Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Isaias 22:1-8

Ang Mensahe tungkol sa Jerusalem

22 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Lambak ng Pangitain.[a]

Ano ang nangyayari? Bakit kayo umaakyat sa mga bubong? Nagkakagulo at nagsisigawan ang mga tao sa bayan. Ang mga namatay sa inyo ay hindi sa digmaan namatay. Ang lahat ninyong pinuno ay nagsitakas at nahuli nang walang kalaban-laban. Ang ilan sa inyo ay tumangkang tumakas, pero nahuli pa rin. Hayaan ninyo akong umiyak para sa aking mga kababayan na namatay. Huwag ninyo akong aliwin. Sapagkat itinakda ng Panginoong Dios na Makapangyarihan ang araw na ito ng pagkakagulo, pagtatakbuhan, at pagkalito ng mga tao sa Lambak ng Pangitain. Ang mga pader nito ay nagbabagsakan at ang sigawan ng mga tao ay dinig hanggang sa kabundukan. Sumasalakay ang mga sundalo ng Elam na sakay ng mga kabayo at may mga pana. Ang mga sundalo ng Kir ay sumasalakay din na may mga hawak na kalasag. Pinapalibutan nila ang inyong mga lambak na sagana sa ani, at nagtitipon-tipon sila sa mga pintuan ng inyong lungsod. Nakuha na nila ang mga pangproteksyon ng Juda.

Kumuha kayo ng mga sandata sa taguan nito.

1 Pedro 5:1-5

Mga Bilin sa mga Namumuno sa Iglesya at sa mga Kabataan

Sa mga namumuno sa iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring namumuno sa iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating. Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang[a] kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila. At pagdating ni Cristo na siyang Pangulong Tagapag-alaga, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.

At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Kinamumuhian ng Dios ang mga mapagmataas, ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”[b]

1 Pedro 5:12-14

Mga Pangangamusta

12 Isinulat ko sa inyo ang maikling sulat na ito sa tulong ni Silvanus. Kapatid natin siya kay Cristo at talagang mapagkakatiwalaan. Napalakas ko sana ang inyong loob sa pamamagitan ng sulat na ito at napatunayan ko ang kabutihan sa atin ng Dios. Manatili kayo sa kabutihan niya.

13 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa Babilonia. Katulad nʼyo, mga pinili rin sila ng Dios na maging mga anak niya. Kinukumusta rin kayo ni Marcos na itinuturing kong anak. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[a]

Sa inyong lahat na nakay Cristo, sumainyo nawa ang kapayapaan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®