Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 34

Ang Kabutihan ng Dios

34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
    Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
    maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
    at itaas natin ang kanyang pangalan.
Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
    Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
    at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
    Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
    at ipinagtatanggol niya sila.

Subukan ninyo at inyong makikita,
    kung gaano kabuti ang Panginoon.
    Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
Kayong mga hinirang ng Panginoon,
    matakot kayo sa kanya,
    dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
    ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
    Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
    Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
    at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
    Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
    at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
    at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.

19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
    ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
    at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
    At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
    at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.

Exodus 19:7-20

Kaya bumaba si Moises mula sa bundok at ipinatawag niya ang mga tagapamahala ng Israel at sinabi sa kanila ang sinabi ng Panginoon. At sabay-sabay na sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng makapal na ulap para marinig ng mga tao ang pakikipag-usap ko sa iyo, at nang lagi silang magtiwala sa iyo.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.

10 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga tao at sabihin sa kanilang linisin ang sarili nila[a] ngayon at bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit. 11 Siguraduhing handa sila sa ikatlong araw, dahil sa araw na iyon, ako, ang Panginoon ay bababa sa Bundok ng Sinai na kitang-kita ng mga tao. 12 Maglagay ka ng tanda sa paligid ng bundok kung hanggang saan lamang tatayo ang mga tao. Sabihin mo sa kanila na huwag silang aakyat o lalapit sa bundok. Ang sinumang lalapit sa bundok ay papatayin, 13 tao man o hayop. Kung gagawin niya ito, babatuhin siya o kaya naman ay papanain; walang kamay na hihipo sa kanya. Makakaakyat lang ang mga tao sa bundok kapag pinatunog na nang matagal ang tambuli.”

14 Bumaba si Moises sa bundok at inutusan niya silang linisin ang mga sarili nila. At nilabhan ng mga tao ang kanilang mga damit. 15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Ihanda ninyo ang mga sarili ninyo para sa ikatlong araw; huwag muna kayong makipagtalik sa inyong asawa.”

16 Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo. 17 Pagkatapos, dinala ni Moises sa labas ng kampo ang mga tao para makipagkita sa Dios, at tumayo sila sa paanan ng bundok. 18 Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok,[b] 19 at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kulog.[c]

20 Bumaba ang Panginoon sa ibabaw ng Bundok ng Sinai, at tinawag niya si Moises na umakyat sa ibabaw ng bundok. Kaya umakyat si Moises,

Judas 17-25

Mga Payo at Babala

17 Ngunit lagi ninyong tandaan, mga minamahal, ang sinabi ng mga apostol ni Jesu-Cristo na ating Panginoon. 18 Sinabi nila, “Sa mga huling araw, darating ang mga taong mapanlait na ang tanging sinusunod ay ang masasama nilang hangarin.” 19 Sila ang mga taong gumagawa ng paraan upang masira ang pagkakaisa ninyo. Makamundo sila, at wala sa kanila ang Banal na Espiritu. 20 Ngunit mga minamahal, magpakatatag kayo sa inyong banal na pananampalataya. Lagi kayong manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Dios, habang hinihintay ninyo ang buhay na walang hanggan na ibibigay ng ating Panginoong Jesu-Cristo dahil sa awa niya sa atin. 22 Maawa kayo sa mga nag-aalinlangan. 23 Tulungan ninyo ang iba na maligtas sa kaparusahan, na para bang nagliligtas kayo ng isang bagay na masusunog na. Maawa kayo kahit sa mga taong napakasama, pero mag-ingat kayo sa masasama nilang gawa. Kasuklaman ninyo kahit na ang damit nilang nadumihan ng kasamaan nila.

Papuri at Pasasalamat sa Dios

24 At ngayon, purihin natin ang Dios – siya na makakapag-ingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagdala sa inyo sa kanyang harapan nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan. 25 Siya lang ang Dios at ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapurihan, karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, mula pa noong una, hanggang ngayon, at magpakailanman. Amen.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®