Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)
96 Kayong mga tao sa buong mundo,
umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
2 Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
3 Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
4 Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
5 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
6 Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
7 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
9 Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.
Mamamatay ang Hari ng Babilonia
3 Mga Israelita, sa araw na pagpapahingahin kayo ng Panginoon sa inyong mga paghihirap, pagtitiis at pagkaalipin, 4 kukutyain ninyo ng ganito ang hari ng Babilonia:
“Bumagsak na ang mapang-aping hari. Tapos na ang kanyang pagpapahirap. 5 Winakasan na ng Panginoon ang kapangyarihan ng masasamang pinuno, 6 na sa galit nilaʼy walang tigil ang pagpapahirap nila sa mga tao, at matindi kung umusig ng mga bansa. 7 Sa wakas ay magiging payapa na rin ang buong mundo. At mag-aawitan ang mga tao sa tuwa. 8 Magagalak pati ang mga puno ng sipres[a] at sedro sa Lebanon dahil sa nangyari sa hari. Para silang tao na nagsasabi, ‘Ngayong wala ka na, wala nang puputol sa amin.’
9 “Nagkakagulo ang mga patay sa iyong pagdating at handang-handa na silang salubungin ka. Ang kaluluwa ng mga dating makapangyarihan sa mundo ay nagkakagulo sa pagbati sa iyo. Tumatayo sa kanilang mga trono ang kaluluwa ng mga hari para salubungin ka. 10 Sasabihin nilang lahat sa iyo, ‘Humina ka na rin pala katulad namin. Pare-pareho na tayo. 11 Ngayong patay ka na, wala ka nang kapangyarihan, at wala na rin ang mga tugtugan ng mga alpa para parangalan ka. Uod na ang higaan at ang kumot mo.’
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)
14 Nang panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang tungkol kay Jesus. 2 Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Siyaʼy si Juan na tagapagbautismo! Muli siyang nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”
3 Ipinahuli niya noon si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 4 Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tamang magsama sila ni Herodias. 5 Gusto sanang ipapatay ni Herodes si Juan pero natakot siya sa mga Judio dahil itinuturing nilang propeta si Juan.
6 Nang dumating ang kaarawan ni Herodes, sumayaw para sa mga bisita ang dalagang anak ni Herodias na ikinatuwa naman ni Herodes. 7 Kaya isinumpa niyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito.
8 Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga, “Gusto ko pong ibigay nʼyo sa akin ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang bandehado.” 9 Nalungkot ang hari sa kahilingang iyon. Pero dahil sa pangako niyang narinig mismo ng mga bisita, iniutos niya na gawin ang kahilingan ng dalaga. 10 Kaya pinugutan ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan, 11 inilagay ang ulo niya sa isang bandehado at dinala sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 12 Ang bangkay ni Juan ay kinuha ng kanyang mga tagasunod at inilibing, at ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®