Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 17

Ang Dalangin ng Taong Matuwid

17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
    Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
    kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
    ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
    Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
gaya ng ginagawa ng iba.
    Dahil sa inyong mga salita,
    iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
    at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.

O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
    dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
    Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
    Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
    at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
    na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
10 Silaʼy mayayabang sa kanilang pagsasalita at mga walang awa.
11 Akoʼy hinanap nila at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
    Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12 Para silang mga leon na kumukubli at nag-aabang,
    at nakahandang sumakmal ng mga biktima.

13 Sige na po Panginoon, labanan nʼyo na at talunin sila.
    At iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
14 Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.

Kaming mga minamahal nʼyo ay biyayaan nʼyo ng kasaganaan,
    pati ang aming mga anak, hanggang sa aming kaapu-apuhan.

15 Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
    At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.

Jeremias 17:5-18

Sinabi pa ng Panginoon, “Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin at nagtitiwala lamang sa tao. Matutulad siya sa isang maliit na punongkahoy sa ilang na walang magandang kinabukasan. Maninirahan siya sa tigang at maalat na lupain na walang ibang nakatira. Pero mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa lamang sa akin. Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog na ang mga ugat ay umaabot sa tubig. Ang punongkahoy na itoʼy hindi manganganib, dumating man ang tag-init o mahabang tag-araw. Palaging sariwa ang mga dahon nito at walang tigil ang pamumunga.

“Ang puso ng tao ay mandaraya higit sa lahat, at lubos na masama. Sino ang nakakaalam kung gaano ito kasama? 10 Pero ako, ang Panginoon, alam ko ang puso at isip ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa ayon sa pag-uugali at mga gawa niya. 11 Ang taong yumaman sa masamang paraan ay parang ibon na nililimliman ang hindi niya itlog. Sa bandang huli, sa kalagitnaan ng buhay niya, mawawala ang kayamanan niya at lalabas na siyaʼy hangal.”

12 O Panginoon, ang templo nʼyo po ang inyong magandang trono mula pa noon. 13 Kayo po Panginoon, ang pag-asa ng Israel. Mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa inyo. Malilibing po sila sa ilalim ng lupa, dahil itinakwil po nila kayo, kayo na bukal na nagbibigay ng buhay.

14 Panginoon, pagalingin nʼyo po ako at gagaling ako; iligtas nʼyo po ako at maliligtas ako. At kayo lang ang tangi kong pupurihin. 15 Sinabi po sa akin ng mga tao, “Nasaan na ang mga sinabi ng Panginoon? Bakit hindi pa rin ito nangyayari hanggang ngayon?” 16 O Panginoon, hindi po ako naging pabaya sa gawain ko bilang tagapagbantay ng mga mamamayan ninyo. Hindi ko po hinangad na ipahamak nʼyo sila. Alam po ninyo ang mga sinabi ko. 17 Huwag nʼyo po akong takutin, dahil kayo ang kanlungan ko sa panahon ng kapahamakan. 18 Takutin at hiyain nʼyo po ang mga umuusig sa akin. Pero huwag nʼyo itong gawin sa akin. Padalhan nʼyo po sila ng kapahamakan para malipol sila nang lubusan.

Mateo 12:22-32

Si Jesus at si Satanas(A)

22 May dinala ang mga tao kay Jesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. Pinagaling siya ni Jesus, agad siyang nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?”[a] 24 Pero nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas[b] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 25 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? 27 At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga tagasunod ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. 28 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.

29 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[c]

30 “Ang hindi kampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. 31 Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan, pati na ang paglapastangan sa Dios ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad. 32 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®