Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 95:1-7

Awit ng Pagpupuri sa Dios

95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
    Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
    at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
    Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
Dahil siya ang ating Dios
    at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
    Kapag narinig ninyo ang tinig niya,

Isaias 44:21-28

21 Sinabi pa ng Panginoon, “Israel, dahil sa ikaw ay aking lingkod, isipin mo ito: Ginawa kita para maglingkod sa akin. Hindi kita kalilimutan. 22 Ang mga kasalanan moʼy parang ulap o ambon na pinaglaho ko na. Manumbalik ka sa akin para mailigtas kita.”

23 O kalangitan, umawit ka sa tuwa! O mundo, sumigaw ka nang malakas! Umawit kayo, kayong mga bundok at mga kagubatan. Sapagkat Ililigtas ng Panginoon ang lahi ni Jacob; ipapakita niya ang kanyang kapangyarihan sa Israel. 24 Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas na lumikha sa inyo: Ako ang Panginoong lumikha ng lahat ng bagay. Ako lang mag-isa ang naglatag ng langit at ako lang din ang lumikha ng mundo. 25 Binigo ko ang mga hula ng mga huwad na propeta. At ginagawa kong mangmang ang mga nanghuhula. Binabaliktad ko ang sinasabi ng marurunong at ginagawa kong walang kabuluhan ang kanilang nalalaman. 26 Pero tinutupad ko ang propesiya ng aking mga lingkod at mga tagapagsalita. Sinabi kong ang Jerusalem ay muling titirhan, at ang iba pang bayan ng Juda na nagiba ay muling itatayo. 27 Kapag sinabi kong matutuyo ang ilog, matutuyo nga ito. 28 Sinabi ko kay Cyrus, “Ikaw ang tagapagbantay ng aking mga mamamayan at gagawin mo ang lahat ng nais ko. Mag-uutos ka na muling itayo ang Jerusalem at ang templo roon.”

Mateo 12:46-50

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(A)

46 Habang nagsasalita pa si Jesus sa mga tao, dumating ang ina niya at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at gusto nila siyang makausap. 47 May nagsabi sa kanya, “Nasa labas ang po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makausap.” 48 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama sa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®