Revised Common Lectionary (Complementary)
65 Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.
66 Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,
dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.
67 Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,
ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.
68 Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
69 Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.
70 Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,
ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.
71 Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,
dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.
72 Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.
Ang Seremonya sa Araw ng Pagtubos
16 1-2 Pagkamatay ng dalawang anak na lalaki ni Aaron nang silaʼy naghandog sa Panginoon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na huwag siyang papasok sa Pinakabanal na Lugar sa kabila ng tabing, sa anumang oras na naisin niya. Kapag ginawa niya iyon, mamamatay siya. Sapagkat doon ako nagpapakita sa anyong ulap sa itaas ng takip ng Kahon ng Kasunduan.”[a]
3 Ito ang utos ng Panginoon na gagawin ni Aaron sa araw na papasok siya sa Pinakabanal na Lugar: Magdadala siya ng batang toro bilang handog sa paglilinis at lalaking tupa bilang handog na sinusunog. 4 Kinakailangang maligo muna siya at pagkatapos, isuot niya ang kanyang damit pampari na purong linen: pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran, ang kanyang sinturon, ang turban na linen, at ang kanyang panlabas na damit.[b] 5 Ang mamamayan ng Israel ay magbibigay sa kanya ng dalawang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, at isang lalaking tupa bilang handog na sinusunog.
20 Pagkatapos magawa ni Aaron ang paglilinis sa Pinakabanal na Lugar at sa iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, dadalhin niya sa gitna ang buhay na kambing. 21 Ipapatong niya ang dalawang kamay niya sa ulo ng kambing at ipapahayag ang lahat ng kasalanan at pagsuway ng mga taga-Israel. Sa ganitong paraan, malilipat ang kanilang kasalanan sa ulo ng kambing. Pagkatapos, ibibigay ni Aaron ang kambing sa taong namamahalang magpakawala nito roon sa ilang. 22 Kaya dadalhin ng kambing ang lahat ng kasalanan ng mga taga-Israel doon sa ilang.
23 Pagkatapos, papasok si Aaron sa Tolda at huhubarin niya ang kanyang damit bilang punong pari na kanyang isinuot bago siya pumasok sa Pinakabanal na Lugar at iiwan niya iyon doon. 24 Maliligo siya sa banal na lugar doon sa Tolda at saka niya isusuot ang pangkaraniwan niyang damit. Pagkatapos, lalabas siya at ihahandog ang dalawang handog na sinusunog para mapatawad ang kanyang mga kasalanan at ang kasalanan ng mga taga-Israel. 25 Susunugin din niya sa altar ang mga taba ng hayop na iniaalay bilang handog sa paglilinis.
26 Ang taong nagpakawala ng kambing sa ilang para kay Azazel ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo. 27 Ang mga natirang bahagi ng baka at kambing na ang dugo ay dinala sa Pinakabanal na Lugar para sa paglilinis ay kailangang dalhin sa labas ng kampo at sunugin. 28 At ang taong magsusunog nito ay kinakailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(A)
18 Kinaumagahan, nang pabalik na sina Jesus sa lungsod ng Jerusalem, nagutom siya. 19 May nakita siyang puno ng igos sa tabi ng daan, kaya nilapitan niya ito. Pero wala siyang nakitang bunga kundi puro mga dahon. Kaya sinabi niya sa puno, “Hindi ka na mamumunga pang muli!” At agad na natuyo ang puno. 20 Namangha ang mga tagasunod ni Jesus nang makita nila iyon. Sinabi nila, “Paanong natuyo kaagad ang puno?” 21 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo at walang pag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos. At hindi lang iyan, maaari rin ninyong sabihin sa bundok, ‘Lumipat ka sa dagat!’ at lilipat nga ito. 22 Anumang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin ay matatanggap ninyo kung sumasampalataya kayo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®