Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 80:7-15

O Dios na Makapangyarihan,
    ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
Katulad namin ay puno ng ubas,
    na kinuha nʼyo sa Egipto at itinanim sa lupaing pinalayas ang mga nakatira.
Nilinis nʼyo ang lupaing ito at ang puno ng ubas ay nag-ugat
    at lumaganap sa buong lupain.
10 Nalililiman ng mga sanga nito ang mga bundok at ang malalaking puno ng sedro.
11 Umabot ang kanyang mga sanga hanggang sa Dagat Mediteraneo at hanggang sa Ilog ng Eufrates.
12 Ngunit bakit nʼyo sinira, O Dios, ang bakod nito?
    Kaya ninanakaw ng mga dumadaan ang mga bunga nito.
13 At kinain din ito ng mga baboy-ramo at iba pang hayop sa gubat.
14 O Dios na Makapangyarihan, bumalik na kayo sa amin.
    Mula sa langit, kami ay inyong pagmasdan.
    Alalahanin nʼyo ang inyong mga mamamayan,
15 na tulad ng puno ng ubas na inyong itinanim sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
    Alalahanin nʼyo kami na inyong mga anak na pinatatag nʼyo para sa inyong kapurihan.

Jeremias 6:1-10

Napaligiran ang Jerusalem ng Kanyang mga Kaaway

“Mga lahi ni Benjamin, tumakas kayo at magtago! Umalis kayo sa Jerusalem! Patunugin nʼyo ang trumpeta sa Tekoa at hudyatan nʼyo ang Bet Hakerem, dahil darating na ang kapahamakan mula sa hilaga. Wawasakin ko ang magandang lungsod ng Jerusalem.[a] Papalibutan ito ng mga pinuno at ng kanilang mga sundalo.[b] Magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa paligid nito at doon sila magkakampo. Sasabihin ng mga pinuno, ‘Humanda kayo! Pagsapit ng tanghali, sasalakayin natin sila.’ Pero pagdating ng hapon, sasabihin ng pinuno, ‘Lumulubog na ang araw at medyo nagdidilim na. Ngayong gabi na lang tayo sasalakay at wawasakin natin ang mga matitibay na bahagi ng lungsod na ito.’ ”

Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Pumutol kayo ng mga kahoy na pangwasak sa mga pader ng Jerusalem, at magtambak kayo ng lupa sa gilid ng pader at doon kayo dumaan. Nararapat nang parusahan ang lungsod na ito dahil laganap na rito ang mga pang-aapi. Katulad ng bukal na patuloy ang pag-agos ng tubig, patuloy ang paggawa nito ng kasamaan. Palaging nababalitaan sa lungsod na ito ang mga karahasan at panggigiba. Palagi kong nakikita ang mga karamdaman at sugat nito. Mga taga-Jerusalem, babala ito sa inyo at kung ayaw pa ninyong makinig, lalayo ako sa inyo, at magiging mapanglaw ang lupain nʼyo at wala nang maninirahan dito.”

Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang mga matitirang buhay sa Israel ay ipapaubos ko sa mga kaaway, katulad ng huling pamimitas ng mga natitirang ubas. Tinitingnan nilang mabuti ang mga sanga at kukunin ang mga natitirang bunga.”

10 Nagtanong ako, “Pero Panginoon sino po ang bibigyan ko ng babala? Sino po kaya ang makikinig sa akin? Tinakpan po nila ang kanilang mga tainga para hindi sila makarinig. Kinasusuklaman po nila ang salita ng Panginoon, kaya ayaw nilang makinig.

Juan 7:40-52

Ang Paniniwala ng mga Tao tungkol kay Jesus

40 Maraming tao ang nakarinig sa sinabing iyon ni Jesus, at sinabi ng ilan sa kanila, “Siya na nga ang Propeta na hinihintay natin!” 41 Sinabi naman ng iba, “Siya na nga ang Cristo!” Pero may nagsabi rin, “Hindi siya ang Cristo, dahil hindi maaaring manggaling ang Cristo sa Galilea. 42 Hindi baʼt sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni Haring David, at ipapanganak sa Betlehem na bayan ni David?” 43 Kaya iba-iba ang paniniwala ng mga tao tungkol kay Jesus. 44 Gusto ng ilan na dakpin siya, pero walang humuli sa kanya.

Ayaw Maniwala ng mga Pinuno ng mga Judio kay Jesus

45 Bumalik ang mga guwardya ng templo sa mga namamahalang pari at mga Pariseo na nag-utos sa kanila na dakpin si Jesus. Tinanong sila ng mga ito, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” 46 Sumagot sila, “Ngayon lang po kami nakarinig ng katulad niyang magsalita.” 47 Sinabi ng mga Pariseo, “Kung ganoon, pati kayo ay naloko na rin ng taong iyon? 48 May nakita na ba kayong mga pinuno o mga Pariseong sumasampalataya sa kanya? 49 Wala! Mga tao lang na walang alam sa Kautusan ni Moises ang sumasampalataya sa kanya. Sumpain sila ng Dios!” 50 Isa sa mga Pariseong naroon ay si Nicodemus, na minsang dumalaw kay Jesus. Sinabi niya sa mga kasamahan niya, 51 “Hindi baʼt labag sa Kautusan natin na hatulan ang isang tao hanggaʼt hindi siya nalilitis at inaalam kung ano ang ginawa niya?” 52 Sumagot sila kay Nicodemus, “Taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka sa Kasulatan at makikita mong walang propetang nanggagaling sa Galilea.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®