Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Dios at ang Tao
90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
2 Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
3 Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
4 Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
5 Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
6 o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
7 Dahil sa inyong galit kami ay natutupok.
Sa tindi ng inyong poot kami ay natatakot.
8 Nakikita nʼyo ang aming mga kasalanan,
kahit na ang mga kasalanang lihim naming ginawa ay alam ninyo.
9 Totoong sa galit nʼyo kami ay mamamatay;
matatapos ang aming buhay sa isang buntong hininga lang.
10 Ang buhay namin ay hanggang 70 taon lang, o kung malakas pa ay aabot ng 80 taon.
Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
Talagang hindi magtatagal ang buhay namin at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa ng inyong matinding galit.
Matindi nga kayong magalit, kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
Ang mga Ipinapasabi Laban sa mga Bundok ng Israel
6 Sinabi ng Panginoon sa akin, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel at sabihin mo ito sa kanila: 3 O mga bundok ng Israel, mga burol, mga lambak, at mga kapatagan, dinggin ninyo ang sinasabi ng Panginoong Dios: Padadalhan ko kayo ng digmaan at gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar.[a] 4 Gigibain ko ang mga altar ninyo pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso at papatayin ko ang mamamayan ninyo sa harap ng inyong mga dios-diosan. 5 Ikakalat ko ang mga bangkay ninyong mga Israelita sa harap ng inyong mga dios-diosan at ikakalat ko rin ang mga buto ninyo sa palibot ng inyong mga altar. 6 Ang bawat bayan ninyo sa Israel ay wawasakin para masira ang mga sambahan ninyo sa matataas na lugar, mga dios-diosan at mga altar pati na ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso at ang iba pang ginawa ninyo. 7 Mamamatay ang inyong mga mamamayan at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
8 “Pero may ititira ako sa inyo mula sa digmaan. Makakatakas ang iba at mangangalat sa ibang bansa 9 bilang mga bihag. Doon nila ako maaalala at maiisip na nila kung paano ako nagdamdam nang magtaksil sila sa akin at higit nilang pinahalagahan ang mga dios-diosan. Masusuklam sila sa sarili nila dahil sa masama at kasuklam-suklam nilang ginawa. 10 At malalaman nilang ako ang Panginoon, at totoo ang babala na ipinasabi ko na gagawin ko sa kanila.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoong Dios, “Pumalakpak ka at pumadyak at sabihin mo, ‘Mabuti nga sa mga mamamayan ng Israel, dahil sa lahat ng masasama at kasuklam-suklam nilang ginawa. Ito ang dahilan kung bakit mamamatay sila sa digmaan, gutom at sakit. 12 Ang mga nasa malayo ay mamamatay sa sakit. Ang nasa malapit ay mamamatay sa digmaan. At ang natitira ay mamamatay sa gutom. Sa ganitong paraan, madadama nila ang galit ko sa kanila. 13 At malalaman nilang ako ang Panginoon kapag ang bangkay ng mga kababayan nila ay kumalat kasama ng kanilang mga dios-diosan sa palibot ng kanilang mga altar, burol, tuktok ng bundok, malalaking punongkahoy at mayayabong na punong ensina sa lugar na pinaghahandugan nila ng insenso para sa lahat ng kanilang dios-diosan. 14 Parurusahan ko sila saan man sila tumira, at gagawin kong mapanglaw ang lupain nila mula sa disyerto sa timog hanggang sa Dibla sa hilaga, at malalaman nila na ako ang Panginoon.’ ”
Ang mga Sisidlan ng Galit ng Dios
16 Mula roon sa templo ay narinig ko ang malakas na sigaw na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ninyo ang parusa ng Dios sa mga tao mula sa pitong sisidlan na iyan.”
2 Kaya humayo ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng kanyang sisidlan. At nagkaroon ng masasakit at nakapandidiring mga sugat ang mga taong may tatak ng halimaw at sumasamba sa imahen nito.
3 Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa dagat, at ang dagat ay naging parang dugo ng patay na tao. At namatay ang lahat ng nilalang sa dagat.
4 Pagkatapos, ibinuhos ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo ang lahat ng mga ito. 5 Narinig kong sinabi ng anghel na katiwala sa tubig, “Makatarungan po kayo, Panginoon. Kayo ang Dios noon at kayo rin ang Dios magpahanggang ngayon. Banal kayo, at matuwid ang pagpaparusa ninyong ito sa mga tao. 6 Pinadanak nila ang dugo ng mga pinabanal at ng inyong mga propeta, kaya dugo rin ang ipaiinom nʼyo sa kanila. Ito ang nararapat na ganti sa kanila.” 7 At narinig ko na may sumagot sa altar, “Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat, tama at matuwid ang pagpaparusa nʼyo sa mga tao!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®