Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 9:1-14

Ang Makatarungang Paghatol ng Dios

Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
    Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.
Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Kapag nagpapakita kayo sa aking mga kaaway, natatakot sila:
    tumatakas sila, nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom.
    Noong hinatulan nʼyo ako, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasama,
    kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
    sila ay lubusang nawasak.
    Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
    at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman.
    At handa na ang inyong trono para sa paghatol.
Hinahatulan nʼyo nang matuwid ang mga tao sa bawat bansa,
    at wala kayong kinikilingan.
Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
    at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
    dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.

11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
    Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
    pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.

13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
    Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
    at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.

Job 16:1-21

Sumagot si Job

16 Sumagot si Job, “Napakinggan ko na iyan noon pa. Sa halip na aliwin ninyo ako, lalo nʼyo pang pinabigat ang paghihirap ko. Hindi na ba kayo titigil sa pagsasalita ng walang kabuluhan? Ano bang gumugulo sa isipan nʼyo at wala kayong tigil sa pakikipagtalo sa akin? Kung kayo ang nasa kalagayan ko, masasabi ko rin ang katulad ng mga sinasabi ninyo sa akin. Pagsasabihan ko kayo at kukutyain pa. Pero hindi ko gagawin iyon. Sa halip, magsasalita ako ng mga salitang makapagpapalakas at makapagpapaaliw sa inyo. Ngunit sa ngayon, patuloy pa rin ang paghihirap ko kahit ano pa ang sabihin ko. At kung tumahimik man ako, hindi rin ito mawawala.

O Dios, pinanghina nʼyo ako at winasak ang buong sambahayan ko. Pinapayat nʼyo ako; butoʼt balat na lang ako, at ayon sa iba ito ang katunayan na akoʼy nagkasala. Sa galit nʼyo, O Dios, sinalakay nʼyo ako. Para kayong mabangis na hayop na lumuray ng aking laman. Nagngangalit ang inyong ngipin at tinititigan nʼyo ako na parang akoʼy inyong kaaway.

10 “Kinukutya ako at pinagtatawanan ng mga tao. Sinasampal para hiyain. Nagkaisa sila laban sa akin. 11 Ipinaubaya ako ng Dios sa kamay ng taong masasama at makasalanan. 12 Maganda ang kalagayan ko noon, pero sinira niya ako. Hinawakan niya ako sa leeg, inilugmok, at ginawa niya akong puntiryahan. 13 Pinalibutan ako ng mga tagapana niya at walang awang pinagpapana. Tinamaan ang aking bato, at ang apdo koʼy bumulwak sa lupa. 14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan. Sinasalakay niya akong parang mandirigma. 15 Nagdamit ako ng sako at naupo sa lupa para magluksa. 16 Namumula na ang mukha ko at namumugto na ang mga mata sa kakaiyak. 17 Wala akong nagawang kasalanan at tapat ang aking panalangin.

18 “Ang katulad koʼy isang taong pinatay na nakikiusap sa lupa na huwag tatabunan ang kanyang dugo hanggaʼt hindi niya nakakamtan ang katarungan. 19 Kahit ngayon ang saksi[a] koʼy nasa langit. Siya ang magpapatunay na wala akong kasalanan. 20 Hinahamak ako ng mga kaibigan ko; pero umiiyak ako sa Dios at humihingi ng tulong sa kanya. 21 Ang saksi ko ang siyang magmamakaawa sa Dios para sa akin, katulad ng taong nakikiusap para sa kanyang kaibigan.

Mateo 24:45-51

Ang Tapat at ang Hindi Tapat na Utusan(A)

45 “Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinamamahala ng kanyang amo sa mga kapwa niya alipin. Siya ang nagbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 46 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na gumagawa ng kanyang tungkulin. 47 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kawawa ang masamang alipin na nag-aakalang matatagalan pa ang pagbabalik ng kanyang amo, 49 kaya habang wala ang kanyang amo ay pagmamalupitan niya ang ibang mga utusan, makikisalo at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Darating ang kanyang amo sa araw o oras na hindi niya inaasahan, 51 at parurusahan siya nang matindi. Isasama siya sa mga mapagkunwari, at doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”[a]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®