Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol
23 Ang Panginoon ang aking pastol,
hindi ako magkukulang ng anuman.
2 Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
3 Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
upang siyaʼy aking maparangalan.
4 Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
dahil kayo ay aking kasama.
Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
5 Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
6 Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.
8 Nakuha na nila ang mga pangproteksyon ng Juda.
Kumuha kayo ng mga sandata sa taguan nito. 9 Tiningnan ninyo ang mga pader ng Lungsod ni David upang malaman ninyo kung nasaan ang mga sira nito. Nag-imbak kayo ng tubig sa imbakan sa ibaba. 10 Tiningnan ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ang ilan para gamitin ang mga bato sa pag-aayos ng nagibang pader ng lungsod. 11 Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at itoʼy pinuno ninyo ng tubig mula sa dating imbakan. Pero hindi ninyo naisip ang Dios na siyang nagplano nito noong una pa at niloob niya na mangyari ito.
12 Nanawagan sa inyo ang Panginoong Dios na Makapangyarihan na kayoʼy magdalamhati, umiyak, magpakalbo at magsuot ng damit na panluksa[a] bilang tanda ng inyong pagsisisi. 13 Sa halip, nagdiwang kayo at nagsaya. Nagkatay kayo ng mga baka at tupa, at nagkainan at nag-inuman. Sabi ninyo, “Magpakasaya tayo, kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
14 Sinabi sa akin ng Panginoong Makapangyarihan na hindi niya kayo patatawarin sa kasalanang ito habang kayoʼy nabubuhay.
4 Kayong mga hindi tapat sa Dios, hindi nʼyo ba alam na kaaway ng Dios ang umiibig sa mundo? Kaya ang sinumang nagnanais makipagkaibigan sa mundo ay ginagawa niyang kaaway ng Dios ang sarili niya. 5 Huwag ninyong isipin na walang kabuluhan ang sinasabi ng Kasulatan, “Ayaw ng Espiritung pinatira sa atin na may kaagaw sa pag-ibig niya.”[a] 6 Ngunit sapat ang biyayang ibinigay ng Dios. Kaya nga sinasabi sa Kasulatan, “Kinakalaban ng Dios ang mga mapagmataas, pero kinakaawaan niya ang mapagpakumbaba.”[b]
7 Kaya magpasakop kayo sa Dios. Labanan nʼyo ang diyablo at lalayo ito sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Dios at lalapit din siya sa inyo. Kayong mga makasalanan, mamuhay kayo nang malinis. At kayong mga nagdadalawang-isip, linisin nʼyo ang inyong puso. 9 Maging malungkot kayo at maghinagpis dahil sa mga kasalanan nʼyo. Palitan nʼyo ng pagdadalamhati ang pagsasaya ninyo. 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at itataas niya kayo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®