Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 96:1-9

Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)

96 Kayong mga tao sa buong mundo,
    umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
    Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
    Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
    Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
    at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
Purihin ninyo ang Panginoon,
    kayong lahat ng tao sa mundo.
    Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
    Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
    Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.

Salmo 96:10-13

10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
    Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
    Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
    pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
    Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
    Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.

Deuteronomio 17:14-20

Ang mga Hari

14 “Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios at maangkin na ninyo iyon at doon na kayo manirahan, sasabihin ninyo, ‘Pumili tayo ng hari na mamumuno sa atin katulad ng mga bansa sa palibot natin.’ 15 Siguraduhin ninyo na ang pipiliin ninyong hari ay ang pinili rin ng Panginoon na inyong Dios, at kailangang katulad ninyo siyang Israelita. Huwag kayong pipili ng dayuhan. 16 Hindi dapat mag-ipon ng maraming kabayo ang hari ninyo, at hindi niya dapat pabalikin sa Egipto ang mga tauhan niya para bumili ng mga kabayo, dahil sinabi ng Panginoong Dios sa inyo na huwag na kayong babalik doon. 17 Hindi siya dapat magkaroon ng maraming asawa dahil baka tumalikod siya sa Panginoon. At hindi dapat siya nagmamay-ari ng maraming pilak at ginto.

18 “Kung uupo na siya sa trono bilang hari, kailangan niyang kopyahin ang mga kautusang ito para sa kanyang sarili sa harapan ng mga pari na mga Levita. 19 Dapat niya itong ingatan at laging basahin sa buong buhay niya para matuto siyang gumalang sa Panginoon na kanyang Dios, at masunod niya nang mabuti ang lahat ng sinasabi ng mga kautusan at mga tuntunin. 20 Sa pamamagitan din ng laging pagbabasa nito, makakaiwas siya sa pagyayabang sa kapwa niya Israelita, at makakaiwas siya sa pagsuway sa mga utos ng Panginoon. Kung susundin niyang lahat ito, maghahari siya at ang kanyang angkan nang matagal sa Israel.

1 Pedro 5:1-5

Mga Bilin sa mga Namumuno sa Iglesya at sa mga Kabataan

Sa mga namumuno sa iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring namumuno sa iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating. Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang[a] kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila. At pagdating ni Cristo na siyang Pangulong Tagapag-alaga, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.

At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Kinamumuhian ng Dios ang mga mapagmataas, ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”[b]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®