pa, at baka mas masama pa ang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang lalaki at pumunta sa mga pinuno ng mga Judio. Sinabi niya sa kanila na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Kaya mula noon, sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio si Jesus, dahil nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga.
17 Pero sinabihan sila ni Jesus, “Patuloy na gumagawa ang aking Ama, kaya patuloy din ako sa paggawa.” 18 Dahil sa sinabing ito ni Jesus, lalong sinikap ng mga pinuno ng mga Judio na patayin siya. Sapagkat hindi lang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, kundi tinawag pa niyang sariling Ama ang Dios, at sa gayoʼy ipinapantay ang sarili sa Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®