Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pag-ibig ng Dios
103 Pupurihin ko ang Panginoon!
Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
2 Pupurihin ko ang Panginoon,
at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
3 Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
4 Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
5 Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
7 Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
8 Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Hindi siya palaging nanunumbat,
at hindi nananatiling galit.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan.
Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa,
ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak,
ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
53 Natapos na ang pitong taong kasaganaan sa Egipto, 54 at nagsimula na ang pitong taong taggutom katulad ng sinabi ni Jose. May taggutom sa ibaʼt ibang lugar pero may pagkain sa buong Egipto. 55 Dumating ang panahon na naramdaman din ng mga taga-Egipto ang taggutom, kaya humingi sila ng pagkain sa hari. Sinabi ng hari sa kanila, “Pumunta kayo kay Jose dahil siya ang magsasabi sa inyo kung ano ang gagawin ninyo.”
56 Lumaganap ang taggutom kahit saan. At dahil sa matinding taggutom sa buong Egipto, pinabuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at pinagbilhan ng pagkain ang mga taga-Egipto. 57 Pumunta rin sa Egipto ang halos lahat ng bansa para bumili ng pagkain kay Jose dahil matindi ang taggutom sa kanilang bansa.
Pumunta sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose
42 Nang malaman ni Jacob na may ipinagbibiling pagkain sa Egipto, sinabi niya sa mga anak niyang lalaki, “Ano pa ang hinihintay ninyo? 2 Nabalitaan ko na may ipinagbibili raw na pagkain sa Egipto kaya pumunta kayo roon at bumili para hindi tayo mamatay sa gutom.”
3 Kaya lumakad ang sampung kapatid ni Jose sa Egipto para bumili ng pagkain. 4 Pero hindi ipinasama ni Jacob si Benjamin na nakababatang kapatid ni Jose dahil natatakot siya na baka may masamang mangyari sa kanya. 5 Kaya pumunta ang mga anak ni Jacob[a] sa Egipto kasama ng mga taga-ibang lugar para bumili ng pagkain, dahil laganap na ang taggutom sa buong Canaan.
6 Bilang gobernador ng Egipto, tungkulin ni Jose na pagbilhan ng pagkain ang lahat ng tao. Kaya pagdating ng mga kapatid niya, yumukod sila kay Jose bilang paggalang sa kanya. 7-9 Pagkakita ni Jose sa kanila, nakilala niya agad ang mga ito pero siyaʼy hindi nila nakilala. Hindi lang siya nagpahalata na siya si Jose. Nagtanong siya sa kanila kung taga-saan sila.
Sumagot sila, “Taga-Canaan po kami, at pumunta po kami rito para bumili ng pagkain.” Naalala agad ni Jose ang panaginip niya tungkol sa kanila na naging dahilan kung bakit sila nagalit sa kanya. Kaya nagsalita siya ng masasakit na salita sa kanila, “Mga espiya kayo! Pumunta kayo rito para tingnan kung ano ang kahinaan ng bansa namin.”
10 Sumagot sila, “Hindi po! Hindi po kami espiya. Pumunta po kami rito para bumili ng pagkain. 11 Magkakapatid po kaming lahat sa isang ama, at nagsasabi po kami ng totoo. Hindi po kami espiya.”
12 Pero sinabi ni Jose, “Hindi ako naniniwala! Pumunta kayo rito para tingnan kung ano ang kahinaan ng bansa namin.”
13 Sumagot sila, “12 po kaming magkakapatid, at isa lang po ang aming ama na naroon ngayon sa Canaan. Ang bunso po namin ay naiwan sa kanya. Ang isa po naming kapatid ay wala na.”
14 Sinabi ni Jose, “Kagaya ng sinabi ko, mga espiya talaga kayo! 15 Pero susubukan ko kayo kung totoo talaga ang mga sinasabi ninyo. Isinusumpa ko sa pangalan ng Faraon na hindi kayo makakaalis dito hanggaʼt hindi ninyo maisasama ang bunsong kapatid nʼyo rito. 16 Pauuwiin ang isa sa inyo para kunin ang kapatid ninyo. Ang maiiwan sa inyoʼy ikukulong hanggang sa mapatunayan ninyo ang sinasabi ninyo, dahil kung hindi, talagang mga espiya nga kayo!” 17 At ipinakulong niya ang mga ito sa loob ng tatlong araw.
9 “Si Jose na isa sa mga 12 anak ni Jacob ay kinainggitan ng mga kapatid niya, kaya ipinagbili nila siya. Dinala siya sa Egipto at naging alipin doon. Pero dahil ang Dios ay kasama ni Jose, 10 tinulungan siya nito sa lahat ng mga paghihirap na kanyang dinanas. Binigyan din siya ng Dios ng karunungan, kaya nagustuhan siya ng Faraon, ang hari ng Egipto. Ginawa siya ng hari na tagapamahala ng buong Egipto at ng lahat ng kanyang ari-arian. 11 Dumating ang taggutom sa buong Egipto at Canaan. Hirap na hirap ang mga tao, at ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya nang mabalitaan ni Jacob na may pagkain sa Egipto, pinapunta niya roon ang kanyang mga anak, na siyang ating mga ninuno. Iyon ang una nilang pagpunta sa Egipto. 13 Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala na si Jose na siyaʼy kapatid nila, at sinabi rin niya sa Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na papuntahin ang ama niyang si Jacob sa Egipto kasama ang kanyang buong pamilya. (Mga 75 silang lahat.) 15 Kaya pumunta si Jacob at ang ating mga ninuno sa Egipto. Doon sila nanirahan at doon na rin namatay. 16 Dinala ang kanilang mga bangkay sa Shekem at inilibing sa libingang binili ni Abraham noon sa mga anak ni Hamor.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®