Revised Common Lectionary (Complementary)
Palaging Tama ang Ginagawa ng Dios
7 Panginoon kong Dios, nanganganlong ako sa inyo.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
2 Baka patayin nila ako,
katulad ng pagluray ng leon sa kanyang mga biktima,
kung walang magliligtas sa akin.
3 Panginoon kong Dios, kung talagang ginawa ko ang mga kasalanang ito –
4 kung ginantihan ko nga ng masama ang ginawang mabuti ng aking kaibigan,
o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
5 hayaan nʼyong usigin ako ng aking mga kaaway at talunin.
Hayaan nʼyong tapakan nila ako hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.
6 Sige na po, O Panginoon kong Dios,
ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway,
dahil nais nʼyo rin ang katarungan.
7 Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
8 Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin,
dahil alam nʼyo na akoʼy matuwid,
at namumuhay nang wasto.
9 Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao,
at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
dahil kayo ay Dios na matuwid,
at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10 Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin.
Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasama.
12-13 Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
Katulad nʼyo ay isang sundalong nakahanda na ang mga nakamamatay na sandata.
Nahasa na niya ang kanyang espada,
at nakaumang na ang palasong nagbabaga.
14 Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16 Pero sila mismo ang mapapahamak sa kanilang binabalak na panggugulo at karahasan.
Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag para mahulog ang iba,
pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.
17 Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, dahil matuwid kayo.
Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Dios.
Naging Reyna si Ester
2 Nang mawala na ang galit ni Haring Ahasuerus, naalala niya si Vasti at ang ginawa nito, at ang kautusan na nilagdaan niya laban dito. 2 Sinabi ng mga pinunong naglilingkod sa kanya, “Mahal na Hari, bakit po hindi kayo maghanap ng magagandang dalagang birhen? 3 Pumili po kayo ng mga pinuno sa bawat probinsyang nasasakupan ng kaharian ninyo para maghanap ng magagandang dalagang birhen at dalhin dito sa lungsod ng Susa, sa tahanan ng mga kababaihan. Ipaasikaso ninyo sila kay Hegai na isa sa mga pinuno ninyong mataas ang katungkulan, na nangangalaga sa tahanan ng mga kababaihan. Siya na po ang bahalang magbigay sa mga dalaga ng mga pangangailangan nila para sa pagpapaganda. 4 At ang dalaga pong magugustuhan ninyo ang siyang ipapalit ninyo kay Vasti bilang reyna.” Nagustuhan ng hari ang payong ito kaya sinunod niya.
5 Nang panahong iyon, may isang Judio na nakatira sa lungsod ng Susa. Ang pangalan niyaʼy Mordecai na anak ni Jair, na apo ni Shimei na anak ni Kish, na kabilang sa lahi ni Benjamin. 6 Isa siya sa mga bihag ni Haring Nebucadnezar na dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jehoyakin[a] ng Juda. 7 Si Mordecai ay may pinsang dalaga. Nang itoʼy maulila, inalagaan niya ito, pinalaki at itinuring na parang sarili niyang anak. Ang pangalan niya ay Hadasa na tinatawag ding Ester. Maganda si Ester at maganda rin ang hugis ng katawan nito.
8 Nang maihayag ang utos ng hari, maraming dalaga ang dinala sa palasyo ng hari roon sa Susa. Ang isa sa kanila ay si Ester. Ipinaasikaso sila kay Hegai dahil ito nga ang nangangasiwa sa mga babaeng dinadala roon. 9 Tuwang-tuwa si Hegai kay Ester, kaya mabuti ang pakikitungo niya rito. Binigyan niya agad ng pagkain si Ester at ng mga kailangan nito sa pagpapaganda. Ipinili niya ito ng pinakamagandang kwarto at binigyan ng pitong katulong na babae.
10 Hindi sinabi ni Ester na isa siyang Judio, dahil pinagbilinan siya ni Mordecai na huwag itong sasabihin. 11 Araw-araw namang dumaraan si Mordecai malapit sa bakuran ng bahay na tinitirhan ng mga dalaga para malaman ang kalagayan ni Ester (at kung ano na ang mga nangyayari sa kanya).
12 Bago humarap ang isang babae sa hari, kinakailangang matapos niya ang isang taon ng pagpapaganda. Sa unang anim na buwan, magpapahid siya ng langis ng mira sa katawan, at sa susunod na anim na buwan, magpapahid naman ng mga pabango at iba pang pampaganda. 13 At bago siya pumunta sa hari, bibigyan siya ng anumang damit at alahas na gusto niyang isuot para sa pagharap sa hari. 14 Pupunta siya sa hari pagsapit ng gabi at kinabukasan, dadalhin siya sa tirahan ng mga asawa ng hari na pinamamahalaan ni Shaasgaz na isa sa mga pinunong mataas ang katungkulan. Siya ang namamahala sa mga asawa ng hari. Walang sinuman sa kanila ang makakabalik sa hari maliban lang kung magustuhan siya at ipatawag ng hari.
15-16 Nang ikasampung buwan, buwan ng Tibet, at ikapitong taon ng paghahari ni Ahasuerus, dumating ang araw na si Ester[b] na ang haharap sa hari sa palasyo. Sinunod ni Ester ang payo ni Hegai, ang pinunong nangangalaga sa kanila sa tahanan ng mga babae. Isinuot niya ang damit na sinabi ni Hegai na isuot niya. Ganoon na lang ang paghanga at pagpuri ng mga nakakita sa kanya, at dinala siya sa palasyo ng hari.
17 Nagustuhan ng hari si Ester ng higit kaysa sa ibang mga dalaga na dinala sa kanya. Tuwang-tuwa siya kay Ester, at mabuti ang trato niya sa kanya. Kinoronahan niya ito at ginawang reyna bilang kapalit ni Vasti. 18 Nagdaos ang hari ng malaking handaan para parangalan si Ester. Inanyayahan niya ang lahat ng pinuno niya at ang iba pang naglilingkod sa kanya. Nang araw na iyon, ipinag-utos niya sa lahat at sa buong kaharian na magdiwang ng isang pista opisyal, at nagbigay siya ng maraming regalo sa mga tao.
8 Alalahanin mo ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, na nabuhay mula sa mga patay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang ipinapangaral ko 9 na siyang dahilan ng paghihirap ko hanggang sa ikadena ako na parang isang kriminal. Pero hindi nakakadenahan ang salita ng Dios. 10 Dahil dito, tinitiis ko ang lahat ng paghihirap alang-alang sa mga pinili ng Dios, para makamtan din nila ang kaligtasang nakay Cristo Jesus at ang buhay na walang hanggan. 11 Totoo ang kasabihang,
“Kung namatay tayong kasama niya,
mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung magtitiis tayo,
maghahari rin tayong kasama niya.
Kung itatakwil natin siya,
itatakwil din niya tayo.
13 Kung hindi man tayo tapat,
mananatili siyang tapat,
dahil hindi niya maikakaila ang kanyang sarili.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®