Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kabutihan ng Dios
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
2 Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
3 Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
4 Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
5 Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
6 Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
at ipinagtatanggol niya sila.
8 Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon.
Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
9 Kayong mga hinirang ng Panginoon,
matakot kayo sa kanya,
dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.
19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.
Babae
10 Ako ay sa kanya lang, at ako lamang ang kanyang inaasam. 11 Halika mahal ko, pumunta tayo sa bukid at doon magpalipas ng gabi, sa tabi ng mga bulaklak ng henna.[a] 12 Maaga tayong gumising at ating tingnan kung namulaklak at namunga na ang ubasan. Tingnan din natin kung namumukadkad na ang mga pomegranata. At doon, ipadarama ko sa iyo ang aking pagmamahal. 13 Maaamoy mo ang bango ng mandragora, at malapit sa ating pintuan ay may mga piling hain na prutas, luma at bago. Sapagkat ang mga itoʼy sadyang inihanda ko para sa iyo, aking mahal.
8 Kung naging kapatid lamang sana kita, na pinasuso ng aking ina, hahalikan kita saanman tayo magkita, at hindi nila ako pag-iisipan ng masama. 2 Dadalhin kita sa bahay ng aking ina, at doon ay tuturuan mo ako ng tungkol sa pag-ibig. Paiinumin kita ng mabangong alak na mula sa katas ng aking mga pomegranata. 3 Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa mong bisig at ang kanang kamay mo naman ay nakayakap sa akin.
4 Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo na hindi ninyo hahayaan na ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.
Ang Pagkaing Nagbibigay-buhay
25 Pagdating ng mga tao sa Capernaum, nakita nila si Jesus at tinanong, “Guro, kailan pa po kayo dumating dito?” 26 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang totoo, hinahanap nʼyo ako, hindi dahil sa mga nakita ninyong himala, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ako na Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil ako ang binigyan ng Ama ng kapangyarihang magbigay nito.” 28 Kaya tinanong ng mga tao si Jesus, “Ano po ang dapat naming gawin upang masunod namin ang ipinapagawa ng Dios?” 29 Sumagot si Jesus, “Ito ang ipinapagawa ng Dios sa inyo: manampalataya kayo sa akin na isinugo niya.” 30 Nagtanong ang mga tao, “Anong himala po ang maipapakita nʼyo para manampalataya kami sa inyo? 31 Ang ating mga ninuno ay kumain ng ‘manna’ noong nasa ilang sila. Sapagkat ayon sa Kasulatan, binigyan sila ni Moises ng tinapay na mula sa langit.”[a] 32 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi si Moises ang nagbigay sa mga ninuno ninyo ng tinapay na mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na ibinibigay ng Dios ay walang iba kundi siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa mga tao sa mundo.” 34 Sinabi ng mga tao, “Palagi nʼyo po kaming bigyan ng sinasabi nʼyong tinapay.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang sinumang lumalapit at sumasampalataya sa akin ay hindi na magugutom o mauuhaw kailanman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®