Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 25:1-9

Purihin ang Dios

25 Panginoon, kayo ang aking Dios! Pupurihin kita at pararangalan dahil kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Tinupad mo ang iyong mga plano noong unang panahon. Winasak mo ang mga lungsod ng taga-ibang bansa pati ang may mga pader. Winasak mo rin ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod, at hindi na nila ito maitatayong muli. Kaya pararangalan ka ng mga taong makapangyarihan at igagalang ka ng mga malulupit na mga bansa. Ikaw ang takbuhan ng mga dukha at ng mga nangangailangan sa panahon ng kahirapan. Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo at tag-init. Sapagkat ang paglusob ng mga malulupit na taoʼy parang bagyo na humahampas sa pader, at parang init sa disyerto. Pero pinatahimik mo ang sigawan ng mga dayuhan. Pinatigil mo ang awitan ng malulupit na mga tao, na parang init na nawala dahil natakpan ng ulap.

Dito sa Bundok ng Zion, ang Panginoong Makapangyarihan ay maghahanda ng isang piging para sa lahat. Masasarap na pagkain at inumin ang kanyang inihanda. At sa bundok ding ito, papawiin niya ang kalungkutan[a] ng mga tao sa lahat ng bansa. Aalisin din ng Panginoong Dios ang kamatayan at papahirin niya ang mga luha ng lahat ng tao. Aalisin niya ang kahihiyan ng kanyang mga mamamayan sa buong mundo. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.

Kapag itoʼy nangyari na, sasabihin ng mga tao, “Siya ang ating Dios! Nagtiwala tayo sa kanya, at iniligtas niya tayo. Siya ang Panginoon na ating inaasahan. Magalak tayoʼt magdiwang dahil iniligtas niya tayo.”

Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Filipos 4:1-9

Mga Bilin

Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo sa Panginoon. Mahal na mahal ko kayo at nasasabik akong makita kayo. Kayo ang kagalakan at gantimpala ko sa paglilingkod.

Nakikiusap ako kina Eudia at Syntique, na magkasundo na sila bilang magkapatid sa Panginoon. At nakikiusap din ako sa iyo, tapat kong kasama sa pangangaral, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat katulong ko sila sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama nina Clement at ng iba ko pang kamanggagawa na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.[a]

Magalak kayong lagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo!

Ipakita nʼyo sa lahat ang kagandahang-loob ninyo. Malapit nang dumating ang Panginoon! Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat. Kapag ginawa nʼyo ito, bibigyan kayo ng Dios ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.

Bukod diyan, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais. Ipamuhay nʼyo ang lahat ng natutunan nʼyo at tinanggap mula sa akin, sa salita at sa gawa, at sasainyo ang Dios na nagbibigay ng kapayapaan.

Mateo 22:1-14

Ang Talinghaga tungkol sa Handaan sa Kasal(A)

22 Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na naghanda ng salo-salo para sa kasal ng anak niyang lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inimbitahan sa kasalan, pero ayaw nilang dumalo. Sinugo niya ang iba pang mga alipin upang sabihin sa mga inimbitahan, ‘Handa na ang lahat; nakatay na ang aking mga baka at iba pang pinatabang hayop. Nakahanda na ang pagkain kaya pumunta na kayo rito!’ Pero hindi ito pinansin ng mga inimbitahan. Ang ibaʼy pumunta sa bukid nila, at ang ibaʼy sa negosyo nila. Ang iba namaʼy sinunggaban ang mga alipin ng hari, hiniya, at pinatay. Kaya galit na galit ang hari sa ginawa ng mga ito. Inutusan niya ang kanyang mga sundalo na patayin ang mga pumatay sa kanyang mga alipin at sunugin ang lungsod ng mga ito. Pagkatapos, sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Handa na ang salo-salo para sa kasal ng aking anak, pero hindi karapat-dapat ang mga inimbitahan. Pumunta na lang kayo sa mga mataong lansangan, at imbitahan ninyo ang lahat ng inyong makita.’ 10 Pumunta nga sa mga lansangan ang mga alipin at inimbitahan ang lahat ng nakita nila, masama man o mabuti. Kaya napuno ng bisita ang pinagdarausan ng handaan. 11 Nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaking hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan. 12 Kaya tinanong niya ang lalaki, ‘Kaibigan, bakit pumasok ka rito nang hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan?’ Hindi nakasagot ang lalaki. 13 Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Talian ninyo ang mga kamay at paa niya at itapon sa dilim, doon sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ” 14 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag ng Dios na mapabilang sa kanyang kaharian, ngunit kakaunti ang pinili.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®