Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 25:1-9

Dalangin para Ingatan at Patnubayan

25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
    Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
    at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
    ngunit mapapahiya ang mga traydor.

Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
    ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
    Kayo ang lagi kong inaasahan.
Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
    na inyong ipinakita mula pa noong una.
Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
    alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
    mula pa noong aking pagkabata.

Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
    kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
    Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.

Ezekiel 12:17-28

17 Sinabi sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain ka at umiinom. 19 Sabihin mo sa mga mamamayan ng Jerusalem at sa lahat ng taga-Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na maguguluhan sila at manginginig sa takot habang kumakain at umiinom, dahil sasamsamin ang mga ari-arian ng bansa nila dahil sa kanilang kalupitan. 20 Wawasakin ang mga bayan nila at magiging mapanglaw ito. At malalaman nilang ako ang Panginoon.”

21 Sinabing muli ng Panginoon sa akin, 22 “Anak ng tao, ano itong kasabihan sa Israel na, ‘Lumilipas ang panahon pero hindi natutupad ang mga propesiya?’ 23 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay magpapatigil sa kasabihang ito at hindi na muling sasabihin pa sa Israel. Sabihin mo rin sa kanilang malapit nang matupad ang mga propesiya. 24 Tiyak na mawawala na sa Israel ang mga maling pangitain o mga panghuhula ng kasinungalingan. 25 Sapagkat kapag ako, ang Panginoon ay nagsalita, tiyak na mangyayari. Hindi magtatagal at magaganap na ang mga sinabi ko tungkol sa mga rebeldeng mamamayan. At mangyayari ito sa panahon ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

26 Sinabi sa akin ng Panginoon, 27 “Anak ng tao, sinasabi ng mga mamamayan ng Israel na ang mga pangitain mo at mga propesiya ay mangyayari pero matagal pa. 28 Kaya sabihin mo sa kanila: ‘Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi na sa lalong madaling panahon ay magaganap na ang mga sinabi ko. Oo, mangyayari na ito.’ ”

Santiago 4:11-16

Paalala sa Paghuhusga sa Kapwa

11 Mga kapatid, huwag ninyong siraan ang isaʼt isa. Ang naninira o humahatol sa kapatid niya ay nagsasalita laban sa Kautusan at humahatol sa Kautusan. At kung ikaw ang humahatol sa Kautusan, hindi ka na tagatupad nito kundi isa nang hukom. 12 Ngunit ang Dios lang ang nagbigay ng Kautusan at siya lamang ang hukom. Tanging siya ang may kakayahang magligtas at magparusa.[a] Kaya sino ka para husgahan ang kapwa mo?

Paalala sa Pagmamalaki

13 Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas, pupunta kami sa isang bayan. Mamamalagi kami roon ng isang taon, magnenegosyo, at kikita ng malaki.” 14 Sa katunayan, hindi nʼyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo bukas. Sapagkat ang buhay ay parang hamog na lilitaw nang sandali at mawawala pagkatapos. 15 Kaya nga, ito ang dapat ninyong sabihin: “Kung loloobin ng Panginoon at mabubuhay pa tayo, ganito o kaya ganoon ang gagawin natin.” 16 Ngunit sa ngayon, nagmamalaki at nagmamayabang kayo. Ang ganyang pagyayabang ay masama.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®