Revised Common Lectionary (Complementary)
78 Makinig kayo, Oh bayan ko, sa aking kautusan: ikiling ninyo ang inyong mga pakinig sa mga salita ng aking bibig.
2 Aking bubukhin ang aking bibig sa isang talinghaga; ako'y magsasalita ng mga malabong sabi ng una:
3 Na aming narinig at naalaman, at isinaysay sa amin ng aming mga magulang.
4 Hindi namin ikukubli sa kanilang mga anak, na isasaysay sa salin ng lahing darating ang mga pagpuri sa Panginoon, at ang kaniyang kalakasan, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa.
52 Nguni't kaniyang pinayaon ang kaniyang sariling bayan na parang mga tupa, at pinatnubayan sila sa ilang na parang kawan.
53 At inihatid niya silang tiwasay, na anopa't hindi sila nangatakot: nguni't tinakpan ng dagat ang kanilang mga kaaway.
54 At dinala niya sila sa hangganan ng kaniyang santuario, sa bundok na ito na binili ng kaniyang kanang kamay.
55 Pinalayas din niya ang mga bansa sa harap nila, at binahagi sa kanila na pinakamana sa pamamagitan ng pising panukat, at pinatahan ang mga lipi ng Israel sa kanilang mga tolda.
56 Gayon ma'y nanukso at nanghimagsik sila laban sa Kataastaasang Dios, at hindi iningatan ang kaniyang mga patotoo;
57 Kundi nagsitalikod, at nagsigawang may paglililo na gaya ng kanilang mga magulang: sila'y nagsilisyang parang magdarayang busog.
58 Sapagka't minungkahi nila siya sa galit ng kanilang mga mataas na dako, at kinilos nila siya sa panibugho ng kanilang mga larawang inanyuan.
59 Nang marinig ito ng Dios, ay napoot, at kinayamutang lubha ang Israel:
60 Sa gayo'y kaniyang pinabayaan ang tabernakulo ng Silo, ang tolda na kaniyang inilagay sa gitna ng mga tao;
61 At ibinigay ang kaniyang kalakasan sa pagkabihag, at ang kaniyang kaluwalhatian ay sa kamay ng kaaway.
62 Ibinigay rin niya ang kaniyang bayan sa tabak; at napoot sa kaniyang mana.
63 Nilamon ng apoy ang kanilang mga binata; at ang mga dalaga nila'y hindi nagkaroon ng awit ng pagaasawa.
64 Ang mga saserdote nila'y nabuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang mga bao nila'y hindi nanganaghoy.
65 Nang magkagayo'y gumising ang Panginoon na gaya ng mula sa pagkakatulog, gaya ng malakas na tao na humihiyaw dahil sa alak.
66 At sinaktan niya sa likod ang kaniyang mga kaaway: inilagay niya sila sa laging kadustaan.
67 Bukod dito'y tinanggihan niya ang tolda ng Jose, at hindi pinili ang lipi ni Ephraim;
68 Kundi pinili ang lipi ni Juda, ang bundok ng Zion na kaniyang inibig.
69 At itinayo niya ang kaniyang santuario na parang mga kataasan, parang lupa na kaniyang itinatag magpakailan man.
70 Pinili naman niya si David na kaniyang lingkod, at kinuha niya siya mula sa kulungan ng mga tupa:
71 Dinala niya siya na mula sa pagsunod sa mga tupa ng nagpapasuso, upang maging pastor ng Jacob na kaniyang bayan, at ang Israel na kaniyang mana.
72 Sa gayo'y siya ang kanilang pastor ayon sa pagtatapat ng kaniyang puso; at pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng kabihasahan ng kaniyang mga kamay.
21 Nang magkagayo'y naparoon si David sa Nob kay Ahimelech na saserdote: at sinalubong si David ni Ahimelech na nanginginig, at sinabi sa kaniya, Bakit ka nagiisa, at walang taong kasama ka?
2 At si David ay nagsabi kay Ahimelech na saserdote, Inutusan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, Huwag maalaman ng sinoman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking iniutos sa iyo: at aking inilagay ang mga bataan sa gayo't gayong dako.
3 Ngayon nga anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay sa aking kamay, o anomang mayroon ka.
4 At sumagot ang saserdote kay David, at nagsabi, Walang karaniwang tinapay sa aking kamay, nguni't mayroong banal na tinapay; kung disin ang mga bataan ay magpakalayo lamang sa mga babae.
5 At sumagot si David sa saserdote, at nagsabi sa kaniya, Sa katotohanan ang mga babae ay nalayo sa amin humigit kumulang sa tatlong araw na ito; nang ako'y lumabas ang mga daladalahan ng mga bataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakad; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga daladalahan?
6 Sa gayo'y binigyan siya ng saserdote ng banal na tinapay: sapagka't walang tinapay roon, kundi tinapay na handog, na kinuha sa harap ng Panginoon, upang lagyan ng tinapay na mainit sa araw ng pagkuha.
5 Pagkatapos ng mga bagay na ito'y nagkaroon ng pista ang mga Judio; at umahon si Jesus sa Jerusalem.
2 Sa Jerusalem nga'y may isang tangke sa tabi ng pintuan ng mga tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Betesda, na may limang portiko.
3 Na sa mga ito ay nangaghandusay ang marami sa kanilang mga maysakit, mga bulag, mga pilay, mga natutuyo.
4 Sapagka't lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tangke at kinakalawkaw ang tubig: at ang unang manaog sa tangke, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anomang sakit na dinaramdam.
5 At naroon ang isang lalake, na may tatlongpu't walong taon nang maysakit.
6 Nang makita ni Jesus na siya'y nakahandusay, at mapagkilalang siya'y malaon nang panahong maysakit, ay sinabi niya sa kaniya, Ibig mo bagang gumaling?
7 Sumagot sa kaniya ang lalaking maysakit, Ginoo, wala ng taong maglusong sa akin sa tangke, pagkalawkaw sa tubig: datapuwa't samantalang ako'y naparoroon, ay nakalusong na muna ang iba bago ako.
8 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.
9 At pagdaka'y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng sabbath.
10 Kaya sinabi ng mga Judio sa kaniya na pinagaling, Ito'y araw ng sabbath, at hindi matuwid na buhatin mo ang iyong higaan.
11 Nguni't sila'y sinagot niya, Ang nagpagaling sa akin, ang siya ring sa akin ay nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.
12 Tinanong nila siya, Sino ang taong sa iyo'y nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?
13 Nguni't hindi nakikilala ng pinagaling kung sino siya; sapagka't si Jesus ay humiwalay, palibhasa'y may isang karamihan sa dakong yaon.
14 Pagkatapos ay nasumpungan siya ni Jesus sa templo, at sa kaniya'y sinabi, Narito, ikaw ay gumaling na: huwag ka nang magkasala, baka mangyari pa sa iyo ang lalong masama.
15 Umalis ang tao, at sinaysay sa mga Judio na si Jesus ang sa kaniya'y nagpagaling.
16 At dahil dito'y pinagusig ng mga Judio si Jesus, sapagka't ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng sabbath.
17 Datapuwa't sinagot sila ni Jesus, Hanggang ngayo'y gumagawa ang aking Ama, at ako'y gumagawa.
18 Dahil dito nga'y lalo nang pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin, sapagka't hindi lamang sinira ang araw ng sabbath, kundi tinatawag din naman na kaniyang sariling Ama ang Dios, na siya'y nakikipantay sa Dios.
Public Domain