Revised Common Lectionary (Complementary)
Dalangin para Tulungan ng Dios
(Salmo 40:13-17)
70 Panginoong Dios,
iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
2 Mapahiya sana at malito ang mga nagnanais na mamatay ako.
Magsitakas sana na hiyang-hiya ang mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
3 Mapaatras sana sa kahihiyan ang mga kumukutya sa akin.
4 Ngunit labis sanang magalak sa inyo ang mga lumalapit sa inyo.
Ang lahat sana ng nagnanais ng inyong pagliligtas ay laging magsabi, “Dakila ka, o Dios!”
5 Ngunit ako, akoʼy dukha at nangangailangan.
O Dios, agad nʼyo po akong lapitan!
Kayo ang tumutulong sa akin at aking Tagapagligtas.
Panginoon, agad nʼyo po akong tulungan.
1 Ito ang mensahe ni Amos na isang pastol ng mga tupa na taga-Tekoa. Ang mensaheng ito ay tungkol sa Israel. Ipinahayag ito sa kanya ng Dios dalawang taon bago lumindol, noong panahon na si Uzia ang hari ng Juda at si Jeroboam na anak ni Joash ang hari ng Israel.
2 Sinabi ni Amos: “Umaatungal ang Panginoon mula sa Zion;[a] dumadagundong ang tinig niya mula sa Jerusalem. Dahil dito natutuyo ang mga pastulan ng mga pastol at nalalanta ang mga tanim sa tuktok ng Bundok ng Carmel.”
Ang Parusa sa Bansang Syria
3 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Syria: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Damascus,[b] parurusahan ko sila. Sapagkat pinagmalupitan nila ang mga taga-Gilead na parang giniik ng tabla na may mga ngiping bakal sa ilalim. 4 Kaya susunugin ko ang palasyo ni Haring Hazael at ang matitibay na bahagi ng Damascus na ipinagawa ng anak niyang si Haring Ben Hadad. 5 Wawasakin ko ang pintuan ng Damascus at papatayin ko ang pinuno ng Lambak ng Aven at ng Bet Eden.[c] Bibihagin at dadalhin sa Kir ang mga mamamayan ng Syria.[d] Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Parusa sa Bansang Filistia
6 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Filistia: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Gaza,[e] parurusahan ko sila. Sapagkat binihag nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan at ipinagbili bilang mga alipin sa Edom. 7 Kaya susunugin ko ang mga pader[f] ng Gaza at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito. 8 Lilipulin ko ang mga pinuno ng Ashdod at ng Ashkelon, at parurusahan ko ang mga taga-Ekron.[g] At ang mga Filisteong makakatakas sa parusa ay mamamatay din. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Parusa sa Bansang Tyre
9 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Tyre: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Tyre, parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbili nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan bilang mga alipin sa Edom. Hindi nila sinunod ang kanilang kasunduang pangkapatiran sa mga mamamayang ito. 10 Kaya susunugin ko ang mga pader ng Tyre at ang matitibay na bahagi ng lungsod nito.”
Ang Parusa sa Bansang Edom
11 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Edom: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Edom, parurusahan ko sila. Sapagkat tinugis nila ang kanilang mga kaanak na mga Israelita at walang awang pinatay. Hinding-hindi mawawala ang kanilang galit sa mga Israelita. 12 Kaya susunugin ko ang Teman at ang matitibay na bahagi ng Bozra.”[h]
Ang Parusa sa Bansang Ammon
13 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Ammon: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Ammon, parurusahan ko sila. Sapagkat nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead nang salakayin nila ito, upang mapalawak ang kanilang lupain. 14 Kaya susunugin ko ang mga pader ng Rabba[i] at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito habang nagsisigawan ang mga kaaway na sumasalakay sa kanila, na parang umuugong na bagyo. 15 At bibihagin ang hari ng Ammon gayon din ang kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Parusa sa Bansang Moab
2 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Moab: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Moab, parurusahan ko sila. Sapagkat sinunog nila ang mga buto ng hari ng Edom hanggang sa maging abo ito. 2 Kaya susunugin ko ang Moab pati na ang matitibay na bahagi ng Keriot.[j] Mamamatay ang mga taga-Moab habang nagsisigawan at nagpapatunog ng mga trumpeta ang kanilang mga kaaway na sumasalakay sa kanila. 3 Mamamatay pati ang kanilang hari at ang lahat ng kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Parusa sa Bansang Juda
4 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Juda: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Juda, parurusahan ko sila. Sapagkat itinakwil nila ang aking mga kautusan at hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Iniligaw sila ng paglilingkod nila sa mga dios-diosan na pinaglingkuran din ng kanilang mga ninuno. 5 Kaya susunugin ko ang Juda pati na ang matitibay na bahagi ng Jerusalem.”
Ang mga Trumpeta
6 Nakahanda na ang pitong anghel upang patunugin ang kanilang trumpeta. 7 Nang patunugin ng unang anghel ang kanyang trumpeta, umulan ng yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga kahoy at ang lahat ng damo.
8 Nang patunugin ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta, bumagsak sa dagat ang parang malaking bundok na nagliliyab. At naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat. 9 Namatay ang ikatlong bahagi ng mga nabubuhay sa dagat, at nawasak ang ikatlong bahagi ng bilang ng mga sasakyang pandagat.
10 Nang patunugin ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta, nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo at tumama sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. 11 Ang pangalan ng bituin ay “Mapait.” Kaya pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay nang makainom ng tubig na iyon.
12 Nang patunugin ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta, napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya nabawasan ang mga liwanag nito. Nawala ang ikatlong bahagi ng liwanag sa araw at sa gabi.
13 Pagkatapos, nakita ko ang isang agila na lumilipad sa himpapawid at sumisigaw nang malakas, “Nakakaawa! Kawawang-kawawa ang mga nakatira sa lupa kapag pinatunog na ng tatlo pang anghel ang mga trumpeta nila.”
9 Nang patunugin ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta, nakita ko ang isang bituin mula sa langit na nahulog sa lupa. At ibinigay sa kanya ang susi sa pintuan ng kailaliman.[a] 2 At nang buksan niya ito, lumabas ang makapal na usok na parang galing sa malaking hurno. Kaya dumilim ang mundo dahil natakpan ng usok ang araw. 3 At mula sa usok, naglabasan ang mga balang at kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang manakit tulad ng alakdan. 4 Ngunit pinagbawalan silang maminsala ng mga damo o anumang halaman at puno, kundi ng mga tao lang na walang tatak ng Dios sa kanilang noo. 5 Pinagbawalan din silang patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lang sa loob ng limang buwan. Ang hapdi ng kagat nila ay katulad ng kagat ng alakdan. 6 Kaya sa loob ng limang buwan, mas gugustuhin pa ng mga tao na mamatay, ngunit hindi ito mangyayari kahit gustuhin man nila.
7 Ang mga balang ay parang mga kabayong nakahanda sa digmaan. May nakapatong sa mga ulo nila na parang koronang ginto. Ang mga mukha nila ay parang mukha ng tao. 8 Mahaba ang buhok nila tulad ng sa mga babae, at ang ngipin nila ay parang ngipin ng leon. 9 Ang dibdib nila ay natatakpan ng parang pananggalang na bakal at ang tunog ng pakpak nila ay parang ingay ng mga karwaheng hinihila ng mga kabayo na sumusugod sa labanan. 10 Ang buntot nilang tulad ng sa alakdan ay may kapangyarihang manakit sa mga tao sa loob ng limang buwan. 11 May haring namumuno sa kanila – ang anghel na nagbukas ng pintuan sa kailaliman. Ang pangalan niya sa wikang Hebreo ay Abadon, at Apolyon[b] naman sa wikang Griego.
12 Tapos na ang unang nakakatakot na pangyayari ngunit may dalawa pang darating.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®