Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 28

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

28 Tumatawag ako sa inyo, Panginoon, ang aking Bato na kanlungan.
    Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
    Dahil kung hindi, matutulad ako sa mga patay na nasa libingan.
Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
    Humingi ako sa inyo ng tulong,
    habang itinataas ang aking mga kamay sa harap ng inyong banal na templo.
Huwag nʼyo akong parusahan kasama ng masasama.
    Nagkukunwari silang mga kaibigan,
    pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
    Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
Binalewala nila ang inyong mga gawa.
    Gaya ng lumang gusali,
    gibain nʼyo sila at huwag nang itayong muli.
Purihin kayo, Panginoon,
    dahil pinakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo.
Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin.
    Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
    Tinutulungan nʼyo ako,
    kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
Kayo, Panginoon, ang kalakasan ng inyong mga mamamayan.
    Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
    Katulad ng isang pastol, bantayan nʼyo sila,
    at kalungin magpakailanman.

Hukom 16:1-22

Pumunta si Samson sa Gaza

16 1-2 Isang araw, pumunta si Samson sa Gaza na isang lungsod ng Filisteo. May nakilala siya roon na isang babaeng bayaran, at sumiping siya sa babaeng iyon. Nalaman ng mga taga-Gaza na naroon si Samson, kaya pinalibutan nila ang lungsod at binantayan ang pintuan ng lungsod buong gabi. Hindi sila lumusob nang gabing iyon. Nagpasya sila na papatayin nila si Samson nang madaling-araw. Pero sumiping si Samson sa babae hanggang hatinggabi lang. Bumangon siya at pumunta sa may pintuan ng lungsod. Hinawakan niya ang pintuan at binunot, at natanggal ito pati ang mga kandado at haligi nito. Pagkatapos, pinasan niya ito at dinala sa tuktok ng bundok na nakaharap sa Hebron.

Si Samson at si Delaila

Isang araw, nagkagusto si Samson sa isang dalaga na nakatira sa Lambak ng Sorek. Ang pangalan niyaʼy Delaila. Pinuntahan ng limang pinuno ng mga Filisteo si Delaila at sinabi, “Kumbinsihin mo siya na ipagtapat sa iyo ang sekreto ng lakas niya at kung paano siya matatalo, para maigapos at mabihag namin siya. Kung magagawa mo ito, ang bawat isa sa amin ay magbibigay sa iyo ng 1,100 pilak.”

Kaya tinanong ni Delaila si Samson. Sinabi niya, “Ipagtapat mo sa akin ang sekreto ng lakas mo. Kung may gagapos o huhuli sa iyo, paano niya ito gagawin?” Sumagot si Samson, “Kung gagapusin ako ng pitong sariwang bagting ng pana,[a] magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

Nang malaman ito ng mga pinuno ng Filisteo, binigyan nila si Delaila ng pitong sariwang bagting ng pana at iginapos niya si Samson. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pero nilagot ni Samson ang tali na parang lubid na nadarang sa apoy. Kaya hindi pa rin nila nalaman ang sekreto ng kanyang lakas.

10 Sinabi ni Delaila kay Samson, “Niloko mo lang ako; nagsinungaling ka sa akin. Sige na, ipagtapat mo sa akin kung paano ka maigagapos.” 11 Sinabi ni Samson, “Kapag naigapos ako ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

12 Kaya kumuha si Delaila ng bagong lubid na hindi pa nagagamit at iginapos niya si Samson. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para dakpin ka!” Pero nilagot ni Samson ang tali sa kanyang braso na parang sinulid lang.

13 Kaya sinabing muli ni Delaila kay Samson, “Hanggang ngayon, niloloko mo pa rin ako at nagsisinungaling ka. Sige na, ipagtapat mo na kung paano ka maigagapos.” Sinabi ni Samson, “Kung itatali mo ng pitong tirintas ang buhok ko sa teral[b] at ipinulupot sa isang tulos, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

14 Kaya nang nakatulog si Samson, itinali ni Delaila ng pitong tirintas ang buhok ni Samson sa teral, at sumigaw agad, “Samson, may dumating na mga Filisteo para dakpin ka!” Nagising si Samson at mabilis niyang tinanggal ang buhok niya sa teral.

15 Kaya sinabi ni Delaila sa kanya, “Sabi mo mahal mo ako, pero hindi mo ako pinagkakatiwalaan. Tatlong beses mo na akong niloko. Hindi mo talaga ipinagtapat sa akin kung saan nanggagaling ang lakas mo.” 16 Araw-araw niyang tinatanong si Samson hanggang sa bandang huli ay nakulitan din ito. 17 Kaya ipinagtapat na lang ni Samson sa kanya ang totoo. Sinabi ni Samson, “Hindi pa nagugupitan ang buhok ko kahit isang beses lang. Sapagkat mula pa sa kapanganakan ko, itinalaga na ako sa Dios bilang isang Nazareo. Kaya kung magugupitan ang buhok ko, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

18 Naramdaman ni Delaila na nagsasabi si Samson ng totoo. Kaya nagpautos siya na sabihin sa mga pinuno ng mga Filisteo na bumalik dahil nagtapat na sa kanya si Samson. Kaya bumalik ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delaila. 19 Pinatulog ni Delaila si Samson sa hita niya, at nang makatulog na ito, tumawag siya ng isang tao para gupitin ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Kaya nanghina si Samson, at ipinadakip siya ni Delaila. 20 Sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pagbangon ni Samson akala niyaʼy makakawala pa rin siya tulad ng ginagawa niya noon. Pero hindi niya alam na hindi na siya tinutulungan ng Panginoon. 21 Dinakip siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Pagkatapos, dinala siya sa Gaza at kinadenahan ng tanso. Pinagtrabaho nila siya sa loob ng bilangguan bilang tagagiling ng trigo. 22 Pero unti-unting tumubo ulit ang kanyang buhok.

Filipos 1:15-21

15 Totoong may ilan diyan na nangangaral lang tungkol kay Cristo dahil naiinggit sila sa akin at gusto nilang ipakita na mas magaling sila kaysa sa akin. Ngunit may ilan din namang tapat ang hangarin sa pangangaral. 16 Nangangaral sila dahil sa pagmamahal, at alam nilang dinala ako rito ng Dios para ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ang mga taong naiinggit ay hindi tapat sa pangangaral nila tungkol kay Cristo. Ginagawa nila ito dahil sa pansariling hangarin. Inaakala nilang lalo pang madadagdagan ang mga paghihirap ko sa bilangguan dahil sa ginagawa nila. 18 Pero walang anuman ang lahat ng iyon sa akin. Nagagalak pa nga ako sa mga pangyayari dahil kahit papaano, naipapangaral si Cristo, tama man o mali ang hangarin nila. At patuloy akong magagalak, 19 dahil alam ko na sa pamamagitan ng mga panalangin nʼyo at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo ay makakalaya ako. 20 Malaki ang hangarin at pag-asa ko na hindi ako mapapahiya, kundi tulad ng dati, magkakaroon ako ng lakas ng loob para sa pamamagitan ng buhay o kamatayan ko ay maparangalan si Cristo. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ko ay para kay Cristo. At kung mamatay man ako, kapakinabangan ito sa akin dahil makakapiling ko na siya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®