Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pag-ibig ng Dios
103 Pupurihin ko ang Panginoon!
Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
2 Pupurihin ko ang Panginoon,
at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
3 Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
4 Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
5 Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
7 Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
8 Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Hindi siya palaging nanunumbat,
at hindi nananatiling galit.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan.
Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa,
ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak,
ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
Ipinagbili si Jose ng Kanyang mga Kapatid
12 Isang araw, pumunta ang mga kapatid ni Jose sa Shekem para magbantay ng mga hayop ng kanilang ama. 13-14 Sinabi ni Jacob[a] kay Jose, “Ang mga kapatid mo ay naroon sa Shekem na nagpapastol ng mga hayop. Pumunta ka roon at tingnan mo kung maayos ang kalagayan ng mga kapatid mo at ng mga hayop. Bumalik ka agad at sabihin sa akin.” Sumagot si Jose, “Opo ama.”
Kaya mula sa Lambak ng Hebron, pumunta si Jose sa Shekem. 15 Nang naroon na siyang pagala-gala sa bukid, may lalaking nagtanong sa kanya kung ano ang hinahanap niya.
16 Sumagot siya, “Hinahanap ko po ang mga kapatid ko. Alam nʼyo po ba kung saan sila nagpapastol?”
17 Sinabi ng lalaki, “Wala na sila rito. Narinig kong pupunta raw sila sa Dotan.” Kaya sinundan sila roon ni Jose at nakita niya sila sa Dotan.
18 Malayo pa si Jose ay nakita na siya ng mga kapatid niya. At bago pa siya makarating, binalak na nila na patayin siya. 19 Sinabi nila, “Paparating na ang mapanaginipin. Halikayo, patayin natin siya 20 at ihulog sa isa sa mga balon dito. Sabihin na lang natin na pinatay siya ng mabangis na hayop. Tingnan nga natin kung magkakatotoo ang mga panaginip niya.”
21 Nang marinig ni Reuben ang balak nila, pinagsikapan niyang iligtas si Jose. Sinabi niya, “Huwag na lang natin siyang patayin. 22 Ihulog nʼyo na lang siya rito sa balon sa ilang, pero huwag ninyo siyang papatayin.” Sinabi iyon ni Reuben dahil plano na niyang iligtas si Jose at ibalik sa kanilang ama.
23 Kaya pagdating ni Jose, hinubad nila ang mahaba at magandang damit nito, 24 at inihulog sa balon na walang tubig.
25 Habang kumakain sila, may natanaw silang mga mangangalakal na Ishmaelitang nanggaling sa Gilead. Ang mga kamelyo nila ay may kargang mga sangkap, gamot at pabangong dadalhin sa Egipto.
26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Ano ba ang makukuha natin kung papatayin natin ang kapatid natin at ililihim ang kamatayan niya? 27 Ang mabuti pa siguro ipagbili natin siya sa mga Ishmaelitang iyan. Huwag natin siyang patayin dahil kapatid natin siya.” Pumayag ang mga kapatid ni Juda sa sinabi niya.
28 Kaya pagdaan ng mga mangangalakal na Ishmaelita,[b] iniahon nila si Jose mula sa balon at ipinagbili nila sa halagang 20 pilak. At dinala si Jose ng mga Ishmaelita sa Egipto.
29 Nang bumalik si Reuben sa balon, wala na doon si Jose. Kaya pinunit niya ang kanyang damit sa lungkot. 30 Pagkatapos, bumalik siya sa mga kapatid niya at sinabi, “Wala na doon ang nakababata nating kapatid. Paano na ako ngayon makakauwi roon kay ama?”
31 Nagkatay sila ng kambing at isinawsaw sa dugo nito ang damit ni Jose. 32 Pagkatapos, dinala nila ang damit ni Jose sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ito. Tingnan po ninyong mabuti kung kay Jose po ito o hindi.”
33 Nakilala agad ni Jacob ang damit. Sinabi niya, “Sa kanya ito! Pinatay siya ng mabangis na hayop! Tiyak na niluray-luray siya ng hayop.”
34 Pinunit agad ni Jacob ang kanyang damit at nagdamit ng sako bilang pagluluksa. Nagluksa siya nang matagal sa pagkamatay ng kanyang anak. 35 Inaliw siya ng lahat ng anak niya pero patuloy pa rin ang pagdadalamhati niya. Sinabi niya, “Hayaan nʼyo na lang ako! Mamamatay akong nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng anak ko.” At nagpatuloy ang pag-iyak niya dahil kay Jose.
36 Samantala, doon sa Egipto, ipinagbili ng mga Midianita[c] si Jose kay Potifar na isa sa mga opisyal ng Faraon.[d] Kapitan siya ng mga guwardya sa palasyo.
Magmahalan Tayo
11 Ito ang aral na narinig ninyo nang sumampalataya kayo: Dapat tayong magmahalan. 12 Huwag nating tularan si Cain, na kampon ng diyablo kaya pinatay niya ang kanyang kapatid. At bakit niya pinatay ang kanyang kapatid? Sapagkat masama ang mga gawa niya, at matuwid naman ang mga gawa ng kanyang kapatid. 13 Kaya huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung galit sa inyo ang mga makamundo. 14 Alam nating inilipat na tayo sa buhay na walang hanggan mula sa kamatayan dahil minamahal natin ang ating mga kapatid. Ang sinumang hindi nagmamahal sa kanyang kapwa ay nananatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan. 16 Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: ibinigay ni Jesu-Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®