Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 7

Palaging Tama ang Ginagawa ng Dios

Panginoon kong Dios, nanganganlong ako sa inyo.
    Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
Baka patayin nila ako,
    katulad ng pagluray ng leon sa kanyang mga biktima,
    kung walang magliligtas sa akin.
Panginoon kong Dios, kung talagang ginawa ko ang mga kasalanang ito –
kung ginantihan ko nga ng masama ang ginawang mabuti ng aking kaibigan,
    o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
hayaan nʼyong usigin ako ng aking mga kaaway at talunin.
    Hayaan nʼyong tapakan nila ako hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.

Sige na po, O Panginoon kong Dios,
    ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway,
    dahil nais nʼyo rin ang katarungan.
Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
    at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
    Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin,
    dahil alam nʼyo na akoʼy matuwid,
    at namumuhay nang wasto.
Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao,
    at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
    dahil kayo ay Dios na matuwid,
    at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10 Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin.
    Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasama.
12-13 Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
    ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
    Katulad nʼyo ay isang sundalong nakahanda na ang mga nakamamatay na sandata.
    Nahasa na niya ang kanyang espada,
    at nakaumang na ang palasong nagbabaga.

14 Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
    kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16 Pero sila mismo ang mapapahamak sa kanilang binabalak na panggugulo at karahasan.
    Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag para mahulog ang iba,
    pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.

17 Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, dahil matuwid kayo.
    Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Dios.

Ezekiel 33:7-20

“Ikaw, anak ng tao ay pinili kong maging bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya pakinggan mo ang sasabihin ko, at pagkatapos ay bigyang babala mo ang mga tao. Kapag sinabi ko sa taong masama na tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasalanan niya at hindi mo siya binigyan ng babala na dapat na niyang itigil ang masama niyang pamumuhay, papanagutin kita sa kamatayan niya. Pero kung binigyan mo ng babala ang taong masama na talikuran na niya ang masama niyang pamumuhay, ngunit hindi niya pinansin ang babala mo, mamamatay siya dahil sa kasalanan niya, pero wala kang pananagutan sa kamatayan niya.

10 “Anak ng tao, dumadaing ang mga mamamayan ng Israel na hindi na nila kaya ang parusa sa mga kasalanan nila. Nanghihina na at parang mamamatay na raw sila dahil sa parusang ito. 11 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi ako natutuwa kapag may namamatay na taong masama. Ang nais koʼy magbagong-buhay sila at iwan na ang masamang pamumuhay upang mabuhay sila. Kaya kayong mga mamamayan ng Israel, magbagong-buhay na kayo, iwan nʼyo na ang masamang pamumuhay. Gusto nʼyo bang mamatay?

12 “Kaya ngayon, anak ng tao, sabihin mo sa mga kababayan mo na kapag gumawa ng kasalanan ang taong matuwid, hindi rin siya maililigtas ng mga kabutihang nagawa niya. At kapag tumalikod naman ang masama sa kasamaan, hindi na siya parurusahan sa mga nagawa niyang kasalanan. 13 Kapag sinabi ko sa taong matuwid na tiyak na mabubuhay siya, pero naging kampante siyaʼt gumawa ng masama, at sasabihin niyang maililigtas siya ng mabubuting gawa niya noon. Mamamatay siya dahil sa kasalanan niya at hindi ko na aalalahanin ang mga ginawa niyang kabutihan. 14 At kapag sinabi ko sa masama na tiyak na mamamatay siya, pero sa bandang huliʼy tinalikuran niya ang kasamaan niyaʼt gumawa ng tama at matuwid – 15 tulad ng pagsasauli ng garantiya ng nanghiram sa kanya, o ng ninakaw niya, pagsunod sa mga tuntunin na nagbibigay-buhay, at pag-iwas sa masamang gawain – ang taong iyon ay tiyak na mabubuhay. Hindi siya mamamatay. 16 Hindi na aalalahanin ang mga ginawa niyang kasalanan noon. Dahil gumawa siya ng tama at matuwid, tiyak na mabubuhay siya.

17 “Pero ang iyong mga kababayan, Ezekiel, dumadaing na hindi raw tama ang pamamaraan ko, gayong ang pamamaraan nila ang hindi tama. 18 Kung tumigil na sa paggawa ng kabutihan ang taong matuwid at gumawa ng masama, mamamatay siya. 19 At kung ang taong masama ay tumalikod sa masama niyang gawa, at gumawa ng tama at matuwid, mabubuhay siya. 20 Ngunit sinasabi pa rin ng mga mamamayan ng Israel hindi tama ang pamamaraan ko. Hahatulan ko ang bawat isa sa kanila ayon sa mga gawa nila.”

Juan 5:19-40

Ang Kapangyarihan ng Anak ng Dios

19 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako na Anak ng Dios ay walang magagawa kung sa sarili ko lang, kundi ginagawa ko lang ang nakikita ko na ginagawa ng aking Ama. Kaya kung ano ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ko bilang Anak. 20 Minamahal ng Ama ang Anak, kaya ipinapakita niya sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga bagay na ito ang mga gawaing ipapakita niya sa akin na gagawin ko para mamangha kayo. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay ang mga ito, ganoon din naman, binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang gusto niyang bigyan nito. 22 Hindi ang Ama ang hahatol sa mga tao kundi ako na kanyang Anak, dahil ibinigay niya sa akin ang lahat ng kapangyarihang humatol, 23 upang parangalan ng lahat ang Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Kaya, ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya.

24 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumusunod sa aking mga salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan sapagkat inilipat na nga siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang panahon, at dumating na nga, na maririnig ng mga patay ang salita[a] ng Anak ng Dios, at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 May kapangyarihan ang Ama na magbigay ng buhay. Ganoon din naman, may kapangyarihan ako na kanyang Anak na magbigay ng buhay, dahil binigyan niya ako ng kapangyarihang ito. 27 Ibinigay din niya sa akin ang kapangyarihang humatol dahil ako ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong magtaka tungkol dito, dahil darating ang panahon na maririnig ng lahat ng patay ang aking salita, 29 at babangon sila mula sa kanilang libingan. Ang mga gumawa ng mabuti ay bibigyan ng buhay na walang hanggan, at ang mga gumawa ng masama ay parurusahan.”

Ang mga Nagpapatotoo kay Jesus

30 Sinabi pa ni Jesus, “Wala akong magagawa kung sa sarili ko lang. Humahatol nga ako, ngunit ang aking paghatol ay ayon lamang sa sinasabi ng aking Ama. Kaya makatarungan ang hatol ko dahil hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 31 Ngayon, kung ako lang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, magduda kayo sa sinasabi ko. 32 Ngunit may isang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong totoo ang kanyang sinasabi. 33 Maging si Juan na tagapagbautismo ay nagpatotoo tungkol sa akin, at sinabi niya sa inyo ang katotohanan nang magsugo kayo ng ilang tao upang tanungin siya. 34 Binanggit ko ang tungkol kay Juan, hindi dahil sa kailangan ko ang patotoo ng isang tao, kundi upang sumampalataya kayo sa akin at maligtas. 35 Si Juan ay tulad ng isang ilaw na nagliliwanag, at lubos kayong nasiyahan sa liwanag niya sa inyo kahit saglit lang. 36 Ngunit may nagpapatotoo pa tungkol sa akin na higit pa kay Juan. Itoʼy walang iba kundi ang mga ipinapagawa sa akin ng Ama. Ito ang nagpapatunay na ang Ama ang nagsugo sa akin. 37 At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanman ay hindi nʼyo narinig ang tinig niya o nakita ang anyo niya. 38 At hindi nʼyo tinanggap ang kanyang salita dahil hindi kayo sumasampalataya sa akin na kanyang sugo. 39 Sinasaliksik nʼyo ang Kasulatan sa pag-aakala na sa pamamagitan nitoʼy magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang Kasulatan mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin, 40 pero ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®