Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 18:1-4

Mamamatay ang Nagkasala

18 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ano ang ibig ninyong sabihin sa kasabihang ito sa Israel, ‘Ang mga magulang ay kumain ng maasim na ubas at ang asim nitoʼy matitikman pati ng kanilang mga anak?’

“Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi nʼyo na babanggitin ang kasabihang ito sa Israel. Makinig kayo! Akin ang lahat ng may buhay, maging ang buhay ng mga magulang o buhay ng mga anak. Ang taong nagkasala ang siyang mamamatay.

Ezekiel 18:25-32

25 “Pero baka naman sabihin ninyo, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon.’ Makinig kayo, kayong mga mamamayan ng Israel! Ang ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo ang hindi tama? 26 Kapag ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid at magpakasama, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan. 27 Pero kung ang taong masama ay tumigil sa paggawa ng masama at gumawa ng matuwid at tama, maililigtas niya ang buhay niya. 28 Dahil inamin niya ang kasalanan niya at pinagsisihan ito, hindi siya mamamatay at patuloy na mabubuhay. 29 Ngunit baka sabihin ninyo mamamayan ng Israel, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon!’ Mga mamamayan ng Israel, ang mga ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo?”

30 “Kaya sinasabi ko sa inyo, mga mamamayan ng Israel, ako, ang Panginoong Dios, ako ang hahatol sa bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga ginawa. Kaya, magsisi na kayo! Talikuran na ninyo ang lahat ng inyong kasalanan para hindi kayo mapahamak. 31 Mga mamamayan ng Israel, bakit gusto ninyong mamatay? Tumigil na kayo sa paggawa ng kasalanan at baguhin na ang inyong pamumuhay. 32 Hindi ako natutuwa kapag may namamatay. Kaya magsisi na kayo para kayoʼy mabuhay! Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Salmo 25:1-9

Dalangin para Ingatan at Patnubayan

25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
    Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
    at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
    ngunit mapapahiya ang mga traydor.

Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
    ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
    Kayo ang lagi kong inaasahan.
Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
    na inyong ipinakita mula pa noong una.
Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
    alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
    mula pa noong aking pagkabata.

Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
    kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
    Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.

Filipos 2:1-13

Ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Hindi baʼt masigla kayo dahil nakay Cristo kayo? Hindi baʼt masaya kayo dahil alam ninyong mahal niya kayo? Hindi baʼt may mabuti kayong pagsasamahan dahil sa Banal na Espiritu? At hindi baʼt may malasakit at pang-unawa kayo sa isaʼt isa? Kung ganoon, nakikiusap ako na lubusin na ninyo ang kagalakan ko: Magkasundo kayoʼt magmahalan, at magkaisa sa isip at layunin. Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o sa paghahangad na maitaas ang sarili. Sa halip, magpakumbaba kayo sa isaʼt isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin nʼyo kundi ang kapakanan din ng iba. Dapat maging katulad ng kay Cristo Jesus ang pananaw nʼyo:

Kahit na nasa kanya ang katangian ng Dios, hindi niya itinuring ang pagiging kapantay ng Dios bilang isang bagay na dapat panghawakan.
Sa halip, ibinaba niya nang lubusan ang sarili niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin.
Naging tao siyang tulad natin.     At sa pagiging tao niya, nagpakumbaba siya at naging masunurin sa Dios hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus.
Kaya naman itinaas siyang lubos ng Dios at binigyan ng titulong higit sa lahat ng titulo,
10 upang ang lahat ng nasa langit at lupa, at nasa ilalim ng lupa ay luluhod sa pagsamba sa kanya.
11 At kikilalanin ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikapupuri ng Dios Ama.

Magsilbi Kayong Ilaw na Nagliliwanag

12 Mga minamahal, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod noong magkakasama pa tayo, lalo sana kayong maging masunurin kahit ngayong malayo na ako sa inyo. Sikapin ninyong ipamuhay[a] ang kaligtasang tinanggap nʼyo, at gawin nʼyo ito nang may takot at paggalang sa Dios. 13 Sapagkat ang Dios ang siyang nagbibigay sa inyo ng pagnanais at kakayahang masunod nʼyo ang kalooban niya.

Mateo 21:23-32

Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(A)

23 Bumalik sa templo si Jesus, at habang nagtuturo siya, nilapitan siya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio at tinanong, “Ano ang awtoridad mong gumawa ng mga bagay na ginagawa mo? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[a] o sa tao?” Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 26 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, magagalit sa atin ang mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” 27 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng talinghagang ito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa panganay at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ating ubasan at magtrabaho.’ 29 Sumagot siya, ‘Ayaw ko po.’ Pero maya-maya ay nagbago ang isip niya at pumunta rin. 30 Lumapit din ang ama sa bunso at ganoon din ang sinabi. Sumagot ang bunso, ‘Opo,’ pero hindi naman siya pumunta. 31 Sino ngayon sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanilang ama?” Sumagot sila, “Ang panganay.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay nauuna pa sa inyo na mapabilang sa kaharian ng Dios. 32 Sapagkat dumating sa inyo si Juan na tagapagbautismo, at itinuro sa inyo ang tamang daan sa matuwid na pamumuhay, pero hindi kayo naniwala. Pero ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay naniwala sa kanya. At kahit na nakita ninyo ito, hindi pa rin kayo nagsisi sa mga kasalanan ninyo at naniwala sa kanya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®