Revised Common Lectionary (Complementary)
Pinili ng Dios si Cyrus
45 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Cyrus na kanyang hinirang at pinalakas ang kapangyarihan, “Sakupin mo ang mga bansa at pasukuin mo ang mga hari. Buksan mo ang mga pintuan ng kanilang mga lungsod at agawin, at hindi na ito isasara. 2 Ako ang maghahanda ng iyong dadaanan, at papatagin ko ang mga bundok. Gigibain ko ang mga pintuang tanso at ang mga tarangkahang bakal nito. 3 Ibibigay ko sa iyo ang mga nakatagong kayamanan, para malaman mong ako ang Panginoon, ang Dios ng Israel na tumawag sa iyo. 4 Tinawag kita para tulungan mo ang Israel na aking lingkod at pinili. Pinarangalan kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala. 5 Ako ang Panginoon, at wala nang iba pa; maliban sa akin ay wala nang ibang Dios. Palalakasin kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala 6 para malaman ng lahat sa buong mundo na walang ibang Dios maliban sa akin. Ako ang Panginoon at wala nang iba pa. 7 Ako ang lumikha ng liwanag at ng dilim. Ako ang nagpapadala ng kabutihan at ng kapahamakan. Ako ang Panginoon na gumawa ng lahat ng ito.
Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)
96 Kayong mga tao sa buong mundo,
umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
2 Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
3 Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
4 Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
5 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
6 Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
7 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
9 Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.
1 Mula kay Pablo, kasama sina Silas at Timoteo.
Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] diyan sa Tesalonica na nasa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:
Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.
2 Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyong lahat, at lagi namin kayong binabanggit sa mga panalangin namin. 3 Nagpapasalamat kami kapag inaalaala namin ang mabubuti ninyong gawa na bunga ng inyong pananampalataya. Inaalaala rin namin ang pagsisikap na bunga ng pag-ibig ninyo, at ang katatagan na bunga ng matibay ninyong pag-asa sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ginagawa nʼyo ang lahat ng ito sa paningin ng Dios na ating Ama. 4 Mga kapatid na minamahal ng Dios, nagpapasalamat din kami dahil alam naming pinili niya kayo para sa kanya, 5 dahil tinanggap nʼyo ang Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo. Dumating ito sa inyo hindi lang sa salita kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at may katiyakan na totoo ang ipinangaral namin sa inyo. Alam ninyo kung paano kami namuhay noong nasa inyo kami – ginawa namin ito para sa kabutihan ninyo. 6 Tinularan nʼyo ang pamumuhay namin at ng Panginoon, dahil tinanggap nʼyo ang salita ng Dios kahit dumanas kayo ng hirap. Ganoon pa man, tinanggap nʼyo ito nang may kagalakan na galing sa Banal na Espiritu. 7 Dahil dito, naging halimbawa kayo sa lahat ng mga mananampalatayang nasa Macedonia at Acaya. 8 Sapagkat mula sa inyo, lumaganap ang mensahe ng Panginoon. Hindi lang sa Macedonia at Acaya nabalitaan ang pananampalataya nʼyo sa Dios, kundi sa lahat ng lugar. Kaya hindi na namin kailangang banggitin pa sa mga tao ang tungkol sa pananampalataya ninyo. 9 Sapagkat sila mismo ang nagbabalita kung paano nʼyo kami tinanggap, at kung paano nʼyo tinalikuran ang pagsamba sa mga dios-diosan para maglingkod sa tunay at buhay na Dios. 10 At sila na rin ang nagsasabi tungkol sa paghihintay nʼyo sa pagbabalik ng Anak ng Dios mula sa langit, na walang iba kundi si Jesus na muli niyang binuhay. Siya ang magliligtas sa atin sa darating na kaparusahan.
Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(A)
15 Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang mga pananalita. 16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga tauhan ni Herodes. Sinabi ng mga ito, “Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios. Wala kayong pinapaboran, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao. 17 Ano sa palagay nʼyo? Tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma[a] o hindi?” 18 Pero alam ni Jesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, “Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? 19 Patingin nga ng perang ipinambabayad ng buwis.” Iniabot nila sa kanya ang pera.[b] 20 Tinanong sila ni Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” 21 Sumagot sila, “Sa Emperador.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” 22 Namangha sila nang marinig ang sagot ni Jesus, kaya iniwan nila siya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®